Linggo, Marso 30, 2008

Pagpapakatao

PAGPAPAKATAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Nalathala sa kolum ng may-akda na “May Pag-asa Pa” sa magasing Tambuli, Oktubre 2006, pp. 54-59.)

May ilang mga kakilala akong nagsasabing para raw magbago at umunlad ang bansa, dapat daw magbago ang kalooban ng tao. Maganda ang suhestyon. Pero para bang madyik na kusang magbabago ang kalooban ng tao? O may mga batayan para mangyari ito? Ano nga bang klaseng kalooban meron ang tao ngayon para sabihin nilang dapat magbago ang kalooban ng tao? Magsuri tayo.

Bukambibig ng editor ng magasing Tambuli na si Sir Ding Reyes ang hinggil sa pagpapakatao. Ipinangangaral din niya ang sinabi ni Gat Emilio Jacinto na “iisa lang ang pagkatao ng lahat” na nasa akdang “Liwanag at Dilim”. Pero ano nga ba ang pagpapakatao? Ito ba’y may kaugnayan sa moralidad, sa usapin ng “kabutihan” at “kasamaan”? Ano nga ba ang konsepto ng “kasamaan” sa lipunan? Likas ba sa tao ang maging “masama” o ito’y may batayan? Ang konsepto ng “kabutihan” ay maaaring ilarawan sa pamamagitan ng gintong alituntunin o golden rule na “Huwag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin din ng iba sa iyo.” Kung gagamitin natin ang golden rule at ang konsepto ng pagpapakatao ni Emilio Jacinto, sa palagay ko, ito’y aplikable sa lahat. Gayunman, may mga konsepto ng “masama” at “mabuti” na hindi aplikable sa lahat ng pagkakataon o depende kung sino ang nasa kapangyarihan. Ibig sabihin, kung sino ang mayhawak ng kapangyarihan ang siyang nagtatakda kung ano ang “masama” at “mabuti”. Halina’t baybayin natin ang kasaysayan.

Sa kasalukuyang istandard ng moralidad, kahit karaniwang tambay sa kanto ay sasabihing mali at masama, makahayop at imoral ang gawing kalakal ang isang tao. Mali na ipagbili at gawing alipin na libreng patayin sa hagupit at pwersahang paggawa ng nakabiling panginoon. Pero bakit hindi ganito ang naging pananaw ng mga matatalinong pilosoper na sina Socrates, Plato at Aristotle na nabuhay sa panahon ng aliping paggawa? Sila na hindi makukuwestyon ang intelektwal na integridad, ay naatim ng kanilang “konsensya” at walang nakitang imoral ang mag-ari ng alipin. Sila na pinag-aralan, pinag-ukulan ng pansin, at hinanapan ng paliwanag ang kahit kaliit-liitang penomena sa kalikasan at lipunan, ay hindi nakitang imoral at walang nakitang masama sa sistemang alipin, na itinuring pa ngang “natural na kaayusan” ng daigdig.

Sine George Washington at Thomas Jefferson ang itinuturing na mga “ama ng demokrasya” sa Amerika. Pero bakit hindi nila idineklara ang kalayaan ng mga aliping Itim sa Amerika kasabay ng deklarasyon ng kasarinlan laban sa Britanya, kasabay ng kanilang deklarasyon ng “pagkakapantay-pantay” sa lipunan? Hanggang sa ika-19 na siglo, binibihag ng mga “slave traders” sa Aprika ang mga Itim at ipinagbibili sa Amerika para gawing mga alipin sa plantasyon. Ang preserbasyon ng sistemang ito ng pribadong pagmamay-ari ng mga alipin ang dahilan kung bakit sumiklab ang Civil War sa Amerika noong 1861 – pitumpu’t walong taon matapos ideklara ang kalayaan ng Amerika bilang kolonya ng Britanya. Noon lang 1863 idineklara ni Abrahan Lincoln ang abolisyon ng ganitong sistema – pitumpu’t dalawang taon matapos ratipikahan ang Bill of Rights ng nagmamalaking pinakademokratikong bansa sa daigdig. Sa panahong ito ng sistemang alipin nagawa ang Great Wall ng Tsina, ang Taj Mahal sa India, at ang Pyramid ng Ehipto kung saan libu-libo kundi man milyun-milyong alipin ang nilatigo at namatay para lamang matiyak ang kagustuhan ng kanilang panginoon. Kahit sa Pilipinas, bago dumating ang mga Kastila, ay umiiral ang sistemang alipin. May mga tinatawag na “aliping namamahay” at “aliping sagigilid”. Pero tinanggap ito ng marami bilang “natural” na kaayusan noong panahong iyon.

Sa pag-unlad mula sistemang alipin tungo sa pyudal na sistema, sinimangutan ng mga tagapangalaga ng moralidad ng sistemang ito ang sistemang alipin na ginagawang ordinaryong kalakal ang mga tao. Pero wala silang makitang masama at mali na ariin, kamkamin at solohin ng mga asendero ang mga lupain at pwersahang ipabungkal ito sa masang magsasaka. Sa panahong ito lumitaw ang Simbahan bilang pandaigdigang kapangyarihang tagapangalaga ng moralidad ng sangkatauhan. Pero binasbasan nito ang pyudal na sistema bilang “natural na kaayusan”. Wala ring nakitang imoral ang Simbahan sa panahong ito na habambuhay na itali ang magsasaka sa lupain ng asendero at pigain sa sistema ng pwersahang paggawa. Nasaan na nga ba ang pagpapakatao at pagkakapantay-pantay ng tao sa panahong ito? Bakit ganito?

Noong panahon ng Inkwisisyon, libu-libong tao ang ipinapatay ng Simbahang Katoliko. Ang Inkwisisyon ang opisyal na kautusan ng Simbahan na dakpin, tortyurin at sunugin ng buhay ang mga inakusahang erehe, at ituring na kampon ng demonyo dahil sa hindi sumusunod sa mga aral ng Romano Katoliko. Inilunsad din ang Krusada, ang gera ng pananakop na ipinanawagan ng Simbahan. Ginamit nito ang espada para paluhurin sa krus ang mga “barbarong Muslim” sa Asya at Eropa. Dito sa Pilipinas, bahagi na ng ating kasaysayan ang kalupitan ng mga prayle bilang mga kolonyalista at asendero habang nangangaral ng Kristyanismo sa di-binyagang mga indyo. Nariyan ang pagkakabitay sa tatlong paring sina Padre Gomez, Burgos at Zamora , at mismong ang Simbahan ang dahilan upang bitayin ang bayaning Pilipinong si Gat Jose Rizal.

Sa madaling salita, ang madilim na kabanatang ito ng Simbahan ay patunay lamang na ang mga istandard ng moralidad ay dumaan din sa proseso at kasaysayan ng pag-unlad ng lipunan at sibilisasyon. Kung ngayon ay kontra ang Simbahan sa “death penalty”, hindi ganito ang kanyang moral na tindig noong panahon ng Krusada at Inkwisisyon.

Kapag sa landas ng moralidad ipinaliwanag kung bakit may kasamaan sa lipunan, wala itong duduluhin kundi kagagawan ito ng demonyo. Ang problema ay bakit pilit nating hinahanap sa mga bagay na abstrakto at ispiritwal ang dahilan ng kasamaan gayong napakalinaw naman ng kongkreto at materyal na batayan kung saan ito nagmula. Ang kasamaan ay hindi nagmumula sa kalooban ng tao kundi sa kalikasan ng lipunan. Tanong: Naganap ba at naghari sa mundo ang kasamaan sa loob ng ilanlibong taon dahil ang ilaw ng moralidad ay pundido sa panahong ito at binulag ng masamang budhi ng tao? Bakit may mga taong sakim at nang-aapi ng kanyang kapwa? Sa napakasimpleng moralistang paliwanag sa kasaysayan, lalabas na kung nangibabaw pala ang kabutihang-loob noon, hindi sana nagkaroon ng kasamaan sa mundo. Noon pa ay umiral na sana ang pagkakapatiran sa mundo. Kulang lang pala sa pangaral ang tao sa kung ano ang mabuti at masama. Kung inulan sana ng pangaral ang tao, hindi sana nagkaganito ang kasaysayan. Hindi sana dumanas ang napakaraming henerasyon ng tao ng katakut-takot na kaapihan at kahirapan na nagpapatuloy pa hanggang ngayon. Di sana naganap ang mga gera ng imperyalistang pananakop noong Una at Ikalawang Daigdigang Digmaan, at iba pang digmaan. Di sana naganap ang Demolisyong Setyembre 11 sa WTC sa New York at Pentagon sa Washinton. Di sana naganap ang panggigera ni Bush para sabihing “collateral damage” lamang ang libu-libong sibilyang namatay sa Afghanistan , Iraq , Lebanon , at iba pang bansa. Sana’y pakikipagkapwa-tao ang umiiral sa mundo.

Bakit? Pagkat sa hinaba-haba ng kasaysayan ng tao, ng kanyang intelektwal na pag-unlad, hindi kailanman hinamon ng mga tagasermon sa lipunan ng masama at mabuti, ng hustisya at ekwalidad, ang moralidad ng sistema ng pribadong pagmamay-ari. Gayong narito ang pinakaugat ng kahirapan at hindi pagkamakatao ng lipunan. Kung meron mang “orihinal” na kasalanan ang tao, hindi lang ito ang pagkain ng “bawal na prutas” kundi ang pagkain ng “pinagpawisan ng iba” dahil lang dito sa pribilehiyong ito ng pribadong pagmamay-ari.

Simple lang naman ang paliwanag sa pribadong pagmamay-ari. Ito’y tumutukoy sa pag-angkin sa mga kasangkapan sa produksyon. Kung sino ang may-ari ng mga makina, pabrika, hilaw na materyales, malalawak na lupain, sila ang nasa kapangyarihan sa lipunan. Sila ang kadalasang nananalo sa halalan. At kung sino ang mga walang pag-aari tulad ng mga alipin, magsasaka at manggagawa, ang siyang naghihirap, gayong sila ang may pinakamalaking kontribusyon upang tumakbo ang makina, pabrika at lupain. Ito ang maliwanag na batayan kung bakit may mga pang-aapi, may mga gera sa iba’t ibang panig ng mundo, may mga sakim sa kapangyarihan, may mga ganid sa salapi, at hindi makatao. Military hardwares (stealth fighter planes, B-52 bombers, smart bombs, atbp.) ang pangunahing produkto ng Amerika. Tiyak na lugi at magugutom sila kung walang gera at wala silang mapapagbentahan ng kanilang mga produktong armas.

“Madaling maging tao, mahirap magpakatao”, ayon nga sa kasabihang Pilipino. Pero bakit hindi kinukweston ang kasamaan ng pribadong pagmamay-ari? Dahil sa esensya, hindi kasi ito usapin ng moralidad, kundi ng nesesidad ng pagkamkam ng tao sa mga surplas na produkto dahil ito ang natural na epekto ng pribadong pagmamay-ari. Tulad din ng hindi pagkwestyon sa moralidad ng tubo sa kapitalistang sistema dahil itinuturing itong natural na karapatan ng may-ari ng kapital.

Kapag binaybay nating muli ang kasaysayan, makikita nating kung ano ang umiiral na sistema at sino ang naghaharing uri sa lipunan, sila ang nagtatakda ng moralidad, at ito’y para protektahan ang kanilang interes. Ang isang bagay na imoral ay isang bagay na masama. Pero paano mamasamain ng panginoong may-alipin ang pagkakaroon niya ng alipin gayong ito ang kanyang interes? Paano mamasamain ng panginoong maylupa ang itali ang magsasaka sa lupa gayong ito ang kanyang interes? Paano mamasamain ng kapitalista na gawing kalakal ang manggagawa gayong ito ang kanyang interes? At kadalasan, nangyayari pa ngang nahuhubog ang isip ng mga alipin, magsasaka at manggagawa sa ganitong moralidad, at tanggapin na lang ito bilang kapalaran o itinakda ng tadhana.

Sa madaling salita, ang naghaharing uri sa lipunan ang nagtatakda ng istandard ng moralidad. Ang kasaysayan ng Pilipinas ay punumpuno ng halimbawa. Nang magkudeta ang militar at patalsikin si Estrada bilang pangulo, naging bayani si Heneral Angelo Reyes. Nang gawin ito ni Heneral Danilo Lim, siya’y hindi naging bayani kundi itinuring na kriminal ng gobyerno. Galit na galit ang marami dahil nag-nuclear bomb testing ang North Korea , pero sino ang sumita sa Amerika nang ibandera nila ang kanilang MOAB (mother of all bombs) sa gera nito sa Afghanistan ? Sino nga ba ang makasisita sa makapangyarihang bansang Amerika? Ni wala ngang nakulong sa kanila nang pinatay nila ang libu-libong sibilyan sa Hiroshima at Nagazaki noong 1945. ginera ng US ang Iraq hindi dahil sa weapons of mass destruction kundi dahil sa langis nito. Hindi magera ng US ang Israel , India at Pakistam, kahit aminado ang mga bansang ito na may mga nuclear missiles sila!

Kaya nga hindi usapin ng masama at mabuti, ng anghel at demonyo, ang nangyayaring “kasamaan” sa daigdig. Ito’y usapin ng interes ng kung sinong makapangyarihan o naghaharing uri sa lipunan. Napakaraming katanungang iisa lang ang dinudulo – ang pribadong pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon na siyang dahilan upang maghangad ng limpak-limpak na tubo at makapambraso ang nagmamay-ari nito. Kasintindi, kundi man mas matindi, ng gobyerno ni Saddam sa Iraq ang gobyerno ng Burma , na ilang taon nang nasa ilalim ng diktaduryang militar. Kaya kung walang langis ang Iraq , panggigilan kaya ito ng US , tulad ng kawalan ng langis sa bansang Burma?

Bakit pinaiiral ng World Trade Organization at World Bank ay free trade imbes na fair trade? Bakit imbes na regular na manggagawa ang kunin ng kumpanya, isang ahensya ng kontraktwalisasyon ang nangangalap ng mga manggagawang magtatrabaho lamang ng limang buwan, para makaiwas na maregular ang manggagawa, para makatipid ang kumpanya, para mabawasan ang benepisyong kanilang ibibigay? Bakit laging cheap labor o murang paggawa ang pangunahing hinahanap ng mga imbestor sa iba’t ibang bansa?

Kaibigan, hindi ba’t dapat na tanggalin natin ang batayan kung bakit nagiging sakim sa kapangyarihan ang tao? Hindi ba dapat na kongkreto at may batayan ang ating pagtukoy sa problema at hindi basta na lang magbigay ng anumang abstraktong paliwanag, tulad ng “kasalanan kasi ng demonyo”? Hindi ba’t dapat na tanggalin natin mismo sa kamay ng iilan ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, at gawin itong pag-aari ng buong lipunan?

Simpleng magbago lang nga ba ng kalooban ng tao ay uunlad na ang lipunan? Kailan pa sabay-sabay na magbabago ang kalooban ng mga tao kung naririyan ang batayan upang sila’y maging sakim sa tubo at maging sugapa sa pinaghirapan ng iba?

Kapag nawasak na ang batayan ng kahirapan sa lipunan, kapag nawasak na ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, kapag ang mga kasangkapan sa produksyon ay ginamit na para sa kapakinabangan ng buong lipunan, kapag nawala na ang relasyong may mayaman at may mahirap sa lipunan, kapag nawala na ang pagsasamantala ng tao sa kanyang kapwa, saka lang natin mapapatunayan ang sinabi ni Emilio Jacinto, “iisa lang ang pagkatao ng lahat.”

Huwebes, Marso 27, 2008

Dati, Bago at Proposal na ‘Panatang Makabayan’

Dati, Bago at Proposal na ‘Panatang Makabayan’
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kapag sinasagutan ko ang palaisipan o krosword sa dyaryo, minsan ay nakaka-engkwentro ko ang tanong na “PAHALANG 1 Pambansang ibon” na apat na letra ang sagot, at may mga ilang krosword din na limang letra naman ang sagot. Ang sagot sa una’y MAYA, habang ang tugon naman sa ikalawa’y AGILA. Bakit ganito? Marahil, hindi pa alam ng iba ang mga pagbabagong ito. Minsan nama’y napapagmuni ko rin: Kung binago ang pambansang ibon mula MAYA tungo sa AGILA, bakit hanggang ngayon, SIPA pa rin ang pambansang laro, gayong bihira naman ang mga Pilipinong naglalaro nito, at hindi rin ito sikat sa buong bansa? Di tulad ng basketbol, boksing, bilyar at chess, ni wala ngang pambansang paligsahan ang SIPA para ituring pa itong siyang pambansang laro.

Alam po ninyo, marami nang nagbago noong panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos. Ang pambansang ibon na dati’y maya ay naging agila na ngayon, pati ang dating 20 alpabetong Pilipino ay 28 na ngayon. Kasama rin sa pagbabagong ito sa panahon niya ang pagbabago ng liriko ng Panatang Makabayan, na ayon sa isang kaibigan, ay sinulat ni dating Senador Raul Roco.
Sa madaling salita, ang Panatang Makabayan noong ako’y elementarya pa lamang ay kaiba sa binibigkas na Panatang Makabayan ngayon ng mga bagong mag-aaral. Tunghayan muna natin ang dati at ang bagong ‘Panatang Makabayan’:

Lumang bersyon:

Panatang Makabayan
Iniibig ko ang Pilipinas.
Ito ang aking lupang sinilangan.
Ito ang tahanan ng aking lahi.
Ako’y kanyang kinukupkop at tinutulungan,
Upang maging malakas, maligaya at kapakipakinabang.
Bilang ganti ay diringgin ko ang payo ng aking mga magulang.
Susundin ko ang tuntunin ng aking paaralan.
Tutuparin ko ang tungkulin ng isang mamamayang makabayan
At masunurin sa batas.
Paglilingkuran ko ang aking bayan nang walang pag-iimbot
At nang buong katapatan.
Sisikapin kong maging isang tunay na Pilipino,
Sa isip, sa salita at sa gawa.

Ang Binagong bersyon:

Panatang Makabayan
Iniibig ko ang Pilipinas,
aking lupang sinilangan,
tahanan ng aking lahi,
kinukupkop ako at tinutulungang
maging malakas, masipag at marangal.
Dahil mahal ko ang Pilipinas,
diringgin ko ang payo ng aking magulang,
susundin ko ang tuntunin ng paaralan,
tutuparin ko ang tungkulin
ng mamamayang makabayan:
naglilingkod, nag-aaral at nagdarasal
ng buong katapatan.
Iaalay ko ang aking buhay,
pangarap, pagsisikap
sa bansang Pilipinas.

Sa mga dulo ay makikita natin ang malasakit ng pagmamahal sa bayan: “Sisikapin kong maging isang tunay na Pilipino”; “Iaalay ko ang aking buhay, pangarap, pagsisikap sa bansang Pilipinas”. Kaygandang pakinggan, lalo na’t kung sabay-sabay itong binibigkas ng mga batang estudyante, pero ano ang reyalidad? Tanungin mo ang mga bata o kaya’y manood ka sa telebisyon kapag tinanong ang mga batang contestants sa mga shows kung ano ang nais nila paglaki, at maririnig mong halos lahat ay nagsasabing gusto nilang pumunta ng ibang bansa, nais makapunta ng Amerika, at mamuhay doon. Ano ang problema sa mismong Panatang Makabayan, at bakit hindi ito naisasaloob ng mga kabataang Pilipino.

Kung susuriing mabuti ang nilalaman ng Panatang Makabayan, ang itinuturo rito ay ang pagiging bulag na tagasunod ng isang bata. Wala ang konsepto ng paggalang sa karapatang pantao, ang pakikipagkapwa, ang hustisyang panlipunan, kundi pawang pagsunod dahil sa “utang na loob” sa bayan – pagsunod sa magulang, pagsunod sa paaralan, pagsunod sa pamahalaan. Pero paano kung may problema sa magulang, paaralan at pamahalaan, tulad ng na_Garci na pamahalaan ni Arrovo?

Ano ang magiging epekto ng Panatang Makabayan kung ang itinuturo at ipinasasaulo ay kung paano maging “submissive” o maging bulag na tagasunod, at hindi ang maging kritikal o mapagsuri sa lipunan? Dahil “kinukupkop at tinutulungan” ng bayan ay dapat na tayong sumunod? Tama bang maging bulag na tagasunod?

Lumakas ang Nazi Germany at si Hitler dahil sa pagiging bulag na tagasunod ng mamamayan nito. Ganito ba ang konsepto natin ng pagiging makabayan? Nasaan ang iba pang magagandang kaugalian, ang respeto sa kapwa, ang pagpapakatao, ang pagkakapantay-pantay?
Dapat na ito’y para sa lahat, bata o matanda, dahil ito’y Panatang Makabayan. Ngunit ang problema, hindi ito binibigkas ng lahat, kundi ng halos mga mag-aaral lamang. Patunay dito ang salitang “paaralan”. Kaya nga dapat siguro imbes na Panatang Makabayan ito, dapat itong tawaging ‘Panata ng Mag-aaral para sa Bayan’.

Binibigkas ito ng mga mag-aaral pagkatapos nilang umawit ng “Lupang Hinirang”. Kumbaga’y parang mantra na tuwing umaga ay dapat i-recite, kahit wala sa loob ng mga bata.

Pero paano nga ba ilalagay sa kalooban ng mga mag-aaral ang Panatang Makabayan kung ang kadalasang nakalibot sa mga mag-aaral na ito ay pulos galing sa ibang bansa, tulad ng spiderman, McDonalds, computer games, mga foreign movies, mga patalastas sa telebisyon na nagsasabing mas maganda ang maputi kaysa kutis-morena, at ipinalalabas pang pangit, makaluma, inferior at di maunlad ang anumang gawa sa ating bansa.

Nariyan si Lastikman at Captain Barbell; mga bakyang pelikulang Pinoy na halos alam mo na ang ending dahil halos pare-pareho na lang ang plot (naapi si bida, na animo’y tupang pula, hanggang sa makaganti siya at mapatay ang mga kalaban); di na rin alam ng mga kabataan ngayon ang mga larong Pinoy tulad ng patintero, tumbang preso at taguan pung.

Kung gagawa ako ng sariling bersyon ng Panatang Makabayan, at hindi lang Panata ng Mag-aaral, ilalagay ko roon ang panata ng paggalang sa lahat ng karapatang pantao, pakikipagkapwa, pagkakapantay-pantay, pagmamahal sa kalikasan, ang ilang nilalaman ng Kartilya ng Katipunan, na kung mabubuo ay maaaring ganito:

Proposal na Bagong Bersyon:

Panatang Makabayan
Iniibig ko ang Pilipinas at ang kapwa ko ng walang pagtatangi
Iginagalang ko ang karapatan ng bawat isa
Ako ay magpapakatao at makikipagkapwa-tao
Ipagtatanggol ko ang matuwid
At kakabakahin ang mga mali
Inaadhika ko ang pagkakapantay-pantay
Sa lipunan kung saan walang mahirap at mayaman
Mamahalin ko at aalagaan ng kalikasan
Na siyang tahanan ng lahat ng nilalang
Ipaglalaban ko ang hustisyang panlipunan para sa lahat
Sa isip, sa puso, sa salita, at sa gawa.

Kulang pa ito at kailangan pang kinisin at dagdagan. Pero dapat na matiyak na ang bawat taludtod sa Panatang ito’y hindi bilang bulag na tagasunod, kundi dahil nauunawaan ng bawat magsasalita nito, kahit batang mag-aaral, sa kanilang puso’t isipan ang kahulugan ng kapayapaang may hustisyang panlipunan, karapatang pantao, pagkakapantay-pantay, pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao.

Biyernes, Marso 14, 2008

Ang Dyornalista Bilang Birador

ANG DYORNALISTA BILANG BIRADOR
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Ang artikulong ito'y nalathala sa pahayagang Diario Uno, Disyembre 10, 1998, pahina 5)

SUNDAY PUNCH. Isang idyoma sa ingles na tumutukoy sa pampatulog o knock out punch ng isang boksingero. Napakatindi ng dating ng dalawang salitang ito sa mga dyornalista. Kaya't karamihan sa kanila'y gumagamit nito. At ang kadalasang gumagamit ay iyong matitinding bumatikos, pumuna, at magpahayag ng katotohanan. Walang sinisino ang kanilang pluma. Basta mali, binibira upang itama, upang hindi na lumala, upang makontrol. Pero dahil sa kanilang matitinding pagbira, karamihan sa kanila'y pinaghihigantihan ng mga binatikos. Ibinubulid sa dilim ng mga taong may lahing puti't itim. Puti dahil walang budhi at itim dahil maitim ang buto.

Noong late 60s o early 70s, ang dyornalistang si Ermin Garcia, Sr. ng dyaryong Sunday Punch na nakabase sa Lungsod ng Dagupan, ay binaril at napatay. Pinatay dahil sa kanyang krusadang sugpuin ang kriminalidad. Noon namang hunyo 10, 1990, isang staffer ng dyaryong ito, si Frank Mararac, ang napatay. Hulyo 3, 1997, ang news editor at kolumnistang si Danny Hernandez ng People's Journal, na ginamit niya ang Sunday Punch bilang pangalan ng kanyang kolum, ay napatay rin. Binaril siya habang nakasakay sa isang taksi. Popular si Hernandez bilang birador ng mga kriminal at tiwaling gawain ng ating mga kababayan. Isa pang dyornalista na may kaugnayan din sa salitang "punch" ang napatay. Ito'y si Candido Basilisco ng Philippine Puncher ng Cebu, na napaslang noong Mayo 1, 1991.

Limampu't tatlong dyornalista na ang napapaslang matapos ang rebolusyong Edsa. Ayon sa aming tala sa Philippine Movement for Press Freedom (PMPF), tatlumpu't apat (34) sa mga ito ay sa panahon ni Gng. Aquino at labinsiyam (19) naman sa panahon ni G. Ramos. Nito lamang 1998, apat na dyornalista agad ang tumimbuwang sa tama ng bala sa loob ng apat na magkakasunod na buwan. Ito'y sina Odillon Mallari, reporter ng dxCP sa General Santos City, Pebrero 15; Rey Bancairin, radio commentator ng dxLL sa Zamboanga City, Marso 30; Nelson Catipay, correspondent ng dxMY sa Cotabato City, Abril 19; at ang huli ay si Danny Llasos ng Radio Agong sa Bacolod City, Mayo 12, 1998.

Bakit nangyayari sa kanila ito? Dahil marami silang nasagasaan? Dahil marami silang alam na baho, sekreto at anomalya na maaaring ibulgar nila balang araw? Hindi ba't mas kailangan natin silang papurihan dahil karamihan sa kanila'y napatay dahil sa kanilang krusada laban sa krimen, droga, at iba pang masasamang impluwensiya sa ating bayan?

Hindi naman sila basta-basta magtatahi ng istorya dahil may batas tayo sa libelo. Kung may tatamaan, magsampa lang dapat ng libelo laban sa reporter. Mas madali ito at magkakapera pa sila kung makukulong ang reporter. At malilinis ang nasira nilang pangalan. Pero dahil may bahid ng katotohanan ang mga ibinulgar, pinapatay ang mga reporter upang hindi na lalong lumala ang pagbibisto sa mga bahong inilantad.

Noong sumusulat pa ako sa The Featinean, opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng FEATI University, ang pangalan ng aking kolum ay LINKS. Kuha ito sa pangalan ng isang magasin sa abroad na karamihan ay tumatalakay sa kaisipan o ideya tungkol sa mga rebolusyong inilulunsad ng iba't ibang isyu. Itinuloy ko ito sa dyaryo ng YWAP (Young Writers Assembly of the Philippines), ang The Fourth Estate, at sa environmental gazette na Greenlinks. Pero ito'y maliliit na pahayagan na may depinido at direktang mambabasa. Kung saka-sakali na ako'y palaring magkaroon ng isang kolum sa isang popular at pang-araw-araw na pahayagan, mas trip kong gamitin ang Sunday Punch. Ito'y hindi dahil sa ako'y nanggagaya kundi ito'y ginamit na ng matitinding dyornalista. At isang pagpapatuloy ito ng kanilang kampanya laban sa masasamang elemento sa lipunan at kapital. Kung nabulid sila sa dilim ng gabi, dapat may magpatuloy sa kanilang mga nasimulan.

Pero syempre, ayaw nating matulad sa nangyari sa kanila. Maaaring may magsabing, "Huwag mong gamitin ang Sunday Punch dahil masama ang nangyayari sa gumagamit." Hindi ako naniniwala. Dahil hindi naman ang salitang iyan ang naging dahilan kaya sila pinatay. At lalong hindi ako naniniwala sa sumpa o sa pamahiin dahil wala itong syentipikong basihan. Labag sa mga pinag-aralan ko sa historical materialism at dialectics.

Noong itinayo namin ang Young Writers Assembly of the Philippines (YWAP), ang unang pangalan ng aming dyaryo ay Hard Puncher ngunit napalitan ito ng The Fourth Estate. Nakapaglabas kami ng limang isyu nito.

Maraming dyornalista sa ating bansa pero iilan lang ang birador. 'Yong matitinding pumuna na nanunuot sa kalamnan. 'Yong mga matitinding maglantad ng katotohanan. Sa totoo lang, kailangan natin ng mas maraming dyornalistang birador dahil napakaraming dapat banatan at dapat ayusing mga problema.

Pero hindi ibig sabihin na pag birador ka, marami kang sinasagasaan nang wala namang kongkretong basihan. Kailangan, kayang panindigan ang lahat ng sinasabi o sinusulat. Kailangan, gaya ng isang boy scout, laging handa. Sa isang digmaan, paano bibira kung ang baril ay walang bala? Kung may bala pero kakaunti, hindi sapat sa isang matagalang labanan.

Kailangan natin ng mga dyornalistang walang takot magpahayag ng katotohanan.