Lunes, Marso 4, 2024

Pagbigkas ng 2 kathang tula sa Sining Luntian

PAGBIGKAS NG 2 KATHANG TULA SA SINING LUNTIAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa nang malaking karangalan ang maanyayahang makasama sa dalawang araw na programa ng "Sining Luntian: Eksibit, Musika at Talakayan" na ginanap mula ika-2 hanggang ika-3 ng Marso, 2024 sa Grand Atrium, Robinsons Las Piñas.

Nakakagaan din sa pakiramdam na mabatid na sa programa ay nakasulat ang pangalan ko, katabi ng magaling na mang-aawit at idolong si Joey Ayala. 
5:15 PM - 5:25 PM: Spoken Poetry: Greg Bituin Jr.
5l30 PM - 6:00 PM: Special Performance: Joey Ayala

Ang aking mga tinula, pakiramdam ko, ang ilan sa aking mga obra maestra, bagamat hindi iyon ang pinakamaganda. Subalit ang paksa ay napapanahon. Ang tulang "Buhay ng Boteng Plastik sa Sahig ng Bus" ay tatlong ulit ko nang na-perform. Una ay nang tinula ko ito sa isang forum ng Green Convergence na dinaluhan naming mag-asawa. Ikalawa ay nang binidyuhan ako ni misis na itinutula iyon sa bahay, at naibahagi sa facebook. At ikatlo nitong Marso 3 sa Sining Luntian.

Ang tula namang "Bakit natin dapat alagaan ang kalikasan?" ay unang beses ko lang binigkas sa harap ng madla. 

Mapapanood ang aking pagtula simula sa 5:09:27 ng kawing na: https://fb.watch/qAWt-Fz9CP/.

Narito ang dalawang tula:

(1) BUHAY NG BOTENG PLASTIK SA SAHIG NG BUS

itinapon siya sa sahig nang siya'y maubos
kaya pagulong-gulong na siya sa loob ng bus
nagtapon ba sa kanya'y wasto ang ugaling lubos
o taong ito sa kabutihang asal ay kapos

sinisipa ng mga pasaherong nakatayo
at nasisipa-sipa rin ng mga nakaupo
pagulong-gulong sa bus na tila ba naglalaro
ngunit napapagod din siya't nais nang maglaho

buhay ng boteng plastik ay tinatapon na lamang
ng kung sinong sa paligid ay walang pakialam
ganyan nga ang buhay na kanilang nararanasan
tinatapon kung saan matapos pakinabangan

naglipana na sa mundo ang milyun-milyong plastik
sa basurahan at dagat sila'y nagsusumiksik
kung may pakialam ka'y huwag magpatumpik-tumpik
ikampanyang tigilan na ang paglikha ng plastik

(2) BAKIT NATIN DAPAT ALAGAAN ANG KALIKASAN?

bakit natin dapat alagaan ang kalikasan
ito'y aking katanungang dapat may katugunan
hinagilap ko ang sagot sa iba't ibang bayan
hanggang nagbabagong klima'y akin nang naramdaman

ilang taon na lang daw, tataas na itong dagat
mga yelo'y matutunaw, di akalaing sukat
dagdag pa'y titindi raw ang mga bagyo't habagat
kung mangyari ito'y may paghahanda ba ang lahat

di lang simpleng mag-alaga ng bulaklak sa hardin
di lang simpleng magtanim ng prutas sa lupa natin
dapat wala nang plastik sa dagat palulutangin
dapat wala nang mga plantang coal ay susunugin

dapat itigil ng Annex I countries ang pagsunog
ng mga fossil fuel na sa mundo'y bumubugbog
pagtindi ng global warming ay nakabubulabog
dapat may gawin tayo bago pa bansa'y lumubog

di lang simpleng mag-drawing ng magandang kagubatan
di lang simpleng ipinta't itula ang kabukiran
dapat kongkreto'y gawin sa kongkretong kalagayan
magtulungan na upang iligtas ang kalikasan

Matapos ang aking pagtula ay tinawag ako ng emcee na si Jeph Ramos at tinanong kung bakit dinadaan ko sa tula ang aking pagtingin sa kalikasan. At sinabi kong ang tula ay maaaring makapagmulat sa mga nakakarinig. Nabanggit ko rin na ako'y nag-aral ng pagtula sa Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (Setyembre 2001-Marso 2002), at sa Palihang Rogelio Sicat Batch 15. Bago bumaba sa entablado ay binigyan ako ng sertipiko ng emcee, at nagbigay din ng isang makapal na notbuk si David D'Angelo.

Kaming mga nag-perform ay naging tagapagsalita naman sa Panel Discussion: Sining at Kalikasan (Role of Arts and Culture in Climate Action), kung saan nakasama ko ang vocalist mula sa bandang Viplava na si Jess Cayatao, ang Mobsculp artist na Yoj Blanco, at si Joey Ayala. Ang moderator ay si Jeph Ramos ng Green Party of the Philippines.

Muli, maraming maraming salamat sa pagbibigay sa akin ng pambihirang pagkakataong tumula sa aktibidad na iyon, lalo na sa pagbibigay ng halaga sa pagbigkas ng tula bilang sining na mas dapat pa nating payabungin para sa mga susunod pang salinlahi. Mabuhay!

03.04.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento