ANG DAIGDIGANG ARAW SA KALAYAAN SA PAMAMAHAYAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nuong 1991, inirekomenda ng Pangkalahatang Kumperensya ng UNESCO sa United Nations General Assembly na iproklama ang Mayo 3 bilang Pandaigdigang Araw ng Kalayaan sa Pamamahayag sa kumbensyon ng African Press sa Windhoek, Namibia nuong Abril 19 hanggang Mayo 3, 1991. Ito'y sinang-ayunan ng mga dumalo. Ang mga nagsidalo ay mula pa sa 35 bansa sa Aprika at mga NGO. Dumalo sila sa Windhoek upang talakayin ang tungkol sa kalayaan sa pamamahayag at pananalita, kasarinlan at media pluralism. Tinalakay din nila ang mga pagkakapaslang, panggigipit at pambabastos sa mga mamamahayag at nagpahayag ng inabilidad ng ilang gobyerno na resolbahin ang mga krimen laban sa mga mamamahayag.
Ngayong taon, umaabot na sa walumpu't anim na Pilipinong mamamahayag ang napapaslang, ayon sa ulat ng Philippine Movement for Press Freedom (PMPF), alyansa ng mahigit limampung media-based organization sa buong bansa. Nuong nakaraang taon, apat na mamamahayag ang napaslang sa loob ng apat na magkakasunod na buwan. Nitong nakaraang Enero 21, binaril at napatay si Bienvenido "Benjie" Dasal, reporter ng Radio Mindanao Network. Sa kabuuan, isang mamamahayag na ang napaslang sa panahon ni Estrada; labingsiyam (19) sa panahon ni FVR; tatlumpu't apat (34) sa panahon ni Cory; at tatlumpu't dalawa naman sa panahon ni Marcos. Ang rekord sa panahon ni Marcos ay ulat mula sa Asosasyon ng mga Komentarista at Anawnser sa Pilipinas (AKAP). Walang nasaliksik na record tungkol sa mga napaslang na mamamahayag bago sa panahon ni Marcos, maliban kay Ermin Garcia ng dyaryong Sunday Punch sa Dagupan, Pangasinan na pinaslang nuong late 60s.
Sa mga pamantasan, marami na ring naisarang mga dyaryong pangkampus. Ang mga kasong ito'y katatangian ng harassment sa mga campus journalists, censorship at marami pang iba. Ang ilan sa mga ito ay ang publikasyong Chi Rho ng Miriam College dahil sa kanilang koleksyon ng mga tula na may pamagat na "Libog at Iba Pang Tula", at ang publikasyong Hotline ng St. Louis University sa Baguio City dahil sa pakikibaka nila laban sa tuition fee increases.
Ang kalayaan sa pamamahayag ay dapat tamasahin ninuman, dahil ito ang isinasaad ng ating Konstitusyon at pundasyon ng demokrasya. Kung walang kalayaan sa pamamahayag, hindi rin tayo malaya, dahil hindi natin maipahayag ang ating nasasaisip at nararamdaman. Kahit ang apat na sulok ng paaralan ay hindi dapat maging sagwil upang kilalanin at igalang ang kalayaan sa pamamahayag. Ang "press freedom" ay tinatamasa lamang ng mga mayayaman. Buti pa ang karamihan ng dyaryo, nagbibigay ng malaking espasyo ng balita tungkol sa mga artista kahit wala namang kabuhay-buhay, pero wala namang maibigay na espasyo tungkol sa pakikibaka ng mamamayan. Kung may espasyo man, ito'y pampalubag-loob sa mga mahihirap. Isa sa mga bumaboy ng press freedom ay ang pamilyang Gokongwei, may-ari ng Manila Times, kung saan anim na editor nito ang nag-resign. Ang pamamahayag at ang kalayaan sa pamamahayag ay responsibilidad ng mga dyornalista, at hindi isang linya lamang ng gawaing dapat pagkakitaan. Ang nangyari sa Manila Times ay isang patunay na walang pakialam ang mga kapitalista sa press freedom ng ating bansa. Ang mga balitang inihahatid ng mga dyornalista sa mga mamamayan ay hindi na isang responsibilidad, kundi isa nang ngosyo na kailangang pagtubuan.
Sa darating na Mayo 3, tayo'y magsama-sama't ating ipahayag na ang tunay na kalayaan sa pamamahayag ay hindi natin tinatamasa sa sistema ng lipunan na kasalukuyang umiiral sa bansa. Ating ipahayag sa Pandaigdigang Araw ng Kalayaan sa Pamamahayag ang ating pagkkaisa laban sa mapanlinlang na sistema. Huwag nating hayaang babuyin ng mga kapitalista ang ating kalayaan sa pamamahayag.
- Maypagasa magazine, 1999
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento