Huwebes, Pebrero 29, 2024

Kwento - Huwag gawing 100% ang iskwater sa sariling bayan! Nukleyar, huwag payagan!


HUWAG GAWING 100% ANG ISKWATER SA SARILING BAYAN! NUKLEYAR, HUWAG PAYAGAN!
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tumitindi ang bangayan ng mga elitista hinggil sa nagaganap na ChaCha, subalit animo’y moro-moro lang ito ng naghaharing uri. Kaya dapat kumilos ang mamamayan upang tutulan ang banta sa kanilang kabuhayan at kasarinlan ng bayan. Aba’y nais kasing distrungkahin ng mga mambabatas ang Saligang Batas ng Pilipinas, lalo na ang probisyong pang-ekonomya nito na dapat 60% ang pag-aari ng Pilipino at 40% sa dayuhan sa mga pampublikong interes, tulad ng lupa, masmidya, tubig, kuryente, at iba pa. 

Kaya ito ang napag-usapan nina Igme sa kanilang komunidad. “Hindi tayo dapat tagapanood lamang, na habang niloloko na tayo ng mga nasa poder ng kapangyarihan, tayo naman ay walang malay at nakatunganga lamang sa nagaganap. Aba, tulad na lang ng ChaCha na iyan, na nagsimula sa pagpapapirma sa atin kapalit ng ayuda, iyon pala’y ibinebenta na tayo sa dayuhan.”

Napatango naman si Inggo, habang nakikinig sina Ingrid at Isay, “Oo nga, tama kayo. Kaya nga iyang ChaCha na iyan ay hindi talaga tayong mga maralita ang makikinabang, kundi ang mga nasa poder na nais magpatuloy ang kanilang kapangyarihan. Dati na ngang isyu iyang term extension, di ba? Aba’y pag binuksan nila ang Konstitusyon nang wala tayong kamalay-malay, aba’y maraming mangyayari. Tiyak, matatanggal iyang political dynasty na bawal sa ating Konstitusyon.”

Sumabad naman si Isay, “ Kami nga rin ng aking anak ay napag-usapan iyan. At sa environmental group nila, iyang nukleyar ay baka raw payagan, dahil iyan daw ang gusto ng pangulo, ang mabuksan ang Bataan Nuclear Power Plant. Aba’y wala ba silang malay sa naganap sa Fukushima disaster sa Japan? Baka kung may nukleyar pang makapasok, madamay pa ang ating bansa sa digmaang nukleyar ng US, di ba?”

“Political dynasty, nukleyar, maraming bawal ang papayagan dahil lang sa kapritso ng iilan. Baka tulad din iyan ng 4PH na para raw sa ISF, na dating tawag sa iskwater, subalit para lang pala sa may pay slip. Kaya sa panawagang magkilos-protesta laban sa ChaCha na iyan, dapat sumama tayo. Dahil kinabukasan natin, ng ating mga anak at apo ang nakasalalay diyan. Kung hindi tayo kikibo at kikilos ngayon, baka masisi pa tayo ng ating mga apo balang araw.” Mahabang paliwanag ni Igme.

Napatango rin si Ingrid at nagsalita, “Nabanggit din sa mga balita na economic provision lang daw ang gustong palitan. Gusto nilang gawing one hundred percent na mag-ari ang dayuhan, kaya magpapasukan daw ang malalaking negosyo sa atin, at uunlad tayo. Pero pambobola pa rin, di ba? Kung 100% pag-aari na ng dayuhan ang marami nating lupain, paano na tayo, 100% iskwater na rin ba sa sariling bayan?”

Maya-maya’y dumating si Ines at may ibinalita. “Galing ako sa pulong ng ating mga kasama sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) at nais nilang sumama tayo sa ilulunsad na pagkilos laban sa Charter Change. Sa Martes na ito, sasama ba kayo? Ako kasi, gigil na isiwalat ang magiging kahihinatnan natin kung basta na lang magtsa-ChaCha nang hindi naman kinunsulta ang mga tao. Para lang tayong mga isda na pinamumunuan ng mga lawin.”

Sumagot si Igme, “Heto nga at pinag-uusapan din namin iyan. Nais naming sumama sa pagkilos na iyan. Huwag mong tanungin kung may pamasahe kami, dahil kahit walang ibigay na pamasahe, sasama kami. Aba’y kinabukasan ng ating mga anak at apo ang nakasalalay dito. Ano, mga kasama, sasama ba tayo!” Nagtanguan ang lahat, na tandang lahat sila ay sasama sa rali kontra ChaCha.

Si Isay naman ang nagsalita, “Matagal na tayong hindi sumasama sa ganyang pagkilos. Subalit ngayon, binibigyan tayo ng kasaysayan ng isa pang pagkakataon na ipaglaban ang ating karapatan, lalo ang hustisyang panlipunan. Hindi makatarungang basta lang gawin ng mga mambabatas ang kanilang gustong pagbabago sa Konstitusyon nang hindi isinasaalang-alang ang kapakanan at damdamin ng tulad nating maralita, lalo na ang buong mamamayan. Muli tayong kikilos, kahit matatanda na tayo, upang ipakita sa mga kabataan ngayon, na tayo’y buhay pa at handang ipaglaban ang kinabukasan natin at ng bayang ito.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 16-29, 2024, pahina 18-19.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento