Biyernes, Disyembre 8, 2023

Masaya na rin kahit walang sertipiko

MASAYA NA RIN KAHIT WALANG SERTIPIKO
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

May stigma pa rin ang lipunan sa mga dating bilanggong pulitikal. May diskriminasyon. Iyon ang naramdaman ko agad matapos ang dalawang araw na pagdaraos ng National Jail Decongestion Summit mula Disyembre 6-7, 2023, sa isang five-star hotel sa Malate, Maynila.

Nasabi kong may stigma dahil ako pang nag-iisang ex-political detainee o XD ang hindi nakakuha ng sertipiko bilang patunay na nakadalo ako at nakatapos sa dalawang araw na pagtitipong iyon. Sa aming table, sa table 24 ng CSO, ako lang ang hindi nakatanggap, habang ang isang absent sa ikalawang araw ay may sertipiko. Bakit ako pa ang natiyempuhan? Dahil ba ako'y ex-detainee? Dahil ba walang karapatan ang tulad ko na makakuha ng sertipiko? Marahil ay nakaligtaan lang, iyan tiyak ang sasabihing dahilan. Kaya nang magtanong ako sa nagbibigay ng mga sertipiko na wala akong natanggap, sinabihan akong i-email na lang, kaya ibinigay ko ang aking pangalan at email. Subalit matanggap ko kaya? Umaasa.

May isa pang senior citizen na katabi namin sa kabilang mesa ang hindi nakatanggap ng sertipiko. Sinabihan rin siyang i-email na lang sa kanya. Hanggang sa kami'y maghiwalay upang umuwi.

May karapatan ba akong magalit o sumama ang loob? Marahil ay wala? Marahil ay meron? Wala dahil XD lang naman ako, habang ang mga nagsidalo roon ay mga abogado, mga guro at kagawad sa mga Law school, mga mula sa  BJMP, BuCor, mula sa Korte, at kakarampot lang ang bilang ng mga galing sa CSO. Wala akong karapatang umangal dahil isa lang akong galunggong sa dagat ng mga pating. Isa lang akong pusa sa gubat ng mga leyon. Isa lang akong pipit sa kawan ng mga lawin. 

Marahil ay meron, dahil isa akong aktibista na ipinaglalaban ang karapatan ng mga naaapi at napagsasamantalahan. At hindi ko maipagtanggol ang karapatan ko? Tanging tamang proseso na nagawa ko ay tanungin ang mga organizer, at yaong namamahagi ng sertipiko na wala akong natanggap, at sinabihan nga akong i-email na lang. Pinasulat ako ng pangalan at email sa dilaw na papel na idinikit niya sa printer na naroron. Palagay ko'y nasa panglima ang papel ko, habang ang kaso ng ibang naroon ay pinababago ang spelling ng kanilang pangalan.

Mahigit dalawang daang (200) katao ang dumalo, o marahil ay higit tatlong daan (300). Sa isang bilog na mesa ay may labingdalawang upuan, tulad sa amin. Marahil sa ibang mesa ay sampu. Gayunpaman, kung 12 bawat lamesa at may 25 bilog na lamesa (12 x 25 = 300). Kung sampu - 10 x 25 = 250. Congested talaga, siksikan sa unang araw. Kaya noong ikalawang araw ay pinaluwag, dama rin nila na dapat i-congest.

Nakilala ako bilang XD nang magsalita ako sa isang workshop sa unang araw. Sinabi kong hindi ako tulad nilang mga abogado kundi XD, bilang kinatawan ng Ex-Political Detainees Initiative (XDI), bilang sekretaryo heneral nito. ikinwento ko rin ang kalagayan namin, na naitayo ito noong 2012, napasama ako rito noong dumating si Pope noong Enero 2015, at naglatag kami ng malaking banner na nakasulat ay "Free All Political Prisoners", nahalal akong secretary general ng XDI noong Hulyo 2017, at ang pagtanggi ng SEC na i-rehistro kami dahil may detainee sa aming pangalan. Nakakatuwang sinagot ako ng presidente ng IBP na si Atty. Pido, na abogado mula Samar, at ibinigay ang pangalan ng taga-IBP Manila chapter upang makatulong sa aming organisasyong XDI.

Umaga ng ikalawang araw ay agad na itinuro ng nagpapa-attendance kung nasaan ang aking pangalan, dahil marahil kilala na nila ako, dahil marahil nang magtanong ako sa workshop nang nakaraang araw, dahil sinabi niyang Gregorio ang aking pangalan.

Nang umaga ring iyon, nang makita ako ng abogadong taga-Cebu, na naging speaker din sa dinaluhan kong workshop ng hapon, sinabi niyang naiinis din siya sa SEC dahil iyon talaga ang pangalan namin na naglalarawan kung ano ba kami.

Ayoko nang palawigin pa ang isyu, baka pulutanin lang. Baka tanungin pa, sino bang nagpadalo riyan? Kayliit lang na problema, palalakihin pa! Buti nga naimbitahan pa roon at nakadalo ng dalawang araw. Ayos na iyon, hindi ba? Bakit maghahanap pa ako ng sertipiko? Aanhin ko ba ang sertipiko, maliban sa i-display sa bahay? Di tulad ng iba na magagamit ang sertipiko upang tumaas ang ranggo o katungkulan nila.

Isinulat ko lang ang artikulong ito bilang testamento na may ganitong nangyari. Pag itinago ko ito, at sinarili ko lang, baka mangyari uli sa susunod, at wala akong patunay na nangyari ito kung hindi ko isusulat. Hindi naman ako naghahabol na sa sertipiko, bagamat may sikolohikal na epekto rin iyon sa akin. Dapat ay hahabol ako (kung makakahabol at walang trapik) sa rali ng IDefend at sa konsyerto sa Xavierville sa araw na iyon para sa 75th anniversary ng Human Rights Day, subalit hindi ko na nagawa. Mula sa venue sa Malate ay nilakad ko ang Quiapo upang makasakay ng LRT puntang Cubao. Dumaan muna sa Luneta at pinanood ang nagsasayaw na fountain na may iba't ibang ilaw, at sandaling sumilip sa pinagdarausan ng Concert at the Park upang manood ng mga indi films. Nasimulan ko ang pelikulang may pamagat na "Pag dumarating ang kaarawan ni Alyana" subalit makalipas ang marahil ay sampung minuto, matapos kumanta ni Alyanna ng "May Bukas Pa", ay umalis na ako.

Gayunpaman, masaya ako na nakadalo sa dalawang araw na National Jail Decongestion Summit, kung saan sinasabi nilang ito ang kauna-unahang idinaos sa bansa.

Hindi masama ang loob ko, lalo na kung iisiping XD ako, at may stigma ang lipunan sa mga tulad ko. Na ang tingin nila sa XD ay mga dating kasapi ng NPA (no permanent address), at kung taga-Maynila tulad ko ay dating kasapi ng ABB (Alex Bon Brig), na nahuli at kinasuhan. Ako naman ay simpleng aktibistang nakikibaka para sa kapakanan ng manggagawa, maralita, kababaihan, kabataan, at karaniwang taong naaapi sa lipunan. Subalit itinuturing na kalaban ng pamahalaan, lagi sa mga rali o parlamento ng lansangan.

Masaya ako na naimbitahan, at taospuso akong nagpapasasalamat sa Ateneo Human Rights Center na nag-imbita sa aking makadalo, at kay Supreme Court Associate Justice Filomena Singh na nagpadala ng pormal na liham upang ako'y makadalo bilang secgen ng XDI. Pasasalamat din sa Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) at Balay Rehabilitation Center na matagal na kumupkop at tumutulong sa XD at sa grupo naming XDI.

Paano sasama ang loob ko na hindi ako nabigyan ng sertipiko kung ang simpleng pag-imbita pa lang ay malaking bagay na. Dagdag pa ang mga kaalamang nakuha ko sa dalawang araw na pagtitipon. Ang tangi ko na lang masasabi, sana'y hindi na ito maulit sa mga tulad kong maliliit, sa tulad kong XD.

4:27 am
12.08.2023

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento