Biyernes, Marso 14, 2008

Ang Dyornalista Bilang Birador

ANG DYORNALISTA BILANG BIRADOR
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Ang artikulong ito'y nalathala sa pahayagang Diario Uno, Disyembre 10, 1998, pahina 5)

SUNDAY PUNCH. Isang idyoma sa ingles na tumutukoy sa pampatulog o knock out punch ng isang boksingero. Napakatindi ng dating ng dalawang salitang ito sa mga dyornalista. Kaya't karamihan sa kanila'y gumagamit nito. At ang kadalasang gumagamit ay iyong matitinding bumatikos, pumuna, at magpahayag ng katotohanan. Walang sinisino ang kanilang pluma. Basta mali, binibira upang itama, upang hindi na lumala, upang makontrol. Pero dahil sa kanilang matitinding pagbira, karamihan sa kanila'y pinaghihigantihan ng mga binatikos. Ibinubulid sa dilim ng mga taong may lahing puti't itim. Puti dahil walang budhi at itim dahil maitim ang buto.

Noong late 60s o early 70s, ang dyornalistang si Ermin Garcia, Sr. ng dyaryong Sunday Punch na nakabase sa Lungsod ng Dagupan, ay binaril at napatay. Pinatay dahil sa kanyang krusadang sugpuin ang kriminalidad. Noon namang hunyo 10, 1990, isang staffer ng dyaryong ito, si Frank Mararac, ang napatay. Hulyo 3, 1997, ang news editor at kolumnistang si Danny Hernandez ng People's Journal, na ginamit niya ang Sunday Punch bilang pangalan ng kanyang kolum, ay napatay rin. Binaril siya habang nakasakay sa isang taksi. Popular si Hernandez bilang birador ng mga kriminal at tiwaling gawain ng ating mga kababayan. Isa pang dyornalista na may kaugnayan din sa salitang "punch" ang napatay. Ito'y si Candido Basilisco ng Philippine Puncher ng Cebu, na napaslang noong Mayo 1, 1991.

Limampu't tatlong dyornalista na ang napapaslang matapos ang rebolusyong Edsa. Ayon sa aming tala sa Philippine Movement for Press Freedom (PMPF), tatlumpu't apat (34) sa mga ito ay sa panahon ni Gng. Aquino at labinsiyam (19) naman sa panahon ni G. Ramos. Nito lamang 1998, apat na dyornalista agad ang tumimbuwang sa tama ng bala sa loob ng apat na magkakasunod na buwan. Ito'y sina Odillon Mallari, reporter ng dxCP sa General Santos City, Pebrero 15; Rey Bancairin, radio commentator ng dxLL sa Zamboanga City, Marso 30; Nelson Catipay, correspondent ng dxMY sa Cotabato City, Abril 19; at ang huli ay si Danny Llasos ng Radio Agong sa Bacolod City, Mayo 12, 1998.

Bakit nangyayari sa kanila ito? Dahil marami silang nasagasaan? Dahil marami silang alam na baho, sekreto at anomalya na maaaring ibulgar nila balang araw? Hindi ba't mas kailangan natin silang papurihan dahil karamihan sa kanila'y napatay dahil sa kanilang krusada laban sa krimen, droga, at iba pang masasamang impluwensiya sa ating bayan?

Hindi naman sila basta-basta magtatahi ng istorya dahil may batas tayo sa libelo. Kung may tatamaan, magsampa lang dapat ng libelo laban sa reporter. Mas madali ito at magkakapera pa sila kung makukulong ang reporter. At malilinis ang nasira nilang pangalan. Pero dahil may bahid ng katotohanan ang mga ibinulgar, pinapatay ang mga reporter upang hindi na lalong lumala ang pagbibisto sa mga bahong inilantad.

Noong sumusulat pa ako sa The Featinean, opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng FEATI University, ang pangalan ng aking kolum ay LINKS. Kuha ito sa pangalan ng isang magasin sa abroad na karamihan ay tumatalakay sa kaisipan o ideya tungkol sa mga rebolusyong inilulunsad ng iba't ibang isyu. Itinuloy ko ito sa dyaryo ng YWAP (Young Writers Assembly of the Philippines), ang The Fourth Estate, at sa environmental gazette na Greenlinks. Pero ito'y maliliit na pahayagan na may depinido at direktang mambabasa. Kung saka-sakali na ako'y palaring magkaroon ng isang kolum sa isang popular at pang-araw-araw na pahayagan, mas trip kong gamitin ang Sunday Punch. Ito'y hindi dahil sa ako'y nanggagaya kundi ito'y ginamit na ng matitinding dyornalista. At isang pagpapatuloy ito ng kanilang kampanya laban sa masasamang elemento sa lipunan at kapital. Kung nabulid sila sa dilim ng gabi, dapat may magpatuloy sa kanilang mga nasimulan.

Pero syempre, ayaw nating matulad sa nangyari sa kanila. Maaaring may magsabing, "Huwag mong gamitin ang Sunday Punch dahil masama ang nangyayari sa gumagamit." Hindi ako naniniwala. Dahil hindi naman ang salitang iyan ang naging dahilan kaya sila pinatay. At lalong hindi ako naniniwala sa sumpa o sa pamahiin dahil wala itong syentipikong basihan. Labag sa mga pinag-aralan ko sa historical materialism at dialectics.

Noong itinayo namin ang Young Writers Assembly of the Philippines (YWAP), ang unang pangalan ng aming dyaryo ay Hard Puncher ngunit napalitan ito ng The Fourth Estate. Nakapaglabas kami ng limang isyu nito.

Maraming dyornalista sa ating bansa pero iilan lang ang birador. 'Yong matitinding pumuna na nanunuot sa kalamnan. 'Yong mga matitinding maglantad ng katotohanan. Sa totoo lang, kailangan natin ng mas maraming dyornalistang birador dahil napakaraming dapat banatan at dapat ayusing mga problema.

Pero hindi ibig sabihin na pag birador ka, marami kang sinasagasaan nang wala namang kongkretong basihan. Kailangan, kayang panindigan ang lahat ng sinasabi o sinusulat. Kailangan, gaya ng isang boy scout, laging handa. Sa isang digmaan, paano bibira kung ang baril ay walang bala? Kung may bala pero kakaunti, hindi sapat sa isang matagalang labanan.

Kailangan natin ng mga dyornalistang walang takot magpahayag ng katotohanan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento