Biyernes, Enero 3, 2014

Pagpupugay sa ika-50 anibersaryo ng "Mga Agos sa Disyerto" (1964-2014)

PAGPUPUGAY SA IKA-50 ANIBERSARYO NG "MGA AGOS SA DISYERTO" (1964-2014)
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pagpupugay sa ikalimampung anibersaryo ng "Mga Agos sa Disyerto" ngayong 2014. Ang "Mga Agos sa Disyerto" ay isang aklat na kalipunan ng mga maikling kwento ng limang magkakaibigang manunulat sa wikang Filipino na nalathala noong 1964.

Binago ng grupong Mga Agos sa Disyerto ang panitikang Pilipino nang pinaksa nila sa kanilang mga akda ang buhay ng karaniwang tao, lalo na ang mga manggagawa, magsasaka, maralita, kababaihan, at kabataan. Sa usapin ng uring manggagawa, nariyan ang mga kwentong "Mga Aso sa Lagarian" at "Makina" ni Dominador Mirasol, "Dugo ni Juan Lazaro" at "Buhawi" ni Rogelio Ordoñez, at “Daang Bakal” ni Edgardo M. Reyes. Sa paksa ng magsasaka, nariyan ang kwentong "Tata Selo" ni Rogelio Sikat, "Lugmok na ang Nayon" ni Edgardo Reyes, at "Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya" ni Rogelio Ordoñez. Sa paksang maralita, nariyan ang "Impeng Negro" ni Rogelio Sikat, na siyang una kong nabasa nang ako'y nasa high school pa. Sa usaping kababaihan, nariyan ang "Ang Lungsod ay Isang Dagat" ni Efren Abueg, "Isang Ina sa Panahon ng Trahedya" ni Dominador Mirasol, at "Ang Gilingang-Bato" ni Edgardo Reyes. At sa usaping kabataan ay ang "Mabangis na Lungsod" ni Efren Abueg at "Di Maabot ng Kawalang Malay" ni Edgardo Reyes.

Ang limang manunulat sa unang edisyon ng "Mga Agos sa Disyerto" ay sina Efren R. Abueg, Edgardo M. Reyes, Eduardo Bautista Reyes, Rogelio L. Ordoñez, at Rogelio R. Sikat, na makikita sa pabalat ng aklat. Sa ikalawang edisyon naman ng aklat, nawala na si Eduardo Bautista Reyes at pinalitan siya ni Dominador B. Mirasol, na makikita sa pabalat ng aklat. Kaya ang bumubuo ng ikatlong edisyon ay may inisyal na AMORS batay sa kanilang apelyido (Abueg, Mirasol, Ordoñez, Reyes at Sikat). AMORS na tila plural ng puso (amor + s), (ang amor ay wikang Kastila sa puso).

Ayon sa WikiPilinas.org (http://fil.wikipilipinas.org/index.php?title=Agos_sa_Disyerto): "Ang Unang Edisyon ng antolohiya noong 1964 ay kinapapalooban lamang ng tigtatatlong maiikling katha o 15 katha nina Efren R. Abueg, Edgardo M. Reyes, Eduardo Bautista Reyes, Rogelio L. Ordoñez, at Rogelio R. Sikat. Ang Ikalawang Edisyon (1974) ng antolohiya ay kinapapalooban ng 20 katha. Sa Ikalawang Edisyon ng antolohiya ay mawawala ang mga akda at may akdang si Eduardo Bautista Reyes; siya ay mapapalitan ni Dominador B. Mirasol. Ang Ikatlo (1993) at Ikaapat (2010) na Edisyon ay kinapalooban ng 25 katha. Kakailanganin ng mas malalim na pagsusuri upang maipaliwanag ang pagbabagong naganap sa bawat edisyon."

Paano ba nalathala ang "Mga Agos sa Disyerto"? Ito ang isinulat ni Edgardo M. Reyes sa kanyang aklat na "Sa Aking Panahon: 13 Piling Katha (at Isa Pa!), pahina 60-61, kung paano nalimbag ang "Mga Agos sa Disyerto":

"Sa punto ng hanapbuhay, hindi isang magandang tiyempo ang pagpapamilya. Ibinalik ng Liwayway ang dating reglamento na hindi makatutuloy sa editoryal ang contributors, hanggang guwardiya lang. Nagkaisa naman ang buong grupo na wala munang susulat sa Liwayway hanggang hindi muling binubuksan sa amin ang pintuan ng editoryal."

"Naayos ni Efren kay Atty. Teofilo Sauco, editor ng Bulaklak (tanging magasing kakompitensya noon ng Liwayway) na makapagsulat kami roon. Isang nobela na sunurang susulatin, bawat labas, ng limang awtor. Nagpulong kami nina Eddie Bautista Reyes, Efren at ang dalawang Roger para sa tema at balangkas ng nasabing nobela. Pinamagatan namin ng Limang Suwail. Na kalaunan ay sinabing tamang-tama raw na itawag sa aming lima dahil pulos kami suwail sa Liwayway."

"Ang mismong nobela ay hindi maipagmamalaki at siguro'y dapat pang ikahiya. Ngunit sa amin ay may magandang kahulugan iyon. Sinasagisag niyon ang aming pagkakaisa at paglaban sa isang institusyon."

"Tuwing araw ng singilan, dumarating kaming lima sa opisina ng Bulaklak sa R. Hidalgo, Quiapo. Ang pera ay nalalaspag lang sa kain at toma. Hanggang sa mapag-usapan namin na mabuti yatang iukol namin sa higit na mahalaga. Napagkasunduan noon din na hindi na kami maniningil. Iipunin namin ang pera. Pag natapos ang nobela, saka namin biglang kukubrahin ang kabuuan. Para sa isang proyekto."

"Ginamit namin ang perang iyon upang mailabas ang unang edisyon ng "Mga Agos sa Disyerto".

Karamihan sa mga akda ay pawang nagawaran ng mga pagkilala bilang mahuhusay na akda. Ito'y ang mga:
(1) Mga Aso sa Lagarian, ni Dominador B. Mirasol (Unang Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 1964)
(2) Dugo ni Juan Lazaro, ni Rogelio Ordoñez (Unang Gantimpala, Gawad Kadipan 1962)
(3) Di Maabot ng Kawalang Malay, ni Edgardo M. Reyes (Pangatlong Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 1960)
(4) Emmanuel, ni Edgardo M. Reyes (Pangatlong Gantimpala, Timpalak Liwayway 1962)
(5) Tata Selo, ni Rogelio Sikat (Ikalawang Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 1963)
(6) Impeng Negro, ni Rogelio Sikat (Ikalawang Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 1962; Unang Gantimpala, Timpalak Liwayway 1962)
(7) Mabangis na Lungsod, ni Efren Abueg (Pangatlong Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 1961)
(8) Sa Bagong Paraiso, ni Efren Abueg (Pangatlong Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 1963)
(9) Mapanglaw ang Mukha ng Buwan, ni Efren Abueg (Pangatlong Gantimpala, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 1959)

Ganito rin ang isinulat ni Gng. Corazon Lalu-Santos ng Kagawaran ng Filipino ng Ateneo de Manila University sa kanyang sanaysay na "Kambal na Disyerto: Ang Kolonyal na Kanon at Komersyalismo at ang Panimulang Pagpapaagos ng Mga Agos sa Disyerto: Hindi mga “karaniwang” kuwentong limbag sa magasing komersyal ang ipapagitna ng ipinalimbag nilang koleksyon ng kanilang mga kuwento kundi mga premyado—sinuri at kinilala ng mga hurado/kritiko ng mga patimpalak na kanilang nilahukan. Sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, nanalo ang “Mga Aso sa Lagarian”, Unang Gantimpala, “Impeng Negro” at “Tata Selo”, kapwa Pangalawang Gantimpala, “Mapanglaw ang Mukha ng Buwan”, “ Di-Maabot ng Kawalang-Malay”, “Mabangis na Lunsod”, “Sa Bagong Paraiso” at “Dugo sa Ulo ni Corbo”, lahat ay pawang nagwagi ng Pangatlong Gantimpala sa iba’t ibang taon ng patimpalak. Ginawaran din ng KADIPAN ng unang gantimpala ang “Dugo ni Juan Lazaro”. Itong mga premyadong akdang ito  ang pangunahing tanda ng kanilang pagtanggi sa imaheng ikinakabit sa panitikang Pilipino at sa pamantayang kailangang tupdin upang sila ay “mapabilang”.

Ang tiglilimang katha ng limang manunulat ay ang mga sumusunod, batay sa Ikaapat na Edisyon ng Mga Agos sa Disyerto:

Efren R. Abueg:
(1) Sa Bagong Paraiso
(2) Mapanglaw ang Mukha ng Buwan
(3) Mabangis na Lungsod
(4) Dugo sa Ulo ni Corbo
(5) Ang Lungsod ay Isang Dagat

Dominador B. Mirasol:
(1) "Eli, Eli, Lama Sabachthani"
(2) Mga Aso sa Lagarian
(3) Isang Ina sa Panahon ng Trahedya
(4) Ang Biktima
(5) Makina

Rogelio L. Ordoñez:
(1) Dugo ni Juan Lazaro
(2) Buhawi
(3) Sa Piling ng mga Bituin
(4) Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya
(5) Si Anto

Edgardo M. Reyes:
(1) Di Maabot ng Kawalang-malay
(2) Lugmok na ang Nayon
(3) Emmanuel
(4) Ang Gilingang-bato
(5) Daang-bakal

Rogelio R. Sikat:
(1) Tata Selo
(2) Impeng Negro
(3) Quentin
(4) Sa Lupa ng Sariling Bayan
(5) Ang Kura at ang Agwador

Ang una at ikalawang edisyon ng aklat ay may mga Intoduksyon ng mga may-akda, ang ikatlong edisyon ay may Introduksyon ni Bienvenido Lumbera, na Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, at ang ikaapat na edisyon ay may Introduksyon naman nina Alexander Martin Remollino (SLN) at Noel Sales Barcelona. Sa ngayon, sa limang manunulat na nabanggit ay dalawa na lang ang nabubuhay - sina Abueg at Ordoñez.

Ang Mga Agos sa Disyerto ay isa nang moog sa panitikang pambansa. Hinawan nito ang landas tungo sa panitikang mulat at pagkukwento ng mga tunay na nangyayari sa buhay ng karaniwang tao. Tinalakay nila ang mga dusa't hirap, ang payak na buhay ng mga maralita, manggagawa, kabataan, mga karaniwang tao.

Ang Introduksyon sa Unang Edisyon ng Mga Agos sa Disyerto ay isang manipesto, isang paglingon sa nakalipas at pananaw sa hinaharap. Halina't baliktanawin at ating namnamin ang nilalaman ng kanilang manipesto:

"Kaming kabataang manunulat ay naninindigang may matatawag na tayong Panitikang Pilipino sa sariling wika. Iyan ay sa kabila ng masasakit na paratang na ang paniwalang ito ay bahagi lamang ng mga hibang na isip ng mga manunulat na Pilipino. Nililingon naming kabataan ang mga gawa ng mga yumaong manunulat sa wikang pambansa na kung hindi man nag-iwan ng mga akdang nakikipagtagalan sa panahon ay nagbukas naman ng landas patungo sa Lupang Pangako ng sariling panitikan."

"May nagparatang din na kung mayroon mang Panitikang Pilipino, ito naman ay 'malawak na disyerto,' na ang makikita lamang ay bungo, gapok na mga sanga ng kahoy, nangangalirang na mga damo sa tabi ng isang nauuhaw ring oasis. Ito ang kalagayan ng panitikan sa Pilipino na karaniwang pinaniniwalaan. Hindi kami naniniwala sa kadisyertuhang ito. Ang disyerto'y namamayani lamang sa bahagi ng pamayanang tumututol umunlad at nasisiyahan na lamang na ang mga paa'y nakatungtong na lagi sa alikabok at buhanginan. Ang manunulat na Pilipino, sa kabila ng mga tukso at balakid, ay nagsusumakit at umuunlad."

"Gayunman, kung may bahagi sa Panitikang Pilipino na 'disyerto,' ito'y sinisikap na 'paagusan' sa bagong anyo, ng bagong paksa, ng bagong pagpapakahulugan sa buhay, ng bagong paniniwala na inilululan sa mga kasalukuyang akda. Iyan ang layunin ng aklat na ito."

"Napapansin namin na ang mga akdang pinag-aaralan ngayon sa mga paaralan, maging sa hayskul at sa pamantasan, ay pawang sinulat bago sumapit ang 1955. Pagkaraan ng taong iyon, ang kathang sinulat ng bagong sibol na manunulat ay hindi na napalimbag. Mula noon hanggang ngayong 1964 ay hindi napupulsuhan ng bayan ang bagong sikdo ng panitikang Pilipino."

"Ito ang ibig naming gawin. Ibig naming ipabasa sa bayan ang mga bagong akdang sa abot ng aming kaalaman at kasanayan ay tinipon namin at sa kabila ng mga sagabal sa pagpapalimbag ay naipagsumakit naming maiharap sa bayan."

"Inaasahan naming ang Mga Agos sa Disyerto ay lalaganap sa "sinasabing" kadisyertuhan ng Panitikang Pilipino, pati na rin sa isipan ng mga kaaway nito."


Mga pinaghalawan:
Mga Agos sa Disyerto, Ikaapat na Edisyon, C & E Publishing, Inc., 2010
Sa Aking Panahon: 13 Piling Katha (at Isa Pa!), Edgardo M. Reyes, 1990
WikiPilipinas.org
Kambal na Disyerto: Ang Kolonyal na Kanon at Komersyalismo at ang Panimulang Pagpapaagos ng Mga Agos sa Disyerto, Kritika-Kultura, sanaysay ni Gng. Corazon Lalu-Santos ng Kagawaran ng Filipino ng Ateneo de Manila University

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento