Miyerkules, Setyembre 14, 2011

Isang Aklat at ang Rebulto ni Sakay: Ilang Personal na Tala

ISANG AKLAT AT ANG REBULTO NI SAKAY: ILANG PERSONAL NA TALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Karaniwang tinatalakay sa mga aklat-pangkasaysayan ang kadakilaan at kagitingan ng mga bayaning sina Jose Rizal at Gat Andres Bonifacio, kung saan ang kanilang mga rebulto ang karaniwang makikita sa iba't ibang panig ng bansa.

Bihira ring matalakay ang rebolusyong Pilipino sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano, at ang mga bayani noon ay itinuring pang bandido ng mga dayuhan at di kinilala ng sariling kababayan, tulad na lang ni Macario Sakay. Si Sakay ang nagpatuloy ng tungkulin ng KKK na itinatag ni Andres Bonifacio.

Kasama si Lucio De Vega, binitay sila ng mga Amerikano noong Setyembre 13, 1907 matapos siyang malinlang ng lider-obrerong si Dominador Gomez at tuluyang madakip ng mga Amerikano.

Makalipas ang eksaktong isangdaang taon pagkabitay nila, inilunsad sa ikalawang palapag ng Kolehiyo ng Sining at Agham (CAS) ng Unibersidad ng Pilipinas sa Maynila, ang aklat na "Macario Sakay: Bayani" na isinulat ng inyong abang lingkod. Ang nasabing aklat ay bilang pag-alala sa ambag ni Macario Sakay sa rebolusyon. Inilathala ito ng grupong Kamalaysayan (Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan, na sa kalaunan ay naging Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan) na pinamumunuan nina Prof. Bernard Karganilla ng UP Manila at ni Prof. Ed Aurelio C. Reyes, na siyang pasimuno ng Kamalaysayan at tinatawag ng marami na Sir Ding. Malugod kaming tinanggap doon ni Dean Reynaldo Imperial, na siyang dekano ng UP CAS. Nasaksihan din ng aking ama at ng isa kong kapatid na babae ang paglulunsad ng aklat.

Sinulat ko bilang Pambungad sa aklat, na may petsang Agosto 21, 2007: “Nawa'y makatulong sa mga mambabasa ang munting aklat na ito sa pag-unawa sa kabayanihan ni Macario Sakay pagkat siya'y bahagi ng kasaysayan ng himagsikang Pilipino para lumaya ang bayan sa kamay ng dayuhan. Nawa’y makatulong din ito sa pagpapalaganap ng kampanya upang magkaroon ng rebulto si Sakay sa isang pangunahing lansangan sa bansa, ipangalan sa kanya ang isang pangunahing lansangan, at ituring siyang isang bayani sa mga aklat pangkasaysayan na binabasa at pinag-aaralan ng mga mag-aaral.”

Isa iyong kahilingan at kampanya na hindi ko naisip na agad na masasakatuparan. Marahil ay mahaba pa ang lalakbayin o kailangan pa ng madugong rebolusyon ng bayan para ang mga manggagawa't dalitang uupo sa poder ang siyang magdedeklara na isang bayani ang mga tulad ni Sakay na hindi namanginoon sa mga dayo at mga mapagsamantalang uri sa lipunan, kundi ipinaglaban ang karapatan ng kanilang mga kababayan at kapwa tao. Isang taon ang lumipas mula nang ilunsad ang aklat, naitayo at napasinayaan ang rebulto ni Sakay sa Plaza Morga sa Tondo, Maynila.

Ang kabuuan ng aklat ay ini-upload ni Sir Ding sa internet, na makikita sa kawing na http://kamalaysayan.8m.net/aklat-sakay.html. Gayunman, hindi niya roon isinama ang kanyang sinulat na paunang salita. Kay Sir Ding, maraming salamat. Nais ko ring ipaalam sa lahat na si Sir Ding Reyes ang nagdisenyo ng pabalat ng aklat na may mukha ni Sakay.

Nais kong sipiin ang "Paunang Salita ng Kamalaysayan" na may lagda ni Sir Ding na nasa pahina 4 ng aklat:

"Si Macario Sakay at si Greg"

"Walang kapaguran ang matulis na pluma ng kaibigan at kapwa ko manunulat na si Gregorio V. Bituin Jr. Mula pa noong staffmember pa siya ng Featinean ay lagi na lang siyang may bagong panulat na nakapupukaw ng pag-iisip sa samu't saring paksain. At nagagalak kaming bumubuo ng pamunuan ng Kamalaysayan na nakahiligan din ni Greg ang pananaliksik sa mga paksang pangkasaysayan, bukod sa kapaligiran, sining, agham, at matematika (paborito niya). At natutuwa kami na minarapat niyang magsaliksik at magsulat ukol kay Macario Sakay, isa sa napakarami nating mga dakilang bayani, na pilit siniraan ng mga kolonyalistang Amerikano at ng mga kabalat nating kakampi nila. Kaya't pilit namin maihabol ang isinulat na ito ni Greg upang mailabas sa eksaktong sentenaryo ng pagkamatay ni Sakay. Itinuturing naming karapat-dapat lang naming sikapin ito sapagkat  ang sentenaryo ay sentenaryo, si Sakay ay si Sakay, at si Greg ay si  Greg."

"Ikinararangal naming irekomenda para sa pagbabasa ng lahat ng mga tunay na Anak ng Bayan ang munting aklat na ito. Tiyak kaming  malaking kaalaman ang mapupulot dito."

"- Ed Aurelio C. Reyes, Pasimuno,
Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan
Agosto 24, 2007"

Isinulat ng aktibistang si Ric Reyes sa kanyang kolum na Bandoleros sa unang isyu ng pahayagang Ang Sosyalista (Hulyo 2010, p.2): “Hanggang ngayon, walang bantayog na itinayo para sa mga martir na ito liban sa isang monumento ni Heneral Sakay sa isang sulok ng Maynila.”

Ngunit paano nga ba nagkaroon ng monumento si Sakay sa Maynila, at kailan ito inilagay doon?

Ilang buwan matapos ilunsad ang aklat, tinawagan ako ni Sir Ding Reyes dahil nais daw akong makausap ng magtatayo ng rebulto ni Sakay. Itinatanong daw kung ano ang height ni Sakay para sa gagawing rebulto. Ibig sabihin, kung gaano talaga siya katangkad, pati sukat ng baywang, dibdib, kung gaano kahaba ang buhok, ang kanyang suot, ang siyang iuukit na rebulto. Ngunit di ako agad nakatugon dahil wala iyon sa aking saliksik. Ngunit naghanap pa rin ako ng materyales. Nagbakasakali akong may masaliksik ngunit nang magkita kaming muli ni Sir Ding ay may nakausap na daw hinggil sa height ni Sakay.

Ang pagtatayo ng rebulto ni Sakay ay ikinampanya ng Kamalaysayan kay Mayor Alfredo Lim ng Maynila, na ayon kay Sir Ding, si Mayor Lim mismo ay kasapi ng Kamalaysayan. Kasapi rin ng Kamalaysayan sina Ric Reyes at ang inyong abang lingkod. Sa Kamalaysayan ko natutunan ang Kartilya ng Katipunan at ang pagsasabuhay nito. Kaya pag nagkikita kami ni Sir Ding at ng iba pang kasapi ng Kamalaysayan, ang batian namin ay "Mabuhay ka at ang ating panata!"

Setyembre 13, 2007, inilunsad ang aklat kong “Macario Sakay, Bayani” sa UP Manila. Dumalo roon ang mga mag-aaral ng UP, ang kanilang mga guro, si Sir Ding, ako, ang aking ama, ang aking kapatid na babae, at ilang kaibigang mahiligin sa kasaysayan. Sa aklat at sa mga dumalo sa paglulunsad ng aklat ay nanawagan akong dapat magkaroon ng rebulto si Macario Sakay, pati na ipangalan sa kanya ang isang pangunahing lansangan. Setyembre 13, 2008, pinangunahan ni Manila Mayor Alfredo Lim ang inaugurasyon ng rebulto ni Macario Sakay sa Plaza Morga, Santa Maria St., sa Tondo, Maynila.

Ilang araw bago iyon, noong Setyembre 8, 2008, sa ikalawang sesyong regular ng senado, naglabas ng Senate Resolution No. 623 sina Senador Francis Pangilinan at Senador Aquilino Pimentel Jr. na pinamagatan itong “A resolution expressing the sense of the Senate honoring the sacrifice of Macario Sakay and all other Filipinos who gave up their lives in the Philippine-American War for our Freedom”, at sa dulo ng resolusyon ay nakasulat, “After one hundred and one years, a life-size statue of Sakay will be unveiled at Plaza Morga Tondo by the Manila Historical Heritage Commission.”

Naglabas muli ang Senado ng Resolution No. 121 na pinamagatan din tulad ng SR 623 na nilagdaan ni Senador Manny Villar, ang pangulo ng Senado, at may lagda rin si Emma Lirio-Reyes, Sekretaryo ng Senado, na pinagtibay noong Setyembre 16, 2008.

Masasabi kong wala akong kinalaman sa pagkakatayo ng rebulto ni Sakay. Ang kinalaman ko lang ay sinulat ko ang aklat bilang ambag sa sentenaryo ni Sakay, at ibinenta ito kung saan may mga pagtitipon hinggil sa kasaysayan o anumang pagtitipong pulitikal. At marahil ay nadinig ng marami ang panawagan ko sa aklat na magkaroon ng rebulto si Sakay sa Maynila. Malaki ang naitulong ng Kamalaysayan upang maisakatuparan ang adhikaing ito. Sa kanila'y taos-puso kong pasasalamat. Mabuhay ang Kamalaysayan!

Masarap ang pakiramdam na kahit wala akong direktang kinalaman sa pagkakatayo ng rebulto ni Sakay ay natupad naman ang isang pangarap bilang tanda ng pagkilala sa mga sakripisyo ng mga Katipunerong nagpatuloy ng laban upang mapalaya ang ating mga kababayan mula sa kuko ng mga mananakop.

Gayunman, may isa pang kampanya ang dapat gawin. At ito ang aking mungkahi. Ang Taft Avenue sa Maynila, na nakapangalan pa sa isang dayuhan, ay ipangalan kay Macario Sakay. Kaya ito'y magiging Macario Sakay Avenue. Kasabay nito'y kilalanin din siyang bayani at ilathala sa mga aklat-pampaaralan. Ngunit ang mga kampanyang ito'y hindi ko magagawang mag-isa, dapat maraming makiisa sa layuning ito.

Sabado, Setyembre 10, 2011

Sermon ni Inay: "Pag nagutom ka, kasalanan mo"

SERMON NI INAY: "PAG NAGUTOM KA, KASALANAN MO"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

"Pag nagutom ka, kasalanan mo." Hindi ito pasigaw, kundi malambing na sermon o payo ni Mommy sa akin. Tama si Mommy, kaya bata pa lang kami ay tinuruan na niya kaming mga anak niya kung paano mabuhay. Natutong makisama, maglinis ng bahay, magluto ng sinaing, maglaba ng aming sariling damit, magbilang ng tama ng bayad at sukli, umuwi ng maaga, pumili ng kaibigang matitino, ilagay ang alak sa tiyan at huwag sa ulo, umiwas sa gulo, magsimba.

Kami'y pinag-aral ng aming mga magulang sa maaayos na paaralan. Kaya inaasahan nilang kakayanin namin ang tumayo sa sariling mga paa.

Isang araw, habang nagninilay-nilay at nakatunganga sa kisame, biglang dinalaw ng mga sermon ni Mommy ang aking tila inaagiw na isipan. Nais ko kasing magsulat noon para iambag sa patimpalak-Palanca. Nagunita ko ang paalala ng aking ina. 

Katatapos ko lang basahin noon ang isang sanaysay kung paano ba namatay ang makatang si Huseng Batute. Namatay siya, hindi pa sa gutom, kundi nalipasan ng gutom kahit may pagkain naman. Pareho kaming makata, at namatay si Huseng Batute o Jose Corazon de Jesus, dahil sa pananakit ng tiyan, at walang laman ang bituka. Doon ko naalala ang bilin ng aking mahal na ina. "Pag nagutom ka, kasalanan mo."

Ang mga salitang ito ang nagbunsod sa akin upang itayo ang Aklatang Obrero Publishing Collective, na unang nakapaglathala ng aklat noong Oktubre 2006. Mag-iisang dekada na rin akong naglilimbag ng mga aklat, na karamihan ay mga koleksyon ko ng tula. Bagamat marami rin akong inilathala na mga antolohiya ng mga sanaysay at tula ng mga manggagawa at maralita.

Nag-isip ako. Ano bang kakayahan mayroon ako upang mabuhay. Pagsusulat? Kailangang mag-aplay sa diyaryo. Paggawa ng tula? Walang pera sa tula, maliban kung mailalathala ka ng lingguhang magasing Liwayway, o iba pang magasin o babasahin. Ngunit kayraming nagpapasa. Daan-daan kung hindi man libo. Mapalad ka na kung malathala ka ng isang beses sa halagang P500 lamang. Hindi iyon sapat upang makabuhay.

Kailangan kong maging malikhain. Kung hindi, baka walang mangyari sa akin. Ayoko namang manghingi ng salapi sa tatay at nanay ko, dahil may sarili na akong buhay. Lalo na't maaalala ko ang mga sermon ni Mommy. Kaya sinuri ko ang kakayahan ko. May kakayahan akong mag-type. Kabisado ko ang microsoft word at pagemaker. Tiyak may pakinabang ang kakayahan kong ito kung gagamitin ko lang ng tama. Di ko pa naisip noon kung paano gumawa ng libro, dahil mukhang magastos, masalimuot ang paggawa, at di ko alam yung proseso ng pagbu-bookbind.

Hanggang mapuna ko sa ilang mga libro kung paano ito na-bookbind, at nakita ko rin minsan sa Recto kung paano ba sila nagbu-bookbind. Baka dito ako pwedeng magsimula. Paano naman ang cover? Nakita kong pwede naman palang tingi-tingi ang pagpapagawa ng cover na colored. Alam ko na. Dagdag pa yung karanasan ko sa paggawa ng dyaryo at magasin dahil dalawang taon akong naging features and literary editor ng publikasyon ng mag-aaral sa kolehiyo, at pagli-layout ng pahayagan ng manggagawa, kaya malakas ang loob ko.

Kaya sinimulan kong ipunin kung ano ang pwede kong i-type, i-layout at ilibro. Nagsulat ako ng liham sa mga kakilala ko na nananawagang pwede kong hingiin na ang mga dati nilang gawang tula, sanaysay, awit at maikling kwento. Aba'y pinagbigyan naman nila ako, habang ang ibang artikulo ay mula sa mga dati ko nang inipon. Naipon ko sa panahong di ko alam na kakailanganin ko pala. Wala akong sariling gamit pero meron akong diskarte. Nakigamit ako ng computer, at nire-type doon ang mga artikulong naipon ko at naipasa sa akin.

Minsan gabi hanggang madaling araw ko ito ginagawa. Isinisingit ko habang nagle-layout ng pahayagang Obrero ng manggagawa ang pag-layout ko ng libro. Ni-layout ko at nilagyan ng mga litrato, ang anumang natutunan ko sa paggawa ng pahayagang Obrero ay ginamit ko sa paggawa ng libro, nag-print ako ng isang kopya, inedit isa-isa baka may makalusot, at nung okey na, pinagawa ko sa labas. Nagawa ko'y dalawampung kopya ng kauna-unahang isyu ng MASO: Katipunan ng Panitikan ng Uring Manggagawa, na umabot ng isandaang pahina, at ang size ay katumbas ng kalahati ng short bond paper. Oktubre 2006 nang ito'y malathala at ako na ang tumayong editor ng kalipunang ito ng panitikang manggagawa.

Mula noon, nagsimula na ang paglalathala ko ng sari-saring libro, at may kumakausap pa sa akin dahil nais nilang malathala rin sila. Isinaaklat ko na rin pati mga kolum at sanaysay ko na nalathala sa magasing pangkolehiyo.

Kaya kahit munting bisnes lamang itong aking itinayong Aklatang Obrero Publishing Collective, umaabot na ng mahigit apatnapung pamagat ng aklat na ang nasa talaan ng mga aklat na aking nalathala. At kalahati rito ay ang koleksyon ng aking mga tula.

Malaking aral sa akin ang sermon ni Mommy, dahil kung hindi, baka gutom ang abutin ko. Maraming salamat sa pagkamalikhain na namana ko sa aking ama't ina. Natuto akong magkaroon ng munting pagkakakitaan, na siya namang ginagamit ko sa araw-araw, habang patuloy pa rin akong nagsusulat, kumakatha ng tula, at nakikibaka sa kalsada.

Linggo, Agosto 28, 2011

Aktibismo, Kolektibismo at ang Voltes V Generation

AKTIBISMO, KOLEKTIBISMO AT ANG VOLTES V GENERATION
ni Gregorio V. Bituin Jr.


Minsan, sinabihan ako ng isang may katandaan na ring kasama.  Isa raw akong "martial law baby" dahil panahon ni Marcos nang ipanganak ako at magkamalay sa mundo. Pero mas nais pa namin sa aming henerasyon na tawagin kaming "Voltes V (five) Generation" kaysa "martial law babies". Wala pa kasi kaming muwang noon sa impact ng martial law ni Marcos kaya di namin manamnam ang katawagang "martial law babies" maliban sa petsa. Mas kilala namin ang aming henerasyon bilang "Voltes V Generation" dahil namulat kami sa kalagayan ng bayan nang tinanggal ni Marcos noong 1979 ang cartoons na Voltes V na kinasasabikan naming panoorin bilang mga kabataan. Nadamay na rin dito ang iba pang palabas tulad ng Mazinger Z, Daimos, at Mekanda Robot.

Talagang nagngitngit kaming mga kabataan noon kay Marcos. Biro mo, gusto lang naman naming manood ng cartoons na Voltes V, at mga katulad nito, tapos tatanggalin lang ni Marcos. Ang sabi sa balita, tinanggal daw ito ni Marcos na ang idinadahilan ay tinuturuan daw ang mga tao, lalo na ang mga kabataan, upang magrebelde.

Robot na bakal ang bidang Voltes V. Ito’y pinagdugtong-dugtong na sasakyang panghimpapawid ng limang katao, na pag nag-volt-in ay magiging malaking robot, si Voltes V. Ang lima ay sina Steve Armstrong, Big Bert, Little John, Mark Gordon at ang nag-iisang babae na si Jamie Robinson. Ang layunin nila’y depensahan ang sangkatauhan laban sa mga pwersa ng mananakop, sa pangunguna ng may sungay na si Prince Zardos, at ang kanyang mga beast fighters. Ang panlaban ni Voltes V ay ang ultramagnetic top, chain knuckle, gatling missiles, flamethrower, voltes bazooka, ultramagnetic whip, at ang laser sword, na hinihiwa ang katawan ng mga kalaban nilang robot at halimaw o beast fighters sa pormang V. Uso pa noon ang larong tex na Voltes V.

Mahirap kalimutan ang Voltes V na kung tutuusin ay di lang pambata, kundi pang-aktibista. Umukit ito sa pananaw at pagkatao ng isang henerasyon. Iba-iba lang marahil kami ng interpretasyon, ngunit nagkakaisang natalo ng Voltes V Generation, kasama ang iba pang magigiting na Pinoy, ang diktadurya ni Marcos. Nakabalik muli sa telebisyon ang Voltes V noong 1986 nang bumagsak na si Marcos. Maraming mga konsepto sa Voltes V na hanggang ngayon ay maaari pa ring magamit sa pakikibaka upang ipanalo ang laban, lalo na ang palasak na "Let's volt in!"

Ang kasaysayan ng Voltes V ay tulad din ng kasaysayan ng Katipunan. Sinakop ng Boazanian empire ang buong mundo sa pamamagitan ng kanilang hukbong "beast fighters". Sinakop ng iba't ibang imperyo ang Pilipinas. Tulad ng pagsakop at pagsasamantala ng mga Kastila gamit ang kanilang espada at krus para masakop ang bansa. Tulad ng pagsakop at pagsasamantala ng mga Amerikano gamit ang kanilang konsepto ng demokrasya at wika. Tulad ng pagsakop at pagsasamantala ng mga Hapon gamit ang kanilang teknolohiya. Tulad ng pagbaba ng batas-militar na lumigalig sa sambayanan.

Ang Voltes V ang samahan ng mga rebolusyonaryong nagkakaisang ibagsak ang mga mananakop. Nuong panahon ng mga Kastila, nag-volt in ang mga manggagawa't magsasaka upang buuin ang Katipunan, at ilang taon lamang mula nang sila ay itatag at tuluy-tuloy na nakibaka, ay lumaya ang Pilipinas sa pangil ng mga Kastila.

Nuong panahon ng mga Amerikano, nag-volt in ang mga natirang rebolusyonaryo ng Katipunan, tulad ng pinamunuan nina Macario Sakay, Santiago Alvarez, Miguel Malvar, pati na ang mga tauhan ni Heneral Lucban ng Balangiga, Samar upang durugin ang mga tropang Amerikano, ngunit mas matinding makinarya ang ginamit ng ala-Boazanian empire na Amerika upang gapiin ang mga Pilipino.

Nuong panahon ng mga Hapon, nag-volt in ang mga manggagawa't magsasaka sa pamamagitan ng Hukbong Bayan Laban sa Hapon (Hukbalahap) o mas kilala bilang Huk, upang labanan at durugin ang mga tropa ng Hapon.

Nuong panahon ni Marcos, tinanggal ang palabas na Voltes V dahil nag-aakala si Marcos na naoorganisa na kaming mga kabataan upang maging malay laban sa diktadurya, na kung kaming mga kabataan ang mag-volt in ay ikababagsak ng kanyang paghahari. Sa isip yata niya, ang let’s volt-in ay let’s revolt. Magkasintunog kasi.

Dahil matindi ang aral na inukit ng Voltes V sa aming kamalayan bilang Pilipino, bilang kabataan, marami sa mga kabataang bahagi ng Voltes V Generation ang naging bahagi ng pagpapabagsak ng diktadurya ni Prince Zardos ng planetang Boazan. At tuluyang pagbagsak ng Boazanian empire, oo, ang pagbagsak ng diktadurya ni Marcos. Katunayan, nakasama ako ng tatay ko at ng mga kasamahan niya nang mamigay sila ng pagkain nuong pag-aalsa sa Edsa nung 1986. Doon na kami nagkita-kita ng mga kababata ko.

Ang panawagang "Let's volt in" ay katulad din ng konsepto ng kolektibismo. Sama-sama, walang iwanan ang mga magkakasama. Kolektibong kumikilos, may iisang direksyon, upang gapiin ang kalaban. Ganito ang konsepto ng mga aktibista. Pag nagsama-sama sila sa pakikibaka, tinitiyak nilang kolektibo silang kumikilos, marangal at prinsipyado, at unawa nila ang direksyon ng kanilang pakikibaka, nang sa gayon ay matiyak ang tagumpay nila sa laban.

Pamilyar ako sa salitang “curfew” noon, ngunit di sa kalupitan ng martial law. Nakatutuwang gunitain na hindi pa dahil sa martial law, kundi dahil tinanggal ni Marcos ang paborito naming Voltes V, kaya namulat kami sa kalagayan ng bayan.

Huwebes, Agosto 25, 2011

Ang Pagsasadula ng El Fili sa Luneta

ANG PAGSASADULA NG EL FILI SA LUNETA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Muli na naman akong nagpunta sa Luneta upang manood ng palabas sa Concert at the Park. Dahil Agosto 21 iyon, araw ng Linggo, inaasahan kong baka may isang stage play hinggil sa kamatayan ni Ninoy Aquino.

Dumating ako ng Luneta bandang ikalima ng hapon. Umupo na ako sa upuang bato sa Open-Air Auditorium ng Rizal Park, na kadalasang pinagdarausan ng Concert at the Park. Lumapit sa akin ang isang batang babae, marungis, mukhang batang lansangan, at binigyan niya ako ng papel. Isa pala iyong imbitasyon tungkol sa palabas. Dati ang mga nagbibigay ng imbitasyon ay mga may gulang na, na marahil ay may kaugnayan sa konsyerto. Pero ngayon, mga batang lansangan. Marahil, binigyan sila ng pera ng nag-organisa ng konsyerto para mamigay ng imbitasyon O marahil ay nakatuwaan na lang nilang mamigay, dahil ang ibang nakaupo na itinabi na lang sa upuan ang imbitasyon ay hinihingi ng mga bata para ipamigay sa iba. Magandang inisyatiba, at mukhang naglalaro na lang ang mga bata sa pamimigay. Munting kasiyahang hindi ipinagkait ng mga manonood.

Nakapaloob sa imbitasyon na sa ikapito ng gabi ay magsisimula na ang pagsasadula ng El Filibusterismo. Iyun nga lang, walang nakalagay kung anong oras matatapos, kaya akala ko ay isang oras lamang. Tiyak ang dula ay karugtong ng mga naunangpalabas hinggil kay Rizal dahil sa pagdiriwang ng bansa sa kanyang ika-150 kaarawan. Pero dapat buong Hunyo iyon, Agosto na. At Agosto 21 pa ang petsa, anibersaryo ng kamatayan ni Ninoy. Kaya nagbakasakali akong tungkol kay Ninoy ang palabas.

Dalawang oras pa akong naghintay. Ayon sa imbitasyon, ang dula ay halaw sa nobela ni Jose Rizal, sinulat sa tanghalan ni Jomar Fleras, sa direksyon ni Jose Jeffrey Camañag at Andre Tiangco. Ang mga bida sa

Nagbalik muli sa aking alaala ang mga nabasa ko sa mismong librong El Filibusterismo, at naikukumpara ko ito sa mismong palabas. Sadyang seryoso ang palabas, di tulad ng napanood kong stage musical doon din sa Concert at the Park noong ika-150 kaarawan ni Rizal. Magandang balik-balikan dahil sa mga aral kung bakit naghihimagsik ang mga kababayan.

Mas naunawaan ko ang pagrerebelde ni Kabesang Tales at ni Placido Penitente. Di na gaanong nagpalawig sa buhay ni Maria Clara. At marahil sa pagtitipid na rin para di makadisgrasya, di na pinasabog ang lampara sa nasabing pagsasadula kundi ito'y ninakaw na lamang ni Isagani, ang dating kasintahan ng ikinasal ni Paulita, na nasa pagtitipon kung saan iniregalo ni Don Simoun ang isang lampara.

Ang ganda rin ng palitan ng mga eksena. Ang bapor Tabo ay nagiging asoteya, ito'y naging sala, naging balkon, at iba pa. Kahit ang mga kasuotan ng mga nagsiganap ay sadyang naaayon sa panahon noon.

Tumagal ng dalawang oras ang palabas. Ang ganda ng palabas at nakatutok ang mga tao sa panonood hanggang putulin ito isang oras na ang nakalilipas. Nagbigay ng labinlimang minutong pahinga ang mga nag-organisa, upang marahil ay makapahinga rin ang manonood at makapag-CR kung kinakailangan.

Sa pagtatapos, itinapon ni Padre Florentino ang mga kayamanan ni Simoun sa dagat upang di na pagkainteresan ninuman. Ang yugtong ito'y itinuloy ni Gat Amado V. Hernandez sa kanyang nobelang Mga Ibong Mandaragit, dahil ang nakakuha ng kayamanan ni Simuon na itinapon ni Padre Florentino sa dagat ay napasakamay ni Mando Plaridel, at ginamit niya para sa gawain sa media. Kaya masasabi nating karugtong ng El Filibusterismo ni Rizal ang Mga Ibong Mndaragit ni Gat Amado.

Napakahalaga ng aral ng nobela. Paghihimagsik laban sa kaapihan, at di maaaring magpaapi na lamang sa sinuman. Kahit pa ang kalaban ay ang korporasyon na laging ipinagtatanggol ng mga pari para makuha ang lupaing nilinang ng mga Kabesang Tales. Ang hindi pagtuturo ng wikang Kastila sa mga estudyante, na tingin ng mga estudyante'y di makatarungan.



Umuwi akong may galak sa kalooban kahit di iyon ang aking inaasahang mapanood. Pag-uwi ko, saka ko napanood sa telebisyon, sa Channel 2, ang isang pagtalakay hinggil kay Ninoy Aquino, na ang kamatayan ang nagsilbing mitsa upang mag-alsa ang taumbayan na nagpatalsik sa diktadurang Marcos.

Biyernes, Hulyo 8, 2011

Di si Rizal ang Kumatha ng "Sa Aking Mga Kabata"

DI SI RIZAL ANG KUMATHA NG "SA AKING MGA KABATA"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tuwing Agosto ay pinagdiriwang ang Buwan ng Wika, at tiyak na matatalakay muli ang kasabihang "Ang di marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda." Karaniwan, ang kasabihang ito tungkol sa wika ay sinasabing mula raw sa isang tula ni Jose Rizal - ang walang kamatayang "Sa Aking Mga Kabata" na sinulat umano niya noong siya'y walong taong gulang pa lamang. Ito ang palasak hanggang ngayon.

Nang dumalo ako noong Hulyo 2, 2011 sa paglulunsad ng aklat na "Rizal: Makata" ni Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario, nagkainteres akong lalo nang mabasa ko mismo sa likod ng aklat ang malaking nakasulat: Hindi si Rizal ang sumulat ng "Sa Aking Mga Kabata". Kaya mataman akong nakinig sa pagtalakay ni G. Almario habang ipinaliwanag niyang hindi kay Rizal ang tulang "Sa Aking Mga Kabata".

Balikan natin ang tulang "Sa Aking Mga Kabata":

Kapagka ang baya'y sadyang umiibig
Sa kanyang salitang kaloob ng langit,
Sanglang kalayaan nasa ring masapit
Katulad ng ibong nasa himpapawid.

Pagka't ang salita'y isang kahatulan
Sa bayan, sa nayo't mga kaharian,
At ang isang tao'y katulad, kabagay
Ng alin mang likha noong kalayaan.

Ang hindi magmahal sa kanyang salita
Mahigit sa hayop at malansang isda,
Kaya ang marapat pagyamaning kusa
Na tulad sa inang tunay na nagpala.

Ang wikang Tagalog tulad din sa Latin
Sa Ingles, Kastila at salitang anghel,
Sapagka't ang Poong maalam tumingin
Ang siyang naggawad, nagbigay sa atin.

Ang salita nati'y huad din sa iba
Na may alfabeto at sariling letra,
Na kaya nawala'y dinatnan ng sigwa
Ang lunday sa lawa noong dakong una.

Magaling ang pagkakatula, kabisado ng makata ang tugma't sukat. Bawat taludtod ng tula ay lalabindalawahing pantig, at may sesura sa ikaanim na pantig.

Ipinaliwanag ni G. Almario ang maraming tula ni Rizal, tulad ng "Mi Retiro" at "Ultimo Adios", pati kung paano ito isinalin. At ang huli niyang tinalakay ay ang tulang "Sa Aking Mga Kabata" at sinabi nga niyang di kay Rizal ang tula. Maraming ibinigay na paliwanag si G. Almario, ngunit sapat na sa akin ang isa lang upang mapatunayan kong hindi nga kay Jose Rizal ang tulang "Sa Aking Mga Kabata" - ang salitang "kalayaan".

Ayon kay G. Almario, sa liham ni Jose Rizal sa kanyang Kuya Paciano noong 12 Oktubre 1886, ipinagtapat ni Rizal ang kahirapan sa pagsasalin niya ng Wilhelm Tell, istorya ng isang bayani ng Switzerland, lalo na ang salitang Aleman na "Freiheit" o sa Kastila ay "libertad" dahil wala siyang makitang katumbas na salitang Tagalog nito. Kahit ang salitang "kaligtasan" ay di niya maitumbas sa pagsalin ng salitang "Freiheit" o "libertad". Nakita lang niya sa salin ni Marcelo H. Del Pilar ng akdang "Amor Patrio" ang salitang "malaya" at "kalayaan" bilang salin ng "Freiheit" o "libertad" kaya ito na ang kanyang ginamit.

Kung hindi alam ni Rizal ang salitang "kalayaan" bago niya isinalin ang Wilhelm Tell noong 1886, paano niya nasulat noong walong taong gulang pa lamang siya ang tulang "Sa Aking Mga Kabata" (1869)? Tanong nga ni Almario, nagkaamnesya ba si Rizal kaya di niya napunang nagamit na niya ang salitang "kalayaan" sa kanyang tulang "Sa Aking Mga Kabata"? Pero ang totoo, di nagkaamnesya si Rizal kundi talagang di kanya ang tula. Pati ang pagkakasulat ng tula ay hindi kay Rizal, dahil sa orihinal na tulang nilimbag ni Hermenegildo Cruz, ang pagkabaybay ay "kalayaan" na dalawang beses sinulat sa tula, gayong sa paraan ng pagsusulat ni Rizal, dapat ito'y "calayaan" noong panahong siya'y nasa eskwelahan hanggang kolehiyo.

Pinuna pa ni G. Almario pati ang salitang "Ingles" kung bakit naroroon iyon, gayong dapat ay salitang "Griyego" ang nakasulat doon. Panahon kasi ng Amerikano nang ilathala ni Hermenegildo Cruz ang tulang iyon, kaya marahil papuri ito sa bagong mananakop para mailusot sa mga sensor na Amerikano ang tula. Ayon pa kay G. Almario, kung detektib lamang siya, tatlo ang suspek kung kanino talaga galing iyon - kay Hermenegildo Cruz, ang nagbigay dito ng tulang si G. Gabriel Beato Francisco, na ipinagkaloob naman dito ni G. Saturnino Racelis ng Lukban. Kaya kung di kay Rizal ang "Sa Aking Mga Kabata", di siya kumatha ng anumang tula sa wikang Tagalog. Lahat ng tula ni Rizal ay pawang nasa Espanyol.

Pag-uwi ko'y binasa ko ang Kabanata 9 ng aklat, na may pamagat na "Tumula Ba si Rizal sa Tagalog?" at sinaliksik ko ang mismong sinulat ni Rizal sa kanyang Kuya Paciano. Nasa wikang Ingles ang nakita ko, nasa filipiniana.net.

http://www.filipiniana.net/publication/rizal-leipzig-12-october-1886-to-paciano-rizal/12791881737302/1/0

"I lacked many words, for example, for the word Freiheit or liberty. The Tagalog word kaligtasan cannot be used, because this means that formerly he was in some prison, slavery, etc. I found in the translation of Amor Patrio the noun malayá, kalayaban that Marcelo del Pilar uses. In the only Tagalog book I have — Florante — I don't find an equivalent noun. The same thing happened to me with the word Bund, liga in Spanish, alliance in French. The word tipánan which is translated in Arca de la alianza or fidelis arca doesn't suffice, it seems to me. If you find a better word, substitute it. For the word Vogt or governor, I used the translation given to Pilate, hukúm. For the prose I used purposely the very difficult forms of Tagalog verbs that only Tagalogs understand."

Sa paglulunsad ng librong "Rizal: Makata" sa Filipinas Heritage Library sa Makati Avenue, nagbayad kami ng P250.00 para sa talakayan, kung saan kasama na sa binayaran ang aklat, sertipiko at meryenda. Nilathala ang libro ng Anvil Publishing. Ang paglulunsad ng libro ang handog ni G. Almario sa ika-150 kaarawan ni Gat Jose Rizal. Kaya bawat isang dumalo ay may libro. Pinalagdaan ko iyon kay G. Almario bago kami umalis ng aking kasamang babae na naengganyong dumalo sa paanyaya ko sa facebook. Doon na kami nagkita sa venue. Marami akong inimbita sa facebook. Gayunman, sulit para sa tulad kong makata, manunulat at istoryador ang pagkakadalo ko sa talakayang iyon. Di nasayang ang pagod ko, dahil bukod sa napakarami kong natutunan, may natutunan akong bago.

Hindi pala kay Rizal at hindi pala si Rizal ang kumatha ng tulang "Sa Aking Mga Kabata", kaya tiyak malaki ang epekto nito sa Buwan ng Wika na ipinagdiriwang tuwing Agosto. Marahil, hindi na mababanggit si Rizal, at maiiwan na si Manuel L. Quezon bilang Ama ng Wikang Pambansa.

Mamamatay na kaya ang walang kamatayang "Sa Aking Mga Kabata" ngayong nalaman nating di pala si Rizal ang totoong tumula nito?

Sa palagay ko, dahil hindi pala kay Rizal ang tulang "Sa Aking Mga Kabata", maraming mababago sa mga libro, at marahil unti-unti ring mawawala sa kamalayan ng madla ang tulang ito, bagamat maganda ang dalawang taludtod nitong naging gabay ko na sa aking pagsusulat at pinaghanguan ng isang palasak na kasabihan - "Ang di marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda."

Martes, Hunyo 21, 2011

Ang Kabayanihan ni Rizal at ang Pagmamaltrato sa mga Manggagawa ng Hanjin

ANG KABAYANIHAN NI RIZAL AT ANG PAGMAMALTRATO SA MGA MANGGAGAWA NG HANJIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Hunyo 20, 2011

Dapat kagabi ko pa sinulat ang artikulong ito pagdating ko sa aking lungga, ngunit dahil sa pagod ay nakatulugan ko na lang ito. Kanina naman ay maaga akong gumising para tapusin ang ilang plakard para sumama sa rali ng alas-nwebe sa Mendiola, sa isyu ng Hanjin.

Walang tigil ang ulan buong maghapon kahapon, araw ng Linggo, ika-150 kaarawan ni Gat Jose Rizal, ngunit hindi naging sagabal ang ulan upang puntahan ko pa rin ang makasaysayang Luneta. Sinugod ko ang ulan upang kahit papaano'y maging bahagi ng pagdiriwang ng isang yugto sa kasaysayan ng bayan. Bandang ikalima na ng hapon nang makarating ako sa Rizal Park mula sa isang oras na biyahe.

Mistulang walang tao ang Luneta dahil sa ulan, ngunit nagsilungan lang pala ang mga ito. Nakatayo pa rin dito ang mga booth ng iba't ibang lungsod at bayan sa Metro Manila, tulad ng Manila, Taguig, Paranaque, San Juan, atbp. Dahil maulan, dumiretso na ako sa pinagdarausan ng konsyerto sa Luneta, sa Concert at the Park. Isa itong open air auditorium sa Rizal Park, walang bubong, kaya ang mga nagpunta rito kagabi ay pawang nakapayong, habang ako naman ay nakadyaket at sumbrero lang. Nuong nakaraang Linggo lang ay narito rin ako sa konsyerto na pinangunahan ng bandang Penpen.

Ambon na lamang nang magsimula ang palabas. Kaunti lang ang mga taong manonood, ngunit dumami bigla nang marinig na ang paanyaya ng emcee na magsisimula na ang palabas, isang historical musical play.

Ang pagsasadulang musikal ay pinamagatang "Pepe: Talambuhay at Panaginip ni Dr. Jose Rizal" sa pangunguna ng Teatro Expedicion de Filipinas, mga performers mula sa Gawad Kalinga, at ang aktor na si Biboy Ramirez ang gumanap bilang Dr. Jose Rizal. Dahil maambon, nakaharang ang mga payong ng mga manonood kaya naobliga ang karamihan na manood ng nakatayo, kasama na ako roon.

Awitan at sayawan, habang tinatalakay ang buhay ni Rizal. Magaganda ang mga costume ng mga nagsiganap. Pati ang paglilipat ng mga eksena sa pamamagitan ng pag-uusog ng mga props, paggamit ng ilaw, bagamat may panahong di gaanong marinig ang boses ng nagsasalita dahil tila palyado at di malakas ang microphone. Ngunit nagawan naman agad ito ng paraan ng hindi halata. Pinakita ang nakabarong na si Paciano nang binilinan niya si Rizal sa pagtungo sa ibayong dagat, ang pagsusulat ni Rizal ng nobela, ang ilang bahagi ng Noli at Fili, si Maria Clara, si Crisostomo Ibarra ng Noli, na naging si Simeon sa Fili, ang kontrabidang tatay ni Maria Clara na si Padre Damaso, si Osei San na naging kasintahan ni Rizal, si Josephine Bracken, ang paglatag ng mahabang puting telang nagsmistulang dagat na aalun-alon, ang mga gwardya sibil, at iba pang eksena.

Maganda ang palabas, ngunit nadismaya lamang ako nuong bago mamatay si Rizal ay pinirmahan niya ang isang retraksyon, dahil hindi ito kapani-paniwala. Naniniwala akong imbento lamang ito ng mga kaparian. Isang kasulatan ang retraksyong pinirmahan ni Rizal, na nagsasabing nagbabalik loob na siya sa simbahan, at kung gayon ay pinagsisisihan na niya ang paglaban sa kaparian sa pamamagitan ng kanyang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Una, malaking propaganda na para sa mga prayle at malaking kahihiyan kay Rizal bilang awtor ng Noli at Fili kung pinirmahan nga ito ni Rizal. Di dapat bayani si Rizal kung totoo ito. Ikalawa, kung pinirmahan ni Rizal ang retraksyon, dapat di na natuloy ang pagbitay upang ipakita ng mga prayle sa sambayanang Filipino na isinuko na ni Rizal ang kanyang prinsipyo. Ngunit nangyari pa rin ang pagbitay.

Di man kumpleto ngunit kinuha nila ang pagsasadulang musikal sa loob ng isang oras at labinlimang minuto (mula 6:05 pm hanggang 7:24 pm). Umuwi akong umuulan pa rin. Pag-uwi ko'y binuksan ang laptop ngunit lalagnatin yata ako dahil sa ulan, kaya di na ako nakapagsulat. Ipinikit ko muna ang pagal kong katawan at mata.

Pagkagising kanina, tumuloy na kami ng aming mga kasama sa makasaysayang Mendiola, ang tradisyunal na lugar ng protesta. Dahil holiday at walang pasok, di trapik kaya madali kaming nakarating ng Mendiola. Walang humarang na pulis, naroon na rin ang ilang taga-media. Iprinotesta namin doon ang nagaganap sa pabrika ng Hanjin, ang pagawaan ng bapor ng mga Koreano dito sa Pilipinas. Sumama rito ang iba't ibang malalaking organisasyon ng manggagawa, tulad ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Alliance of Progressive Labor (APL), Pagkakaisa ng mga Manggagawa sa Transportasyon (PMT), Philippine Airlines Employees Association (PALEA), Sanlakas, Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), League of Urban Poor for Action (LUPA), ang Church-Labor Conference (CLC), Urban Missionaries (UM), Partido ng Manggagawa (PM), Manggagawa para sa Kalayaan ng Bayan (MAKABAYAN), Koalisyon Kontra Kontraktwalisasyon (KONTRA), ang Samahan ng Manggagawa sa Hanjin Shipyard (SAMAHAN), sa pangunguna ng pangulo nitong si Joey Gonzales, at iba pa.

Ayon sa mga manggagawa, umaabot na sa tatlumpu't isang (31) manggagawang Pilipino ang namatay sa Hanjin dahil sa aksidente. Nasa animnapu't tatlong (63) manggagawa naman ang tinanggal dahil sa pagsapi ng unyon. Kinakailangan ng manggagawang magtayo ng unyon para protektahan ang kanilang seguridad sa trabaho, bukod pa sa ito'y karapatan nilang nakasaad sa Konstitusyon. Binabatukan, sinasampal-sampal ang mga manggagawa ng Hanjin, na para bang di sila tao. Nang magbuo ng unyon ang mga manggagawa'y tinakot pa sila, at tinanggal. Kamakailan ay may  namatay na namang manggagawang Pilipino rito nang mahulog sa ginagawang gusali, isinugod sa ospital at doon na binawian ng buhay.

"Trabahong may dangal, hindi kontraktwal!" ang sigaw ng mga manggagawa. Para sa mga manggagawa, ang kontraktwalisasyon ay salot, dahil tinatanggal nito ang karapatan at benepisyo ng mga manggagawa. Imbis na maging regular sila dahil importante ang kanilang trabaho sa kumpanya, ay di sila nareregular, kahit na mahigit na silang anim na buwan o isang taon sa kumpanya. Kaya di nila natatamasa ang mga benepisyong nararapat sa kanila. Nasa 21,000 manggagawang Pilipino ang gumagawa ng mabibigat na trabaho sa Hanjin, ngunit ito'y sa pamamagitan ng mga contractual agency. Kaya sinasabi ng Hanjin na nasa 148 lang ang manggagawang nila, ngunit ang tinutukoy pala nila rito'y ang 148 manggagawang Koreano. Dahil kontraktwal ang mga manggagawang Pilipino ay ayaw aminin ng management ng Hanjin na manggagawa nila ito, dahil ang nag-empleyo umano sa mga ito ay mga kontraktor. Sa batas, maging sa Labor Code, mali ang ganitong pananaw nila. Dahil direktang gumagampan ng mahahalagang gawain sa pabrika ng Hanjin, mga gawaing essential and necessary, ang 21,000 manggagawang Pilipino.

Sa Hulyo 3, ilulunsad ng mga manggagawa ang isang mahabang karabana para sa proteksyon sa trabaho, mula Maynila hanggang Subic kung saan naroroon ang pabrika ng Hanjin.

Dalawang pangyayari sa loob ng dalawang araw. Dalawang pangyayaring magkabaligtad, magkaiba. Ang isa'y hinggil sa kabayanihan ng pambansang bayani, ang isa nama'y kapahamakan sa mga manggagawa. Ang isa'y pagpapaalala na dapat mahalin ng mga Pilipino ang kanyang bayan at ang sambayanang bumubuo ng bayan. Ang isa'y nagpaalala na kailangang magkaisa ang sambayanan upang ang kanilang mga kababayan ay hindi apihin ng mga dayuhang kapitalista. Dalawang pagpapaalala sa atin na hindi tayo dapat maging bulag, pipi at bingi sa kalagayan ng ating mga kababayan, bagkus ay kumilos tayo para matiyak na ang lipunang ating ginagalawan ay maging isang lipunang makatao, kung saan ang pang-aapi't pagsasamantala'y di na umiiral.

Nilabanan ni Rizal ang mga dayuhan, habang ang mga manggagawang Pilipino'y inaapi ng mga dayuhang kapitalista. Sa paggunita natin sa kabayanihan ni Dr. Jose Rizal na nagsakripisyo upang lumaya ang bayan, nangangailangan pa uli ng kabayanihan ngayon dahil sa pagsasamantala sa mga manggagawa, di lang sa Hanjin, kundi sa iba pang mga pagawaan. Alalahanin natin ang sinabi ni Rizal sa katauhan ni Elias sa El Filibusterismo, “Mamamatay akong di nakikita ang bukang-liwayway ng kalayaan sa aking bayan. Kayong mga makakakita, batiin n’yo siya at pagpugayan! Huwag n’yo lamang kalilimutan ang mga nabuwal sa dilim ng gabi!” "

Nangangailangan ngayon ng pagkakaisa.

Miyerkules, Mayo 11, 2011

Simbolikong Paglilibing kay Bonifacio, Kweba ng Pamitinan, Mayo 10, 1997


Ang Simbolikong Paglilibing kay Gat Andres Bonifacio 
sa Kweba ng Pamitinan sa Wawa, Montalban, Rizal, Mayo 10, 1997
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Saksi ako sa simbolikong paglilibing kay Gat Andres Bonifacio sa kweba ng Pamitinan sa Wawa, Montalban, Rizal, noong Mayo 10, 1997, isandaang taong anibersaryo ng kanyang pagkapaslang sa kamay ng kapwa kababayan. Staff pa ako ng Sanlakas noon nang mapasama ako rito't naging kasapi ng history group na Kamalaysayan (Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan). Ang simbolikong paglilibing ay pinangunahan ng grupong Kamalaysayan, na pinamagatan nilang Sentenaryo Bonifacio '97: The People's Symbolic Funeral of Andres Bonifacio. 

Dumalo dito ang mga apo ni Bonifacio, kabilang si Gary Bonifacio (na hindi pa abogado noon), mga taga-akademya, kabataan, environmentalist, mga kasapi ng grupong Sanlakas, at marami pang iba. Ipinasok sa loob ng kweba ang isang urna bilang simbolo ng paglilibing kay Bonifacio, at nagkaroon ng maikling programa, kung saan binigkas namin ang Kartilya ng Katipunan. Ayon sa alamat, dito sa Kweba ng Pamitinan ikinulong ng nag-uumpugang bato si Bernardo Carpio, isang bayani ng bayan na ang lakas ay tulad ng kay Samson ni Delilah. Ang kweba ng Pamitinan ang tinuturing na "Temple of Katipunan Spirit". 

Noong 1895, dito sa kweba ng Pamitinan ang lihim na pulungan nina Bonifacio at iba pang Katipunero upang magplano ng mga istratehiya't taktika laban sa Kastila. Pinaniniwalaang dito isinagawa ang Unang Sigaw para sa Kalayaan ng Bayan laban sa Espanya noong Biyernes Santo ng Abril 1895. Isinulat pa nila sa dingding ng kweba ang panawagang “Viva Independencia" na mababakas pa rin hanggang ngayon. Dito rin nila isinagawa ang paglilinis ng kalooban na nakatitik sa Kartilya ng Katipunan. 

Noong Hulyo 7, 1996 ang kweba ng Pamitinan ay idineklarang National Historical Site at noong Oktubre 10, 1996, ito’y idineklarang Protected Area Landscape. 

Makasaysayan ang aktibidad na ito na nagdulot sa akin ng kakaibang pakiramdam at pagiging committed sa gawaing history hanggang ngayon.