Huwebes, Setyembre 14, 2023

Kwento - Pabahay ay Serbisyo, Huwag Gawing Negosyo


PABAHAY AY SERBISYO, HUWAG GAWING NEGOSYO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napag-usapan ng magkumpareng Igme at Inggo ang hinggil sa alok ng pamahalaan na pabahay. Sinabatas na kasi ni BBM sa kanyang Executive Order #34 na flagship project ng pamahalaan ang 4PH o Pambansang Pabahay Para sa Pilipino program nitong Hulyo 2023. Agad ding lumabas ang Operations Manual nito.

“Hindi naman pala para sa maralita ang 4PH kundi para sa mga may regular na trabahong may regular na sweldo.” Ito ang bungad ni Igme habang nagkakape sila ni Inggo sa karinderya ni Aling Isay.

“Aba’y nabasa mo na ba ‘yung sinasabing batas?” Tanong ni Inggo.

“Oo, napakaganda nga ng paliwanag dahil ginamit pa ang Saligang Batas, na nagsasabing dapat magkaroon ng disenteng pabahay sa abot kayang halaga ang mga underprivileged at homeless citizen sa mga lungsod at relokasyon. Pinaganda pa nga ang tawag sa mga iskwater - ISF o Informal Settler Families.” Ani Igme. “Subalit pagdating na sa Operations Manual, aba’y hindi pala kasali ang totoong ISF - na iskwater o yung mga underprivileged at homeless citizen. Parang pinaiikot lang nila ang ulo nating mga maralita.”

Napatingin tuloy sa kanila si Aling Isay, na agad sumabad sa usapan. “Matanong ko nga, paano mo naman nasabing hindi pangmaralita iyang bagong programa ng pamahalaan sa pabahay? Balita ko’y magtatayo raw ng parang kondominyum na pabahay para sa mga iskwater.”

“Ang totoo po niyan, Aling Isay, ang tinutukoy na benepisyaryo ng pabahay  sa Operations Manual ay tinatawag na buyer. Hindi na talaga mga iskwater, o yaong vendor, o dumidiskarte lang para mabuhay. Hindi tayo kasali, dahil dapat may regular kang trabahong may regular na sahod. Paano mo mababayaran ang isang libong pisong mahigit kada buwan na pabahay kung ang kinikita mo ay sapat lang para sa pang-araw-araw na pagkain ng pamilya mo? Ang nakasulat nga sa Operations Manual, ang prayoridad ay low-salaried ISF, employees and workers. Diyan pa lang ay makikitang hindi pangmaralita kundi pang may tiyak na buwanang sahod ang pabahay na iyan. Higit milyong pisong pa ang presyo ng maliit na espasyo sa itatayong ilang palapag na gusali.” Ang mahabang paliwanag ni Igme.

“Hindi pala talaga serbisyo sa maralita ang pabahay na iyan kundi negosyo. Hindi kataka-taka dahil dating contractor ng San Jose Builders iyang bagong kalihim ng DHSUD na si Alcuzar.” Pailing-iling si Aling Isay.

“Saan naman sila magtatayo ng pabahay? Baka naman itapon na naman tayo sa malalayong lugar na malayo sa ating mga trabaho? Aba’y talagang giyera-patani na naman iyan pag nagkataon.” Sabi ni Inggo.

Agad namang sumagot si Igme. “Maghahanap ng lupa ang lokal na pamahalaan upang pagtayuan ng pabahay. Ang problema pa, sila ang pipili ng mga benepisyaryo. Kaya kung political dynasty iyan, iyong mga kabig lang nila ang uunahin nila. Dehado na naman ang mga maralitang laging walang boses. Ano pa? Pag hindi ka agad nakabayad, papalitan ka agad-agad ng may kakayahang magbayad. Paano ang mga naihulog mo dati? Talo ang maralita sa negosyong 4PH. Binibilog nila ang ulo natin.”

“Kaya anong dapat nating gawin?” Tanong ni Inggo.

“Dumalo muna tayo sa patawag na pulong ni Ka Tek, ang pangulo ng samahan ng maralita dito sa lugar natin, upang mapag-usapan ang tungkol diyan. Mamayang ikaapat ng hapon, sa tapat ng barungbarong ni Igor, tatalakayin ang 4PH at ang gagawin nating pagkilos sa harap ng tanggapan ng DHSUD  sa susunod na Lunes.” Ani Igme. 

“Sasama ako sa pulong na iyan at makikinig. Pababantayan ko muna kay Bunso itong munti kong karinderya.” Ani Aling Isay.

Hapon. Pumunta sina Igme, Inggo, at Aling Isay sa tapat ng bahay ni Igor, habang naglabas naman ng mga bangko ang mga kapitbahay para sa pulong. Maya-maya, dumating na rin si Ka Tek, na naglabas naman ng manila paper upang pagsulatan. Nagkumustahan muna, saka tinalakay ni Ka Tek ang kanilang pagsusuri sa bagong programang pabahay na 4PH at inilatag ang planong pagkilos sa Lunes sa tanggapan ng DHSUD sa QC.

“Mga kasama, dahil negosyo at hindi serbisyo ang 4PH, ayon sa ating pinaliwanag kanina, may pagkilos tayo sa Lunes, kasama pa ang ibang maralitang dinemolis sa kani-kanilang lugar. Ito ang detalye, kitaan at oras. Dahil isyu naman nating maralita ito, kanya-kanyang pamasahe tayo. Wala kasi tayong pondo para pang-arkila ng sasakyan. Okay ba sa inyo? Ilan ang sasama?” Ani Ka Tek.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Setyembre 1-15, 2023, pahina 18-19.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento