Huwebes, Mayo 28, 2009

Ang Karapatan Natin sa Sapat na Pabahay

ANG KARAPATAN NATIN SA SAPAT NA PABAHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napakahalaga para sa bawat tao o bawat pamilya na magkaroon ng sapat na paninirahan. Paninirahang hindi siya maiirita, kundi tahanang siya o sila'y masaya. Ngunit sa maralita, lalo na sa mga lugar ng iskwater, maraming demolisyon ang nagaganap; maraming maralita ang nawawalan ng tahanan. Ngunit kasalanan ba ng mga maralita na tumira sila sa barung-barong, gayong dahil sa kahirapan ay yaon lamang ang kanilang kaya?

Marami sa maralitang dinemolis at dinala sa relokasyon ang hindi naman talaga nabibigyan ng sapat na pabahay, ayon sa negosasyon sa kanila bago sila idemolis, bagamat marami talaga sa kanila ang sapilitang tinanggalan ng bahay. Bahala na ang maralita sa erya ng relokasyon pagdating sa pabahay. Ang matindi pa ay ang pagiging negosyo ng pabahay, imbes na serbisyo. Patunay dito ang tinatawag na escalating scheme of payment na kasunduan para sa pabahay, na hindi naman kaya ng mga maralita. Ngunit ano ba ang batayan natin para masabi nating sapat na ang pabahay?

May batayan para sa maayos at sapat na pabahay na binabanggit sa dokumento mismo ng UN Committee on Economic, Social and Cultural Rights (ESCR). Ito'y nakasaad mismo sa General Comment No. 4 (1991) at General Comment No. 7 (1997) ng nasabing komite. Tinalakay din ito sa Fact Sheet 21 na may pamagat na "The Human Right to Adequate Housing" bilang bahagi ng World Campaign for Human Rights.

Unahin muna natin ang GC4, na tumatalakay sa pitong sangkap upang tiyakin ang karapatan sa sapat na pabahay.

1. Ligal na Seguridad sa Paninirahan (legal security of tenure) - isa itong legal na anyo ng proteksyon na magtitiyak sa paninirahan ng mamamayan sa kanilang tahanan at komunidad;

2. Matatamong serbisyo, materyales at imprastraktura (availability of services, materials and infrastructure) - madaling maabot ang likas-yaman, ligtas na inuming tubig, gas sa pagluluto, kuryente, sanitasyon at labahan, tinggalan ng pagkain, tapunan ng dumi at mga serbisyong agarang kailangan (emergency services);

3. Kayang-kayang matamong paninirahan (affordable housing) - hindi dapat magamit sa gastusin sa pagpapagawa at pagpapayos ng bahay ang salaping nakalaan na para sa pagkain, edukasyon at pananamit;

4. Bahay na matitirahan (habitable housing) - ang bahay ay may sapat na espasyo. maluwag para sa titira, may bentilasyon, at yari sa matitibay na materyales na magtitiyak na ang mga titira sa bahay na iyon ay madedepensahan laban sa lamig, init, hamog, ulan, hangin, o anumang banta sa kalusugan, mapanganib na istruktura at sakit;

5. Kayang puntahang pabahay (accessible housing) - madaling puntahan ang lugar at unahin sa mga proyektong pabahay ang mga biktima ng kalamidad, mga may kapansanan, at iba pa;

6. Lokasyon (location) - ang pabahay ay dapat malapit sa lugar ng trabaho at mga serbisyong panlipunan tulad ng eskwelahan, palengke, ospital, libangan, libingan, at iba pa;

7. Sapat na pangkulturang pabahay (culturally adequate housing) - ang disenyo ng pabahay ay dapat na may paggalang sa identidad o kultura ng mga naninirahan, halimbawa'y tribung lumad, muslim o kristyano.

Ayon naman sa Seksyon 10 ng General Comment No. 7, hingil sa forced eviction: "Ang mga kababaihan, kabataan, matatanda, lumad, at iba pang indibidwal o grupo ay nagdurusa sa mga gawaing pwersahang ebiksyon. Pangunahing tinatamaan ang kababaihan sa lahat ng grupo at nakakaranas sila ng iba't ibang uri ng diskriminasyon, at sila'y bulnerable sa karahasan at abusong sekswal kung sila'y nawawalan ng tahanan."

Sa Seksyon 15 ng GC7 ay binabanggit ang ilang gabay para matiyak na hindi nasasagkaan ang karapatang pantao sakaling may forced eviction:

1. Oportunidad na magkaroon ng tunay na konsultasyon sa mga apektado;

2. Sapat at makatwirang abiso sa lahat ng mga tao hinggil sa petsa ng ebiksyon;

3. Impormasyon hinggil sa ebiksyon, at kung saan gagamitin ang lupa o bahay na tatanggalin, na dapat na malaman ng mga apektado sa sapat na panahon;

4. Dapat na may opisyal o kinatawan ng gobyerno na naroroon mismo sa panahon ng ebiksyon;

5. Lahat ng mga taong magsasagawa ng ebiksyon ay dapat na sapat ang pagkakakilanlan;

6. Hindi dapat isagawa ang ebiksyon kapag masama ang lagay ng panahon o sa gabi, maliban na lamang kung umaayon ang mga apektado;

7. Pagkakaroon ng mga legal na remedyo;

8. Kung posible, pagbibigay ng tulong legal sa mga taong nangangailangan nito at naghahanap ng tulong mula sa korte.

Dapat na makatao ang mga nagdedemolis o mismong oryentasyon ng gobyerno hingil sa demolisyon at ebiksyon. Dahil ang mga maralita ay tao din, at hindi hayop na basta na lamang tatanggalan ng tirahan.

Lunes, Mayo 11, 2009

Ang Pagpaslang kay Gat Andres Bonifacio

ANG PAGPASLANG KAY GAT ANDRES BONIFACIO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Masaklap ang pagkakapaslang kay Gat Andres Bonifacio. Malinaw na inilarawan ni Heneral Artemio Ricarte ang mga pangyayari hinggil sa pagpaslang kay Gat Andres Bonifacio ng mga tauhan ni Emilio Aguinaldo noong Mayo 10, 1897 sa Bundok Buntis, sa bayan ng Maragondon, sa lalawigan ng Kabite.

“Si Koronel Bonzon ang bumaril ng rebolber kay G. Andres Bonifacio na ipinagkasugat nito sa kaliwang bisig. Dumaluhong din noon si Koronel Pawa kay G. Andres Bonifacio at ito'y sinaksak ng sundang sa gawing kanan ng liig. Nang anyong bibigyan ulit ng isa pang saksak si G. Bonifacio ay siyang pagdaluhong kay Pawa ni G. Alejandro Santiago na nagsabing: 'Ako ang patayin ninyo, huwag iyan!' Noon din ay inilagay si G. Andres Bonifacio sa isang duyan at dinalang bihag sa Indang, pati ng kapatid na Procopio na nagagapus ng buong higpit; kasama ring bihag sina GG. Francisco Carreon, Arsenio Mauricio, isang binatang nag-aaral pa na nagngangalang Leon Novenario, na naging Kapitan Ayudante't Kalihim ni Vibora at iba pang di ko na matatandaan ang mga panga-pangalan. Ang lahat ng nabihag, matangi kay G. Andres Bonifacio at kapatid nitong si G. Procopio, ay pinagpipiit sa bilangguang madilim at di binigyan ng pagkain, kundi makalawa lamang sa loob ng tatlong araw na ikinabilanggo nila. Ang Konsehong inilagay upang magsiyasat, tunkol sa mga pagkakasalang ibinubuhat kay G. Andres Bonifacio at sa kapatid nitong si G. Procopio, ay humatol ng parusang kamatayan sa magkapatid.”

Iyan ang testimonya ni Heneral Artemio Ricarte sa sinapit ni Gat Andres Bonifacio. Matatagpuan iyan sa pahina 71 ng kanyang aklat na Himagsikan ng mga Pilipino Laban sa Kastila, na nalathala noong 1927 sa Yokohama, Japan.

May mga paratang laban sa pangkat nina Bonifacio na nasa nayon ng Limbon, sa Indang, Cavite nang panahong iyon. Dahil dito'y agad ipinadala ni Heneral Emilio Aguinaldo sina Koronel Agapito Bonzon at Jose Pawa, kasama ang kani-kanilang mga tauhan. Ayon sa ulat ni Ricarte: “Kinabukasan ng umaga, ang mga kawal ni G. Andres Bonifacio na noo'y nakabantay sa daan ng nayong Limbon, ay nilusob na't sukat ng pangkat ng nagsibalik doong mga Koronel Bonzon at Pawa at agad nilang napatay ang matandang kapatid ng Supremo na si G. Ciriaco Bonifacio, at pagkatapus ay hinandulong na nila ang mga kasamang kawal ng namatay, hanggang sa mangahuli at maalisan silang lahat ng sandata. Pagkarinig sa putukan, si G. A. Bonifacio at isa pang kapatid niyang si G. Procopio, saka ang mga kasamang G. Alejandro Santiago, G. Francisco Carreon, G. Apolonio Samson, G. Antonino Guevara at iba pa, ay nagsidalo sa pook na pinangyayarihan ng gulo; ngunit bahagya pa silang nakalalapit, ay sinagupa na sila nina Bonzon at Pawa.” 
Dagdag pa ni Ricarte sa kanyang ulat: “Pagkabaril sa magkapatid na G. Andres Bonifacio at G. Procopio Bonifacio. - Nang ang Republika Pilipina ay nahihimpil na sa mga bundok na lalong masukal at tago sa pag-itan ng Maragundong at Look, pook na pinamamagatang Buntis, si G. Emilio Aguinaldo ay nagpasya na ng pagpapabaril sa dalawang magkapatid na nasabi na, upang lubusan nang mawala, marahil, ang sa boong tapang at lagablab ng pag-ibig sa bayang tinubuan, ay tinatag niya ang K. K. K. ng mga A. N. B. na siyang lumikha ng dakilang tungkuling sa gahasa'y inangkin niya (Aguinaldo). Inuna muna ang Procopio at pagkatapus ang Andres, na dahil sa kanyang mga sugat ay lupaypay na ang katawan, kaya't dinalang nakaduyan sa pook na pinagbarilan, isang oras muna sa kanyang kapatid, ng mga Koronel ding Bonzon at Pawa (“Koronel Lazaro Makapagal”), na gaya ng maalaala'y silang nagsilusob sa pangkat nina Bonifacio sa nayon ng Limbon, Indang. At sa ganitong paraan tinapus ang buhay niyaong bayaning humamak sa mga kapanganiban, at nagtatag ng K. K. K. ng mga Anak ng Bayan; niyaong taong nagturo sa bayang Pilipino ng tunay na landas, upang maibulid ang pangaalipin ng mga dayuhan; niyong, kailan ma't kausap ng kanyang mga kabig, ay lagi nang nilalabasan sa bibig ng mga ganitong pangungusap: “Pagsikapan ninyong huwag makagawi ng mga pagkakasalang makadudungis sa inyong mga pangalan.” “Matakot kayo sa Kasaysayan (Historia), na siyang di mapagkakailaan ng inyong mga kagagawan.” (Ibid. pahina 75-76)

Idinagdag pa ni Ricarte na may isinulat hinggil dito si Apolinario Mabini, na idinugtong niya sa kanyang ulat. Ayon kay Mabini, sa Kabanata VIII ng kanyang aklat na Ang Himagsikan ng Bayang Pilipino: “Sa inasal na ito ni G. Emilio Aguinaldo, ang manunuligsang kasaysayan, ay di makakakita ng anomang katwirang sukat makapagtakip o makabawas man lamang sa kanyang sagutin. Si Andres Bonifacio ay di huli sa pinag-aralan sa sino man sa mga napahalal sa naturang pagpupulong, at tangi sa rito'y nagpakilala ng talino at lakas loob na di pangkaraniwan sa pagtatatag niya ng Katipunan. Ang lahat ng mga naghalal ay kaibigan ni G. Emilio Aguinaldo at ni G. Mariano Trias na noon ay nangagkakaisa, samantalang si Bonifacio ay tinitingnan nila ng may hinalang tingin, gayon nakapagpakilala na ng isang kaasalang malinis at pusong buo, at ito'y dahil lamang sa siya'y hindi tubo sa Kabite; ito ang sanhi ng kanyang pagdaramdam. Gayon pa man, ang pagdaramdam niya'y hindi ipinakita sa isang magahasang paraan ng pagsalungat, at ang katunayan, nang makita niyang walang sinomang nagmamalasakit sa ikapagkakasundo ng lahat, ay nagkasya na lamang siya sa pag-alis sa lalawigan tungong San Mateo na kasama ang kanyang mga kapatid. Kung pag-iisiping si G. Aguinaldo ang una-unang dapat managot sa di niya pagsunod at sa di pagkilala sa naturang pinuno ng Katipunan na kanya ring kinaaniban; kung pagbubulay-bulaying ang pagkakasundo ng lahat ay siyang tanging angkop na lunas sa mapanganib na kalagayan noon ng Panghihimagsik, ang dahil at layon ng pagpatay, ay di maikakait na bunga ng mga damdaming nakasisirang totoo ng puri sa Panghihimagsik; sa paano't paano man, ang gayong katampalasanan, ay siyang masabing unang tagumpay ng kasakiman ng isang tao laban sa tunay na pag-ibig sa bayan.”

At sa Kabanata X nama’y sinulat ni Mabini: “Ang pagkamatay ni Andres Bonifacio ay nagpakilalang maliwanag na si G. Emilio Aguinaldo ay may isang walang habas na kasakiman sa kapangyarihan.” Aniya pa, “Sa buong sabi, ang Paghihimagsik ay nabigo pagkat nagkaroon ng masamang pamamatnugot; pagkat nakuha ng tagapamatnugot ang kanyang tungkulin, hindi sa pamamag-itan ng mga gawaing kapuri-puri, kungdi sa mga gawang kalait-lait; pagkat sa halip na tulungan niya ang mga taong lalong may magagawa sa bayan, dahil lamang sa paninibugho, ay lalo pang sinugpo niya. Sa pagkalango sa kadakilaan ng sarili, ay di na pinahalagahan ang mga tao nang ayon sa kanilang kakayahan, katibayang-loob at pag-ibig sa bayan. Dahil sa ganitong paghamak niya sa bayan, siya'y iniwan ng bayan naman; at sapagkat siya’y iniwan nito, wala na siyang hangganan kungdi ang pagkabulid na gaya ng nangyari sa isang pagkit na diyus-diyusan na nilusaw ng init ng kasawiang-palad. Harinangang tayo'y huwag makalimot sa kakila-kilabot na aral na iyang ating natutuhan sa likod ng mga di maulatang pagtitiis na yaon.”

Linggo, Mayo 3, 2009

Ang Daigdigang Araw sa Kalayaan sa Pamamahayag

ANG DAIGDIGANG ARAW SA KALAYAAN SA PAMAMAHAYAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nuong 1991, inirekomenda ng Pangkalahatang Kumperensya ng UNESCO sa United Nations General Assembly na iproklama ang Mayo 3 bilang Pandaigdigang Araw ng Kalayaan sa Pamamahayag sa kumbensyon ng African Press sa Windhoek, Namibia nuong Abril 19 hanggang Mayo 3, 1991. Ito'y sinang-ayunan ng mga dumalo. Ang mga nagsidalo ay mula pa sa 35 bansa sa Aprika at mga NGO. Dumalo sila sa Windhoek upang talakayin ang tungkol sa kalayaan sa pamamahayag at pananalita, kasarinlan at media pluralism. Tinalakay din nila ang mga pagkakapaslang, panggigipit at pambabastos sa mga mamamahayag at nagpahayag ng inabilidad ng ilang gobyerno na resolbahin ang mga krimen laban sa mga mamamahayag.

Ngayong taon, umaabot na sa walumpu't anim na Pilipinong mamamahayag ang napapaslang, ayon sa ulat ng Philippine Movement for Press Freedom (PMPF), alyansa ng mahigit limampung media-based organization sa buong bansa. Nuong nakaraang taon, apat na mamamahayag ang napaslang sa loob ng apat na magkakasunod na buwan. Nitong nakaraang Enero 21, binaril at napatay si Bienvenido "Benjie" Dasal, reporter ng Radio Mindanao Network. Sa kabuuan, isang mamamahayag na ang napaslang sa panahon ni Estrada; labingsiyam (19) sa panahon ni FVR; tatlumpu't apat (34) sa panahon ni Cory; at tatlumpu't dalawa naman sa panahon ni Marcos. Ang rekord sa panahon ni Marcos ay ulat mula sa Asosasyon ng mga Komentarista at Anawnser sa Pilipinas (AKAP). Walang nasaliksik na record tungkol sa mga napaslang na mamamahayag bago sa panahon ni Marcos, maliban kay Ermin Garcia ng dyaryong Sunday Punch sa Dagupan, Pangasinan na pinaslang nuong late 60s.

Sa mga pamantasan, marami na ring naisarang mga dyaryong pangkampus. Ang mga kasong ito'y katatangian ng harassment sa mga campus journalists, censorship at marami pang iba. Ang ilan sa mga ito ay ang publikasyong Chi Rho ng Miriam College dahil sa kanilang koleksyon ng mga tula na may pamagat na "Libog at Iba Pang Tula", at ang publikasyong Hotline ng St. Louis University sa Baguio City dahil sa pakikibaka nila laban sa tuition fee increases.

Ang kalayaan sa pamamahayag ay dapat tamasahin ninuman, dahil ito ang isinasaad ng ating Konstitusyon at pundasyon ng demokrasya. Kung walang kalayaan sa pamamahayag, hindi rin tayo malaya, dahil hindi natin maipahayag ang ating nasasaisip at nararamdaman. Kahit ang apat na sulok ng paaralan ay hindi dapat maging sagwil upang kilalanin at igalang ang kalayaan sa pamamahayag. Ang "press freedom" ay tinatamasa lamang ng mga mayayaman. Buti pa ang karamihan ng dyaryo, nagbibigay ng malaking espasyo ng balita tungkol sa mga artista kahit wala namang kabuhay-buhay, pero wala namang maibigay na espasyo tungkol sa pakikibaka ng mamamayan. Kung may espasyo man, ito'y pampalubag-loob sa mga mahihirap. Isa sa mga bumaboy ng press freedom ay ang pamilyang Gokongwei, may-ari ng Manila Times, kung saan anim na editor nito ang nag-resign. Ang pamamahayag at ang kalayaan sa pamamahayag ay responsibilidad ng mga dyornalista, at hindi isang linya lamang ng gawaing dapat pagkakitaan. Ang nangyari sa Manila Times ay isang patunay na walang pakialam ang mga kapitalista sa press freedom ng ating bansa. Ang mga balitang inihahatid ng mga dyornalista sa mga mamamayan ay hindi na isang responsibilidad, kundi isa nang ngosyo na kailangang pagtubuan.

Sa darating na Mayo 3, tayo'y magsama-sama't ating ipahayag na ang tunay na kalayaan sa pamamahayag ay hindi natin tinatamasa sa sistema ng lipunan na kasalukuyang umiiral sa bansa. Ating ipahayag sa Pandaigdigang Araw ng Kalayaan sa Pamamahayag ang ating pagkkaisa laban sa mapanlinlang na sistema. Huwag nating hayaang babuyin ng mga kapitalista ang ating kalayaan sa pamamahayag.

- Maypagasa magazine, 1999