Lunes, Pebrero 27, 2023

Kwento - Sariling wika at kapatid na katutubo

SARILING WIKA AT KAPATID NA KATUTUBO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Gamit nating mga maralita ay sariling wika. Nag-uusap tayo sa ating sariling wika. Nagkakaunawaan tayo sa ating sariling wika. Bagamat sinasalita natin ay sariling wika, lahat naman ng mga dokumento at batas ay nakasulat naman sa wikang banyaga, sa wikang Ingles.

Nang sumama ako sa Ala-Lakad Laban sa Laiban Dam ay narinig kong sinabi ni Nanay Conching, isa sa mga lider ng mga katutubong Dumagat-Remontado, ang ganito, “Kaming mga katutubo ay hindi maramot. Subalit kami ay niloko. Lahat ng dokumento ay nakasulat sa Ingles. Kahit ang IPRA (Indigenous People’s Rights Act) na dapat nauunawaan naming katutubo, ay nakasulat sa Ingles. Kaya kami naglakad ng higit isandaan apatnapung kolometro upang ipaunawa sa pamahalaan na kami ay tutol sa Kalwa Dam.” Halos ganyan ang natatandaan kong sinabi niya nang makarating na kami sa Ateneo sa Katipunan, sa Lungsod ng Quezon.

Naalala ko tuloy ang isa sa mga turo ng Kartilya ng Katipunan, kung saan nasusulat, “Ang kamahalan ng tao’y wala sa pagkahari, wala sa tangus ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Dios, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa; wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika, yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri; yaong di napaaapi’t di nakikiapi; yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.” Malalim subalit mauunawaan: ang wika ay dangal natin at pagkatao.

Tagos na tagos sa aking pusong makata ang sinabing iyon ni Nanay Conching. Naisip kong minsan nga’y ginagamit ang wikang Ingles upang maisahan at maloko ang ating kapwa, tulad nilang mga katutubo, tulad naming nasa sektor ng maralita, tulad nating mga mahihirap.

May ginagawa ba ang pamahalaan kung paano ba mas mauunawaan ng mamamayan ang ating mga batas? Bakit ang lahat ng dokumento ay nakasulat lagi sa wikang Ingles, mula birth certificate, diploma, SSS, PhilHealth, hanggang death certificate? May ahensya ng pamahalaan na dapat gumagawa ng pagsasalin nito mula wikang Ingles tungo sa wikang Filipino. Ito ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Sila ang ahensya sa wika, subalit wala ang pagsasalin sa kanilang mandato. Kaya mungkahi kong italaga ang KWF bilang tagasalin ng lahat ng mga batas, pati dokumento, ng ating bansa. At tatakan ng “Opisyal na salin ng KWF.”

Siyam na araw kaming naglakad, ngunit labing-isang araw talaga mula sa simula hanggang bago umuwi. Una’y sa Isang dalampasigan, pito naman sa mga tinuluyan namin ay pawang basketball court, at tatlo ang simbahan. Sa isa sa huling tinulugan naming basketball court ay napag-usapan namin ng isang kasama ang hinggil sa sariling wika.

Ikinwento ni Ka Rene ang maraming beses na niyang pakikisalamuha sa mga katutubo. Minsan, nakasama rin siya sa pagsakay sa bangka subalit tumaob dahil sa lakas ng alon. Kwento pa niya, may sariling kultura ang mga katutubo sa kanilang lupaing ninuno at mga sagradong lugar. Mayroon ding silang tinatawag na punduhan kung saan nag-aaral ang kanilang mga anak. Maaaring itinuturo roon ay hindi Ingles, kundi sariling wika ng mga katutubo na marahil ay iba sa wikang Filipino.

Nang sumama ako sa kanilang Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam ay nakausap ko muli ang ilang nakasama sa naunang Lakad Laban sa Laiban Dam, na nais ko muling gumawa ng mga tula sa mahabang lakbaying iyon. Paraan ko ito upang itaguyod ang wikang Filipino, bilang makata, bilang maralita, bilang manunulat, bilang manggagawa, bilang isang mandirigmang nagtataguyod ng kagalingan ng bayan at nangangarap ng isang lipunang patas at walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Kayraming kwento ng tunggalian na dapat mapagtagumpayan ng mga katutubo, lalo na ang paggamit ng wikang Filipino sa maraming usapin, lalo na sa mga dokumento, upang mas magkaunawaan, at hindi sila matakot makipagbalitaktakan hinggil sa kung ano ang tama at mali, kung ano ang makatarungan para sa mga katutubo, kung paanong hindi masisira ang Sierra Madre, kung paanong hindi na muli silang maloloko ng mga Ingleserong nanghihiram ng respeto sa wikang Ingles, na kung hindi sila magsasalita ng wikang Ingles ay baka bansagan silang walang pinag-aralan. Subalit sa tulad kong makata, patuloy nating ipaglalaban ang wikang Filipino. Upang mas magkaunawaan pa tayo. Hanggang maisabatas na ang KWF ang maging opisyal na tagasalin ng lahat ng batas ng bansa, kahit sa pamamagitan ng Executive Order ng Pangulo.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 16-28, 2023, pahina 18-19.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento