Lunes, Pebrero 16, 2026

Panonood ng dokumentaryong Gomburza sa MET


PANONOOD NG DOKUMENTARYONG GOMBURZA SA MET
‎Maikling sanaysay at tulâ ni Gregorio V. Bituin Jr.
‎Madaling araw na nang lumuwas ako ng Maynilà galing Batangas. Nailibing na ang aking tiyahin kahapon.
‎Ikaapat pa lang madaling araw ay nakasakay na ako ng bus at nakarating ng ikaanim ng umaga sa PITX sa Pasay Kaybilis ng biyahe. Nakauwi akong bahay ng ikapito ng umaga. Ang halos pitumpung kilometro galing lalawigan ay dalawang oras habang ang halos labing-anim na kilometro ay isang oras.
‎Pagkauwi ko'y naghanda na rin ako upang makarating ng maaga sa Metropolitan Theater sa Maynilà upang mapanood ang palabas na Gomburza. Dumating ako roon ng alas-diyes y medya ng umaga para sa alas-onseng palabas, Pebrero 16, 2026, araw ng Lunes.
‎Kaysarap ng upo ko. Akala ko bago mapanood ang pelikula ay maikling dokumentaryo muna. Hanggang dumami ang paglalahad ng mga historyan hinggil sa Gomburza. Hinihintay kong mag-umpisa ang pelikula. Subalit natapos na ang dokumentaryo ay di pa nagsisimulâ ang pelikula. Matapos ang isang oras ay natapos ang dokumentaryo. Iyon na pala iyon.
‎Pelikula ang inaasahan ko. Dokumentaryo pala. Tumagal iyon ng isang oras. Iba't ibang historian ang kinapanayam hinggil sa búhay ng tatlong paring sina Fr. Mariano Gomez, Fr. Jose Burgos, at Fr. Jacinto Zamora. Isa sa mga historyan ay si Prof. Xiao Chua, habang di ko na naitala ang pangalan ng dalawa pa.
‎Hindi ang pelikulang Gomburza ang aking napanood ng libre. Iyon sanang pelikula ang inaasahan kong mapanood dahil naging entry sa Metro Manila Film Festival noong 2023 na hindi ko naman napanood noon dahil mahal, nasa P300 to P400. Mahilig kasi akong manood ng historical films.
‎Magkagayunpaman, magandang napanood ko rin ang dokumentaryong Gomburza. Dahil marami iyong ipinabatid sa akin. Tulad ng pagpapakita ng mga propayl nila. Silang tatlo ay pawang nagsipag-aral sa Colegio de San Juan de Letran, at sa kalaunan ay nag-aral din sa Unibersidad ng Santo Tomas.
‎Bilang graduate ng high school sa Letran sa Intramuros, balak ko ngang magsulat ng sanaysay na marahil ay pamamagatan kong "Dedikasyon sa Nobela ng Atenistang si Rizal sa tatlong paring Letranista."
‎Tinawag palang MaJoJa ang Gomburza ng ilang henerasyon ngayon, mula sa Mariano, Jose, at Jacinto, na binatay sa unang pantig ng pangalan ng mga nasabing pari. Paglabas ko sa sinehan ay nagkita kami roon ng mga kasamang sina John L. at Maria M., na nanood din pala, kaya nag-selfie kami sa poster ng Gomburza.
‎Magkagayunpaman, mabuti't napanood ko ang dokumentaryong ito. Aabangan ko namang panoorin ang pelikulang Gomburza. Sana'y Free Admission din tulad ng dokumentaryo. Mahalagang mapanood ang mga pelikula hinggil sa kasaysayan ng ating bayan.
‎tatlong paring martir sa kasaysayan
‎na ginawa'y paglingkuran ang bayan
‎subalit sila pa ang hinatulan
‎ng mga Kastilà ng kamatayan
‎salamat sa mga napanood ko
‎di man sine kundi dokumentaryo
‎mula probinsya'y sadyang hinabol ko
‎sa layuning mapanood lang ito
‎maraming natutunan at nabatid
‎kung bakit ang Gomburza'y naging martir
‎kayânais kong kandila'y itirik
‎bilang paggunitâ sa pagkamartir
‎tagos sa pusò, nilikha'y layunin
‎sine sa kasaysayan panoorin
‎historya ng bayan nati'y alamin
‎at mga sugat nito'y ating damhin
‎02.16.2026

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento