10 PUNTO LABAN SA PAGMIMINA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Minsan na akong nakasama sa rali sa harap ng tanggapan ng isang kilalang korporasyong nangunguna sa pagmimina. Noong Marso 12, 2014, kasama ako sa grupong Sanlakas na nagrali sa harapan ng tanggapan ng Philex Mining Corporation sa #27 Brixton St., Brgy, Capitolio, Pasig City upang kondenahin ang 19 na taon ng disgrasya sa mamamayan dulot ng walang habas na pagmimina. Ipinahayag pa ng Sanlakas, kasama ang Alyansa Tigil Mina (ATM), na dapat magkaroon ng katarungan ang mga biktima ng malawakang pagmimina at dapat nang palitan ang RA 7942 o Mining Act of 1995, at palitan ito ng AMMB (Alternative Mineral Resources Bill) na nakasalang ngayon sa Kongreso. Makikita sa mga plakard ang mga panawagang tulad ng: "Notice of Closure for Philex Mining Corporation!", "Ibasura ang Mining Act of 1995 (RA 7942), at "Katarungan sa lahat ng biktima ng disgrasya ng pagmimina!"
Noon namang Agosto 15, 2014 ay sumama rin ang inyong lingkod sa rali sa harap ng tanggapan ng internasyunal na kumpanyang Glencore sa Ortigas. Dala ang panawagang "Glencore: World-Class Human Rights Abuser!", ang nasabing pagkilos ay bilang paggunita sa naganap na masaker ng 34 na manggagawa sa minahan noong Agosto 16, 2012 sa Lonmin Mining Property sa Marikana, South Africa. Hinihiling ng mga manggagawa na itaas ang kanilang sahod ngunit ang natanggap nila'y punglo, kamatayan.
Ang Lonmin Mining Property ng South Africa ay pag-aari ng kumpanyang Glencore, na siya rin umanong may-ari ng Sagittarius Mines sa Tampakan, South Cotabato dito sa bansa. May masaker ding nangyari sa Tampakan dahil sa mariing pagtutol ng mga katutubo sa pagmimina sa kanilang lugar. Ang nangyaring iyon sa Marikana ay naging isang dokumentaryong pinamagatang "Miners Shot Down" na ipinalabas na sa maraming bansa, at ipinalabas din dito sa Pilipinas noong Agosto 13, 2014. Iniugnay rin ang nangyaring iyon sa naganap na masaker sa Tampakan sa South Cotabato noong Oktubre 2012, kung saan pinaslang ang pamilyang Kapeon na tutol sa pagmimina sa kanilang lugar. Ang Agosto 16 ng bawat taon ay idineklarang Global Day of Remembrance (Pandaigdigang Araw ng Paggunita) sa mga pinaslang na manggagawa sa Marikana.
Nitong Nobyembre 19-21, 2014 ay nakasama ako sa 3-araw na environmental and workers rights training sa isang anti-mining area sa Zambales. Ako ang kinuhang tagatala ng mga usapan o minutero ng buong tatlong araw na pagsasanay ng mga manggagawa mula sa iba't ibang minahan sa Zambales. Ang kanilang isyu - sila ay tinanggal sa trabaho, at kung may trabaho man, hindi sila regular, mababa ang sahod, at walang TIN, SSS, at PhilHealth. Sa ikatlong araw ng aktibidad na ito'y naitatag ang Mining Workers for the Environment Association (MWEA). Ito'y binubuo ng mga manggagawa mula sa apat na malalaking kumpanya sa pagmimina, na Benguet Nickel Mines, Inc. (BNMI), Eramen Minerals Inc. (EMI), Zambales Diversified Metals Corporation (ZDMC/DMCI), at Filipinas Mining Corporation / LnL Archipelagic Minerals, Inc. (FMC/LAMI). Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ng Concerned Citizens of Sta. Cruz, Zambales (CCOS) sa pangunguna ni Dr. Ben Molino, Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Alyansa Tigil Mina (ATM), at dumating din doon bilang tagapagsalita si Mr. Max de Mesa ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA). Kinabukasan, Nobyembre 22, 2014, ay inilunsad naman ang isang talakayan sa umaga, na pinamagatan nilang "Ang Kapaligiran, ang Batas at Pagmimina, at Kagalingan ng Mamamayan".
Nito lang Marso 10, 2015 ay dalawang dekada na ang Batas Republika 7942, na mas kilala bilang Mining Act of 1995 ng Pilipinas. Isa umano itong batas na magdudulot ng paglago ng ekonomya, sustenableng pag-unlad, oportunidad na magkatrabaho ang marami, at lubusang magamit ang yamang mineral ng bansa. Ngunit hindi iyon ang naganap. Ang mga pangako’y napako, dahil na rin marahil pangako iyong walang katiyakan at nakabatay sa pagwasak ng ating kapaligiran Pagkat dalawampung taon na ay hindi pag-unlad ang nakamit ng bansa, kundi pagkawasak ng kalikasan, pagkaapi, pagkataboy, at kamatayan ng mga katutubong naninirahan sa paligid ng minahan.
Ano na nga bang kinahinatnan ng mga imbestigasyon sa naganap sa Marcopper sa Marinduque? Sa iba pang lugar ng pagmimina, tulad sa Didipio?
Sa mga nangyayaring iyon, may inilatag na sampung punto ng karapatang pantao hinggil sa pagmimina (Ten-Point Human Rights Agenda on Mining) ang iba't ibang grupong makakalikasan, sa pangunguna ng Alyansa Tigil Mina (ATM).
Ang sampung punto o kahilingan, o gabay sa pagkilos, ay ang mga sumusunod, pati na ang kanilang paliwanag:
1. IBASURA ANG MINING ACT OF 1995! ISABATAS ANG ALTERNATIVE MINERALS MANAGEMENT BILL (AMMB)! Hindi buti kundi pagkawasak ng likas-yaman ang dulot ng pagpapatupad ng Batas Republika 7942 (o ang Batas sa Pagmimina ng 1995). May depekto ang batas na ito, at hindi nito kinikilala ang karapatan ng pamayanan, lokal na pamahalaan, at mga katutubo na epektibong makalahok sa pagpapasya kung tatanggapin ang pagmimina o hindi. Kinakailangan ng isang bagong batas sa pagmimina na magtataguyod hindi lamang ng karapatang pang-ekonomya ng mga Pilipino sa pamamagitan ng makatarungang pagbabahaginan ng mga benepisyong galing sa mga mineral, kundi isang makatwirang paraan ng pagpapahalaga at pamamahala ng ating mga mineral patungo sa pambansang industriyalisasyon
2. ITIGIL ANG MALAWAKANG PAGMIMINA! Tuluyan nang winawasak ng malawakang pagmimina ang kalikasan, binabago na ang kapaligiran, at pati na pamumuhay ng mga tao, bukod pa sa ito'y nagiging dahilan ng maraming pang-aabuso at paglabas sa karapatang pantao. Ang mga malawakang pagmiminang ito ay inaari at pinatatakbo ng mga lokal at transnasyunal na korporasyon sa pamamagitan ng paggamit ng dahas, panlilinlang, pang-uuto, panunuhol, mga pwersang paramilitar at kahit na pagpatay upang mapatahimik lamang ang mga tumututol sa mga proyektong pagmimina. Malaki rin ang negatibong epekto ng malawakang pagminina sa buhay at kabuhayan ng mga pamayanang nakapaligid dito, tulad ng pagkataboy sa tirahan, di-tiyak na trabaho, pagkawala ng kultura, pagkawasak ng kapaligiran.
3. IGALANG, PROTEKTAHAN AT IPATUPAD ANG KARAPATAN SA SARILING PAGPAPASYA NG MGA LUMAD (FPIC)! Isa sa mga matitinding isyu laban sa pagmimina ay ang kabiguan nitong humingi sa mga katutubo ng malaya, una, at ganap na pagsang-ayon, o yaong FPIC (free, prior and informed consent), na nakalatag sa IPRA (Indigenous People's Rights Act).
4. PROTEKTAHAN ANG MGA TAGAPAGTANGGOL NG KARAPATANG PANTAO NG MGA KABABAIHAN AT MGA LUMAD NA BABAE SA MGA LUGAR NG PAGMIMINA! Ang mga kababaihan, taganayon man o lumad, ang siyang pangunahing nakaharap sa labanan, lalo na sa pakikibaka upang protektahan ang pamayanan laban sa salot ng pagmimina. Dama nilang tungkulin nilang ipagtanggol ang pamayanan upang manatiling buhay sila at ang kanilang lugar. Ngunit may banta sa kanilang kaligtasan. Nariyan ang pagpaslang noong Oktubre 2012 kay Juvy Capion na isang lider ng tribung B’laan.
5. ITIGIL ANG PAGSASAMANTALA SA MGA MANGGAGAWA SA MGA LUGAR NG PAGMIMINA! Hindi lamang ang kalikasan ang pinagsasamantalahan ng pagmimina kundi maging ang ating mga manggagawa. Nakalantad sa maruming kapaligiran, tulad ng maruming hangin at kakulangan ng proteksyon sa paggawa, ang mga manggagawa sa minahan. Nariyan pa ang tinatawag na unfair labor practice (ULP) o hindi makatarungang patakaran sa paggawa, tulad ng salot na kontraktwalisasyon at kakulangan ng pasahod. Ayon umano sa International Solidarity Mission on Mining (ISMM), kumikita ng higit sa P36 milyon ang mga kumpanya sa pagmimina sa dalawang araw na pagtatrabaho ng mga manggagawang Pinoy sa minahan na nakatatanggap lamang ng P233 na sahod kada araw, na sadyang kalahati lamang ng P466 na minimum na pasahod kada araw na natatanggap ng isang manggagawa sa National Capital Region. Dinudurog din ang pagtatayo ng mga unyon ng manggagawang nagkakaisa upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan.
6. PROTEKTAHAN ANG KALIKASAN AT ANG KARAPATAN SA ISANG LIGTAS, MAKATARUNGAN AT BALANSENG EKOLOHIYA! Maraming mga aplikasyon sa pagmimina, pati na mga proyekto, ang nasa nalalabing kagubatan ng Pilipinas. Nagdudulot ito ng malaking suliranin pagkat 18% na lang ng buong kagubatan ang natitira, gayong ang ideyal na bahagdan dapat ay nasa 50% para sa isang maayos na kapaligiran. Ang mga kontrata ng pagmimina ay may mga probisyong nagbibigay ng karapatan sa mga minahan na magtroso sa mga lugar na minimina. Ang maramihang pagpuputol ng puno at pananalanta nila sa kagubatan, ang paglilihis sa pinagkukunang tubig, at paglalagay ng imprastruktura sa mga lugar na ito ay nakasisira sa balanse ng kalikasan. Nanganganib ang kalikasan dahil sa pangwawasak ng pagmimina. Dahil sa lalong pag-unti ng mga puno ay mas mahihirapan tayong umangkop at masolusyonan ang banta ng nagbabagong klima, kaya ang mga dukha'y nahaharap sa panganib na dulot ng mga kalamidad, tulad ng bagyo, baha, at pagguho ng lupa.
7. ITIGIL ANG MGA PAMAMASLANG! PROTEKTAHAN ANG MGA TAGAPAGTANGGOL NG KARAPATANG PANTAO! Ang paglaganap ng operasyon ng pagmimina sa bansa ay kinakitaan ng pamamaslang sa mga Human Rights Defenders (HRDs) sa larangan ng kanilang pagtindig laban sa malawakang pagmimina, at pagtataguyod ng adbokasya para protektahan ang kalikasan. Ang ilan sa mga kilalang taong napaslang ay sina Fr. Fausto Tentorio ng Hilagang Cotabato at Dr. Gerry Ortega ng Palawan. Gayundin naman, may mga pinaslang ding mga hindi kilala ngunit nakibaka para sa kalikasan, tulad ng nangyari kina Genesis Ambason ng Agusan del Sur, Francisco Canayong ng Leyte, Armin Marin ng Romblon, Gensun Agustin ng Cagayan, Datu Roy Bagtikan Gallego ng Surigao Sur at marami pang iba. Ang mga nakikitang direktang responsable sa pamamaslang ay ang mga pribadong ahensya ng mga gwardya ng kumpanya, ang mga militar at mga grupong paramilitar, ngunit kasama rin nilang responsable sa pamamaslang ang mga may-ari ng mga minahan at ang pamahalaan.
8. ITIGIL ANG PAGTATABOY SA MGA TAGANAYON! Protektahan ang karapatan sa pagkain, tubig, at pagkukunan ng ikabubuhay. Ngunit dahil sa kakulangan ng konsultasyon at di-pagsisiwalat sa taumbayan ng impormasyon, ang malawakang pagmimina ay karaniwang nagtataboy sa mga lumad at iba pang nakatira sa lugar na binigyan ng permisong magmina. Maraming dokumentadong kaso ang nagpapakita na ang mga operasyon ng mga nagmimina ay nagdudulot ng takot, pagkabalisa at mga labanan sa mga apektadong lugar. Pag nagsimula nang minahin ang isang lugar, malaking panganib na ang dulot nito sa pagkukunan ng maiinom na tubig, tulad ng ilog, sapa, batis at balon. Napakaraming tubig ang kinakailangan ng mga nagmimina sa kanilang operasyon at dumudumi pa ang tubig, na siyang dahilan upang maapektuhang todo ang produksyon ng pagkain at kalusugan ng mga naninirahan. Ang pagkataboy at paglikas ng mga kababaihan sa lugar ay nagdudulot ng malaking aalalahanin dahil maaari silang maging biktima ng sex trafficking.
9. ITIGIL ANG MILITARISASYON AT PAGPAPADALA NG MGA PWERSANG PANDEPENSA PARA SA NEGOSYO! Ang pagpasok ng mga kumpanya ng pagmimina sa mga pamayanan ay nagdulot ng militarisasyon sa mga lugar ng katutubo. Madalas na nagpapadala roon ng mga tropang militar upang depensahan nito ang mga kumpanya ng pagmimina at magdulot ng takot sa mga tagaroong ayaw sa pagmimina, dahil winawasak nito ang kanilang lugar, kalikasan at kabuhayan. Gayundin naman, nagbuo ng sariling pwersang paramilitar ang mga kumpanya ng pagmimina. Nagdulot ito ng kamatayan at pagkawasak, at di mabilang na paglabag sa karapatang pantao.
10. KATARUNGAN SA LAHAT NG MGA BIKTIMA NG PAGLABAG SA KARAPATANG PANTAO DAHIL SA ISYU NG PAGMIMINA! Wakasan ang mapagsamantalang pag-unlad! Ang pag-unlad ay nagiging mapagsamantalang pag-unlad kung ang mamamayan ay nagiging biktima na, at hindi mga benepisyaryo; kapag binabalewala ang kapakanan at partisipasyon ng mamamayan sa pagpaplano ng pag-unlad ng kanilang pamayanan; at kapag ang mamamayan ay itinuturing lang na pain upang tumubo, imbes na sentro ng pag-unlad. Niyuyurakan ng mapagsamantalang pag-unlad ang karapatang pantao ng ating mamamayan sa lahat ng aspeto – sa pang-ekonomya, pampulitika, pangkultura.
Marso 22, 2015
Mga pinaghalawan:
http://alyansatigilmina.net/gallery/tao-muna-hindi-mina-campaign-national-launch/
http://sanlakasfamily.blogspot.com/2014/03/sanlakas-nagrali-sa-tanggapan-ng-philex.html
http://kilusangmasa.blogspot.com/2014/08/kumpanyang-glencore-world-class-human.html
http://alyansatigilmina.net/2015/03/10/atm-statement-for-anti-mining-solidarity-week-9-13-march-2015/
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento