Lunes, Mayo 11, 2009

Ang Pagpaslang kay Gat Andres Bonifacio

ANG PAGPASLANG KAY GAT ANDRES BONIFACIO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Masaklap ang pagkakapaslang kay Gat Andres Bonifacio. Malinaw na inilarawan ni Heneral Artemio Ricarte ang mga pangyayari hinggil sa pagpaslang kay Gat Andres Bonifacio ng mga tauhan ni Emilio Aguinaldo noong Mayo 10, 1897 sa Bundok Buntis, sa bayan ng Maragondon, sa lalawigan ng Kabite.

“Si Koronel Bonzon ang bumaril ng rebolber kay G. Andres Bonifacio na ipinagkasugat nito sa kaliwang bisig. Dumaluhong din noon si Koronel Pawa kay G. Andres Bonifacio at ito'y sinaksak ng sundang sa gawing kanan ng liig. Nang anyong bibigyan ulit ng isa pang saksak si G. Bonifacio ay siyang pagdaluhong kay Pawa ni G. Alejandro Santiago na nagsabing: 'Ako ang patayin ninyo, huwag iyan!' Noon din ay inilagay si G. Andres Bonifacio sa isang duyan at dinalang bihag sa Indang, pati ng kapatid na Procopio na nagagapus ng buong higpit; kasama ring bihag sina GG. Francisco Carreon, Arsenio Mauricio, isang binatang nag-aaral pa na nagngangalang Leon Novenario, na naging Kapitan Ayudante't Kalihim ni Vibora at iba pang di ko na matatandaan ang mga panga-pangalan. Ang lahat ng nabihag, matangi kay G. Andres Bonifacio at kapatid nitong si G. Procopio, ay pinagpipiit sa bilangguang madilim at di binigyan ng pagkain, kundi makalawa lamang sa loob ng tatlong araw na ikinabilanggo nila. Ang Konsehong inilagay upang magsiyasat, tunkol sa mga pagkakasalang ibinubuhat kay G. Andres Bonifacio at sa kapatid nitong si G. Procopio, ay humatol ng parusang kamatayan sa magkapatid.”

Iyan ang testimonya ni Heneral Artemio Ricarte sa sinapit ni Gat Andres Bonifacio. Matatagpuan iyan sa pahina 71 ng kanyang aklat na Himagsikan ng mga Pilipino Laban sa Kastila, na nalathala noong 1927 sa Yokohama, Japan.

May mga paratang laban sa pangkat nina Bonifacio na nasa nayon ng Limbon, sa Indang, Cavite nang panahong iyon. Dahil dito'y agad ipinadala ni Heneral Emilio Aguinaldo sina Koronel Agapito Bonzon at Jose Pawa, kasama ang kani-kanilang mga tauhan. Ayon sa ulat ni Ricarte: “Kinabukasan ng umaga, ang mga kawal ni G. Andres Bonifacio na noo'y nakabantay sa daan ng nayong Limbon, ay nilusob na't sukat ng pangkat ng nagsibalik doong mga Koronel Bonzon at Pawa at agad nilang napatay ang matandang kapatid ng Supremo na si G. Ciriaco Bonifacio, at pagkatapus ay hinandulong na nila ang mga kasamang kawal ng namatay, hanggang sa mangahuli at maalisan silang lahat ng sandata. Pagkarinig sa putukan, si G. A. Bonifacio at isa pang kapatid niyang si G. Procopio, saka ang mga kasamang G. Alejandro Santiago, G. Francisco Carreon, G. Apolonio Samson, G. Antonino Guevara at iba pa, ay nagsidalo sa pook na pinangyayarihan ng gulo; ngunit bahagya pa silang nakalalapit, ay sinagupa na sila nina Bonzon at Pawa.” 
Dagdag pa ni Ricarte sa kanyang ulat: “Pagkabaril sa magkapatid na G. Andres Bonifacio at G. Procopio Bonifacio. - Nang ang Republika Pilipina ay nahihimpil na sa mga bundok na lalong masukal at tago sa pag-itan ng Maragundong at Look, pook na pinamamagatang Buntis, si G. Emilio Aguinaldo ay nagpasya na ng pagpapabaril sa dalawang magkapatid na nasabi na, upang lubusan nang mawala, marahil, ang sa boong tapang at lagablab ng pag-ibig sa bayang tinubuan, ay tinatag niya ang K. K. K. ng mga A. N. B. na siyang lumikha ng dakilang tungkuling sa gahasa'y inangkin niya (Aguinaldo). Inuna muna ang Procopio at pagkatapus ang Andres, na dahil sa kanyang mga sugat ay lupaypay na ang katawan, kaya't dinalang nakaduyan sa pook na pinagbarilan, isang oras muna sa kanyang kapatid, ng mga Koronel ding Bonzon at Pawa (“Koronel Lazaro Makapagal”), na gaya ng maalaala'y silang nagsilusob sa pangkat nina Bonifacio sa nayon ng Limbon, Indang. At sa ganitong paraan tinapus ang buhay niyaong bayaning humamak sa mga kapanganiban, at nagtatag ng K. K. K. ng mga Anak ng Bayan; niyaong taong nagturo sa bayang Pilipino ng tunay na landas, upang maibulid ang pangaalipin ng mga dayuhan; niyong, kailan ma't kausap ng kanyang mga kabig, ay lagi nang nilalabasan sa bibig ng mga ganitong pangungusap: “Pagsikapan ninyong huwag makagawi ng mga pagkakasalang makadudungis sa inyong mga pangalan.” “Matakot kayo sa Kasaysayan (Historia), na siyang di mapagkakailaan ng inyong mga kagagawan.” (Ibid. pahina 75-76)

Idinagdag pa ni Ricarte na may isinulat hinggil dito si Apolinario Mabini, na idinugtong niya sa kanyang ulat. Ayon kay Mabini, sa Kabanata VIII ng kanyang aklat na Ang Himagsikan ng Bayang Pilipino: “Sa inasal na ito ni G. Emilio Aguinaldo, ang manunuligsang kasaysayan, ay di makakakita ng anomang katwirang sukat makapagtakip o makabawas man lamang sa kanyang sagutin. Si Andres Bonifacio ay di huli sa pinag-aralan sa sino man sa mga napahalal sa naturang pagpupulong, at tangi sa rito'y nagpakilala ng talino at lakas loob na di pangkaraniwan sa pagtatatag niya ng Katipunan. Ang lahat ng mga naghalal ay kaibigan ni G. Emilio Aguinaldo at ni G. Mariano Trias na noon ay nangagkakaisa, samantalang si Bonifacio ay tinitingnan nila ng may hinalang tingin, gayon nakapagpakilala na ng isang kaasalang malinis at pusong buo, at ito'y dahil lamang sa siya'y hindi tubo sa Kabite; ito ang sanhi ng kanyang pagdaramdam. Gayon pa man, ang pagdaramdam niya'y hindi ipinakita sa isang magahasang paraan ng pagsalungat, at ang katunayan, nang makita niyang walang sinomang nagmamalasakit sa ikapagkakasundo ng lahat, ay nagkasya na lamang siya sa pag-alis sa lalawigan tungong San Mateo na kasama ang kanyang mga kapatid. Kung pag-iisiping si G. Aguinaldo ang una-unang dapat managot sa di niya pagsunod at sa di pagkilala sa naturang pinuno ng Katipunan na kanya ring kinaaniban; kung pagbubulay-bulaying ang pagkakasundo ng lahat ay siyang tanging angkop na lunas sa mapanganib na kalagayan noon ng Panghihimagsik, ang dahil at layon ng pagpatay, ay di maikakait na bunga ng mga damdaming nakasisirang totoo ng puri sa Panghihimagsik; sa paano't paano man, ang gayong katampalasanan, ay siyang masabing unang tagumpay ng kasakiman ng isang tao laban sa tunay na pag-ibig sa bayan.”

At sa Kabanata X nama’y sinulat ni Mabini: “Ang pagkamatay ni Andres Bonifacio ay nagpakilalang maliwanag na si G. Emilio Aguinaldo ay may isang walang habas na kasakiman sa kapangyarihan.” Aniya pa, “Sa buong sabi, ang Paghihimagsik ay nabigo pagkat nagkaroon ng masamang pamamatnugot; pagkat nakuha ng tagapamatnugot ang kanyang tungkulin, hindi sa pamamag-itan ng mga gawaing kapuri-puri, kungdi sa mga gawang kalait-lait; pagkat sa halip na tulungan niya ang mga taong lalong may magagawa sa bayan, dahil lamang sa paninibugho, ay lalo pang sinugpo niya. Sa pagkalango sa kadakilaan ng sarili, ay di na pinahalagahan ang mga tao nang ayon sa kanilang kakayahan, katibayang-loob at pag-ibig sa bayan. Dahil sa ganitong paghamak niya sa bayan, siya'y iniwan ng bayan naman; at sapagkat siya’y iniwan nito, wala na siyang hangganan kungdi ang pagkabulid na gaya ng nangyari sa isang pagkit na diyus-diyusan na nilusaw ng init ng kasawiang-palad. Harinangang tayo'y huwag makalimot sa kakila-kilabot na aral na iyang ating natutuhan sa likod ng mga di maulatang pagtitiis na yaon.”

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento