Martes, Hunyo 21, 2011

Ang Kabayanihan ni Rizal at ang Pagmamaltrato sa mga Manggagawa ng Hanjin

ANG KABAYANIHAN NI RIZAL AT ANG PAGMAMALTRATO SA MGA MANGGAGAWA NG HANJIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Hunyo 20, 2011

Dapat kagabi ko pa sinulat ang artikulong ito pagdating ko sa aking lungga, ngunit dahil sa pagod ay nakatulugan ko na lang ito. Kanina naman ay maaga akong gumising para tapusin ang ilang plakard para sumama sa rali ng alas-nwebe sa Mendiola, sa isyu ng Hanjin.

Walang tigil ang ulan buong maghapon kahapon, araw ng Linggo, ika-150 kaarawan ni Gat Jose Rizal, ngunit hindi naging sagabal ang ulan upang puntahan ko pa rin ang makasaysayang Luneta. Sinugod ko ang ulan upang kahit papaano'y maging bahagi ng pagdiriwang ng isang yugto sa kasaysayan ng bayan. Bandang ikalima na ng hapon nang makarating ako sa Rizal Park mula sa isang oras na biyahe.

Mistulang walang tao ang Luneta dahil sa ulan, ngunit nagsilungan lang pala ang mga ito. Nakatayo pa rin dito ang mga booth ng iba't ibang lungsod at bayan sa Metro Manila, tulad ng Manila, Taguig, Paranaque, San Juan, atbp. Dahil maulan, dumiretso na ako sa pinagdarausan ng konsyerto sa Luneta, sa Concert at the Park. Isa itong open air auditorium sa Rizal Park, walang bubong, kaya ang mga nagpunta rito kagabi ay pawang nakapayong, habang ako naman ay nakadyaket at sumbrero lang. Nuong nakaraang Linggo lang ay narito rin ako sa konsyerto na pinangunahan ng bandang Penpen.

Ambon na lamang nang magsimula ang palabas. Kaunti lang ang mga taong manonood, ngunit dumami bigla nang marinig na ang paanyaya ng emcee na magsisimula na ang palabas, isang historical musical play.

Ang pagsasadulang musikal ay pinamagatang "Pepe: Talambuhay at Panaginip ni Dr. Jose Rizal" sa pangunguna ng Teatro Expedicion de Filipinas, mga performers mula sa Gawad Kalinga, at ang aktor na si Biboy Ramirez ang gumanap bilang Dr. Jose Rizal. Dahil maambon, nakaharang ang mga payong ng mga manonood kaya naobliga ang karamihan na manood ng nakatayo, kasama na ako roon.

Awitan at sayawan, habang tinatalakay ang buhay ni Rizal. Magaganda ang mga costume ng mga nagsiganap. Pati ang paglilipat ng mga eksena sa pamamagitan ng pag-uusog ng mga props, paggamit ng ilaw, bagamat may panahong di gaanong marinig ang boses ng nagsasalita dahil tila palyado at di malakas ang microphone. Ngunit nagawan naman agad ito ng paraan ng hindi halata. Pinakita ang nakabarong na si Paciano nang binilinan niya si Rizal sa pagtungo sa ibayong dagat, ang pagsusulat ni Rizal ng nobela, ang ilang bahagi ng Noli at Fili, si Maria Clara, si Crisostomo Ibarra ng Noli, na naging si Simeon sa Fili, ang kontrabidang tatay ni Maria Clara na si Padre Damaso, si Osei San na naging kasintahan ni Rizal, si Josephine Bracken, ang paglatag ng mahabang puting telang nagsmistulang dagat na aalun-alon, ang mga gwardya sibil, at iba pang eksena.

Maganda ang palabas, ngunit nadismaya lamang ako nuong bago mamatay si Rizal ay pinirmahan niya ang isang retraksyon, dahil hindi ito kapani-paniwala. Naniniwala akong imbento lamang ito ng mga kaparian. Isang kasulatan ang retraksyong pinirmahan ni Rizal, na nagsasabing nagbabalik loob na siya sa simbahan, at kung gayon ay pinagsisisihan na niya ang paglaban sa kaparian sa pamamagitan ng kanyang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Una, malaking propaganda na para sa mga prayle at malaking kahihiyan kay Rizal bilang awtor ng Noli at Fili kung pinirmahan nga ito ni Rizal. Di dapat bayani si Rizal kung totoo ito. Ikalawa, kung pinirmahan ni Rizal ang retraksyon, dapat di na natuloy ang pagbitay upang ipakita ng mga prayle sa sambayanang Filipino na isinuko na ni Rizal ang kanyang prinsipyo. Ngunit nangyari pa rin ang pagbitay.

Di man kumpleto ngunit kinuha nila ang pagsasadulang musikal sa loob ng isang oras at labinlimang minuto (mula 6:05 pm hanggang 7:24 pm). Umuwi akong umuulan pa rin. Pag-uwi ko'y binuksan ang laptop ngunit lalagnatin yata ako dahil sa ulan, kaya di na ako nakapagsulat. Ipinikit ko muna ang pagal kong katawan at mata.

Pagkagising kanina, tumuloy na kami ng aming mga kasama sa makasaysayang Mendiola, ang tradisyunal na lugar ng protesta. Dahil holiday at walang pasok, di trapik kaya madali kaming nakarating ng Mendiola. Walang humarang na pulis, naroon na rin ang ilang taga-media. Iprinotesta namin doon ang nagaganap sa pabrika ng Hanjin, ang pagawaan ng bapor ng mga Koreano dito sa Pilipinas. Sumama rito ang iba't ibang malalaking organisasyon ng manggagawa, tulad ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Alliance of Progressive Labor (APL), Pagkakaisa ng mga Manggagawa sa Transportasyon (PMT), Philippine Airlines Employees Association (PALEA), Sanlakas, Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), League of Urban Poor for Action (LUPA), ang Church-Labor Conference (CLC), Urban Missionaries (UM), Partido ng Manggagawa (PM), Manggagawa para sa Kalayaan ng Bayan (MAKABAYAN), Koalisyon Kontra Kontraktwalisasyon (KONTRA), ang Samahan ng Manggagawa sa Hanjin Shipyard (SAMAHAN), sa pangunguna ng pangulo nitong si Joey Gonzales, at iba pa.

Ayon sa mga manggagawa, umaabot na sa tatlumpu't isang (31) manggagawang Pilipino ang namatay sa Hanjin dahil sa aksidente. Nasa animnapu't tatlong (63) manggagawa naman ang tinanggal dahil sa pagsapi ng unyon. Kinakailangan ng manggagawang magtayo ng unyon para protektahan ang kanilang seguridad sa trabaho, bukod pa sa ito'y karapatan nilang nakasaad sa Konstitusyon. Binabatukan, sinasampal-sampal ang mga manggagawa ng Hanjin, na para bang di sila tao. Nang magbuo ng unyon ang mga manggagawa'y tinakot pa sila, at tinanggal. Kamakailan ay may  namatay na namang manggagawang Pilipino rito nang mahulog sa ginagawang gusali, isinugod sa ospital at doon na binawian ng buhay.

"Trabahong may dangal, hindi kontraktwal!" ang sigaw ng mga manggagawa. Para sa mga manggagawa, ang kontraktwalisasyon ay salot, dahil tinatanggal nito ang karapatan at benepisyo ng mga manggagawa. Imbis na maging regular sila dahil importante ang kanilang trabaho sa kumpanya, ay di sila nareregular, kahit na mahigit na silang anim na buwan o isang taon sa kumpanya. Kaya di nila natatamasa ang mga benepisyong nararapat sa kanila. Nasa 21,000 manggagawang Pilipino ang gumagawa ng mabibigat na trabaho sa Hanjin, ngunit ito'y sa pamamagitan ng mga contractual agency. Kaya sinasabi ng Hanjin na nasa 148 lang ang manggagawang nila, ngunit ang tinutukoy pala nila rito'y ang 148 manggagawang Koreano. Dahil kontraktwal ang mga manggagawang Pilipino ay ayaw aminin ng management ng Hanjin na manggagawa nila ito, dahil ang nag-empleyo umano sa mga ito ay mga kontraktor. Sa batas, maging sa Labor Code, mali ang ganitong pananaw nila. Dahil direktang gumagampan ng mahahalagang gawain sa pabrika ng Hanjin, mga gawaing essential and necessary, ang 21,000 manggagawang Pilipino.

Sa Hulyo 3, ilulunsad ng mga manggagawa ang isang mahabang karabana para sa proteksyon sa trabaho, mula Maynila hanggang Subic kung saan naroroon ang pabrika ng Hanjin.

Dalawang pangyayari sa loob ng dalawang araw. Dalawang pangyayaring magkabaligtad, magkaiba. Ang isa'y hinggil sa kabayanihan ng pambansang bayani, ang isa nama'y kapahamakan sa mga manggagawa. Ang isa'y pagpapaalala na dapat mahalin ng mga Pilipino ang kanyang bayan at ang sambayanang bumubuo ng bayan. Ang isa'y nagpaalala na kailangang magkaisa ang sambayanan upang ang kanilang mga kababayan ay hindi apihin ng mga dayuhang kapitalista. Dalawang pagpapaalala sa atin na hindi tayo dapat maging bulag, pipi at bingi sa kalagayan ng ating mga kababayan, bagkus ay kumilos tayo para matiyak na ang lipunang ating ginagalawan ay maging isang lipunang makatao, kung saan ang pang-aapi't pagsasamantala'y di na umiiral.

Nilabanan ni Rizal ang mga dayuhan, habang ang mga manggagawang Pilipino'y inaapi ng mga dayuhang kapitalista. Sa paggunita natin sa kabayanihan ni Dr. Jose Rizal na nagsakripisyo upang lumaya ang bayan, nangangailangan pa uli ng kabayanihan ngayon dahil sa pagsasamantala sa mga manggagawa, di lang sa Hanjin, kundi sa iba pang mga pagawaan. Alalahanin natin ang sinabi ni Rizal sa katauhan ni Elias sa El Filibusterismo, “Mamamatay akong di nakikita ang bukang-liwayway ng kalayaan sa aking bayan. Kayong mga makakakita, batiin n’yo siya at pagpugayan! Huwag n’yo lamang kalilimutan ang mga nabuwal sa dilim ng gabi!” "

Nangangailangan ngayon ng pagkakaisa.

Miyerkules, Mayo 11, 2011

Simbolikong Paglilibing kay Bonifacio, Kweba ng Pamitinan, Mayo 10, 1997


Ang Simbolikong Paglilibing kay Gat Andres Bonifacio 
sa Kweba ng Pamitinan sa Wawa, Montalban, Rizal, Mayo 10, 1997
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Saksi ako sa simbolikong paglilibing kay Gat Andres Bonifacio sa kweba ng Pamitinan sa Wawa, Montalban, Rizal, noong Mayo 10, 1997, isandaang taong anibersaryo ng kanyang pagkapaslang sa kamay ng kapwa kababayan. Staff pa ako ng Sanlakas noon nang mapasama ako rito't naging kasapi ng history group na Kamalaysayan (Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan). Ang simbolikong paglilibing ay pinangunahan ng grupong Kamalaysayan, na pinamagatan nilang Sentenaryo Bonifacio '97: The People's Symbolic Funeral of Andres Bonifacio. 

Dumalo dito ang mga apo ni Bonifacio, kabilang si Gary Bonifacio (na hindi pa abogado noon), mga taga-akademya, kabataan, environmentalist, mga kasapi ng grupong Sanlakas, at marami pang iba. Ipinasok sa loob ng kweba ang isang urna bilang simbolo ng paglilibing kay Bonifacio, at nagkaroon ng maikling programa, kung saan binigkas namin ang Kartilya ng Katipunan. Ayon sa alamat, dito sa Kweba ng Pamitinan ikinulong ng nag-uumpugang bato si Bernardo Carpio, isang bayani ng bayan na ang lakas ay tulad ng kay Samson ni Delilah. Ang kweba ng Pamitinan ang tinuturing na "Temple of Katipunan Spirit". 

Noong 1895, dito sa kweba ng Pamitinan ang lihim na pulungan nina Bonifacio at iba pang Katipunero upang magplano ng mga istratehiya't taktika laban sa Kastila. Pinaniniwalaang dito isinagawa ang Unang Sigaw para sa Kalayaan ng Bayan laban sa Espanya noong Biyernes Santo ng Abril 1895. Isinulat pa nila sa dingding ng kweba ang panawagang “Viva Independencia" na mababakas pa rin hanggang ngayon. Dito rin nila isinagawa ang paglilinis ng kalooban na nakatitik sa Kartilya ng Katipunan. 

Noong Hulyo 7, 1996 ang kweba ng Pamitinan ay idineklarang National Historical Site at noong Oktubre 10, 1996, ito’y idineklarang Protected Area Landscape. 

Makasaysayan ang aktibidad na ito na nagdulot sa akin ng kakaibang pakiramdam at pagiging committed sa gawaing history hanggang ngayon.

Martes, Mayo 10, 2011

Ang Pag-aaral ng Kasaysayan

ANG PAG-AARAL NG KASAYSAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi ako mahilig magbasa ng kasaysayan nuon. Katunayan, mababa ang marka ko sa Social Studies noong nasa high school pa ako kumpara sa Math, Geometry, Trigonometry at Algebra. Wala kasi akong interes noon sa nangyayari sa paligid, dahil mas nakahiligan ko ang mga numero. Kaya nga kinuha ko sa kolehiyo noon ay BS Aeronautical Engineering at BS Mathematics, na pawang di ko naman tinapos dahil nawala na ang pokus ko sa numero nang masangkot na ako sa aktibismo at pulitika, at mapag-aralan ang iba't ibang isyu ng bayan.

Marahil namulat ako sa pulitika mula nang ako'y mangibang bansa, anim na buwan ako noon sa Hanamaki City sa bansang Japan bilang on-the-job trainee sa electronics. Naisip ko nga noon, bakit pumunta ako sa bansang Japan pa gayong ito ang lumusob noon sa Pilipinas at naging dahilan ng Ikalawang Daigdigang Digmaan dito sa Asya. Nang makabalik ako ng bansa ay naging regular na manggagawa ako sa isang Japanese-Filipino company, direct hire kaming galing sa Japan. Sa pabrika, mas nakita ko ang karanasan ng mga manggagawa hinggil sa iba't ibang isyu, tulad ng sahod at pag-uunyon. Dito na ako naunang maging aktibo sa pulitika. Sa katunayan, tatakbo nga ako noon bilang pangulo ng unyon ngunit dahil maraming ipinasok sa kumpanyang iyon ang tiyo ko na assistant manager naman sa kapatid na kumpanya ng pinapasukan ko, napigilan nila ako.

Nang mag-resign ako matapos ang tatlong taon ng paglilingkod sa kumpanya bilang machine operator, nag-aral akong muli. Nasa publikasyon ako ng paaralan bilang staffwriter nang ako'y maanyayahang maging bahagi ng aktibismo. Nagkainteres ako dahil iyon ang matagal ko nang hinahanap, bagamat di ko alam na hinahanap ko pala iyon. Naging bahagi ako ng Kamalayan (Kalipunan ng Malayang Kabataan) mula nang ito'y itatag mula sa pagiging LFS-NCR. Hanggang sa maging organisador ako nito, manunulat at maging opisyal sa pangrehiyong saklaw.

Nasa Kamalayan na ako nuon nang minsang pumunta ako sa Dapitan sa opisina ng National Federation of Student Councils (NFSC), kapatid na samahan ng Kamalayan. Dito ko nakilala ang isang naging kaibigan ko hanggang ngayon nang nag-aanyaya siya para sa isang pulong ng grupong pangkalikasan, ang Environmental Advocacy Students Collective (EASC) kung saan nang lumaon ay isa rin ako sa naging opisyal. Siya ang nagsama sa akin sa buwanang environmental forum sa Kamayan restaurant. Doon ko nakilala ang grupong Kamalaysayan (Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan) nang mag-anyaya ito para sa isang ritwal ng Katipunan hinggil sa pagsasabuhay ng Kartilya.

Ayon sa tagapagsalita nito, nakakaumay ang pagtuturo sa eskwelahan ng kasaysayan dahil itinuturo daw doon ay pulos pagkabisa ng mga pangalan at petsa ng mga pangyayari, at hindi ang kahalagahan ng kasaysayan sa lipunan. Dagdag pa rito ang pagkilala ng pamahalaan sa mga pagkatalo, imbes na pagkapanalo ng ating mga ninuno sa kasaysayan. Kinilala ang pagbagsak ni Rizal, pagbagsak ni Ninoy, pagbagsak ng Bataan, at pagkilala sa huling heneral na sumuko sa Amerikano, pero di kinilala ang pagkabayani nina Macario Sakay, ang pagiging unang pangulo ni Andres Bonifacio, ang tagumpay sa Balangiga, bagamat naging trahedya sa bandang huli, ang pagsakop ng Katipunan sa kwartel ng Kastila sa Pasig sa "Battle of Nagsabado", at marami pang iba.

Hanggang maisagawa ng Kamalaysayan ang isang aktibidad na talagang nagpukaw sa aking interes sa kasaysayan, ang isang ritwal ng paglilibing sa mga labi ni Gat Andres Bonifacio sa kweba ng Pamitinan sa Montalban, Rizal noong Mayo 10, 1997, kasabay ng paggunita sa ika-100 anibersaryo ng pagpaslang kay Bonifacio at sa kapatid niyang si Procopio. Nasa grupong Sanlakas na ako noon bilang staff. Marami kaming nakasaksi sa makasaysayang pagtitipong iyon.

Bilang manunulat at naging mag-aaral na ng kasaysayan, sinaliksik ko at sinulat ang librong "Macario Sakay, Bayani", na inilathala ng Kamalaysayan, kasabay ng panawagang magkaroon ng rebulto at ipangalan kay Macario Sakay ang pangunahing lansangan sa Maynila bilang pagbibigay-papuri sa kabayanihan ni Sakay, ang lider na pumalit kay Bonifacio sa Katipunan. Ang librong ito'y pormal na inilunsad sa UP Manila noong Setyembre 13, 2007, kasabay ng ika-100 anibersaryo ng pagbitay sa bayaning si Macario Sakay. Nakadalo naman sa paglulunsad ng librong ito ang aking ama at kapatid na babae. Isang taon matapos nito, naglabas ng resolusyon ang senado bilang pagpupugay kay Macario Sakay, sa pamamagitan ng Senate Resolution 623 nina Senador Kiko Pangilinan at Senador Nene Pimentel noong Setyembre 9, 2008, at Senate Resolution 121 na nilagdaan ni Senate President Manny Villar at Ms. Emma Lirio-Reyes, Secretary to the Senate, noong Setyembre 16, 2008. Pinasinayaan naman ng pamahalaang lungsod ng Maynila, sa pangunguna ni Manila mayor Alfredo Lim ang pagtatayo ng rebulto ni Macario Sakay noong Setyembre 13, 2008, sa Plaza Morga, sa Tondo, Maynila. Bago ito'y ikinampanya ng grupong Kamalaysayan kay Mayor Lim, na kasapi rin ng Kamalaysayan, ang pagkakaroon ng rebulto ni Sakay sa Maynila.

Nalathala naman sa magasing Tambuli ng Dakilang Lahi na inilalathala rin ng Kamalaysayan ang ilan kong artikulong sinaliksik at sinulat, tulad ng istorya ng mga lider-manggagawang sina Teodoro Asedillo, Hermenegildo Cruz, Amado V. Hernandez, at Crisanto Evangelista.

Noong Pebrero 6, 2009 naman ay inilunsad ng Aklatang Obrero Publishing Collective ang librong "Ka Popoy: Working Class Hero" sa UP Bahay ng Alumni, kasabay ng ika-8 anibersaryo ng kamatayan ni Filemon "Ka Popoy" Lagman, dating tagapangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Ang nasabing libro, kung saan ang inyong lingkod ang siyang editor, ay koleksyon ng mga artikulo ng mga nakakakilala kay Ka Popoy hinggil sa kanyang buhay. Nilalaman din ng libro ang iba't ibang tula at isang awit tungkol sa kanya.

Noong Setyembre 14, 2010, kasabay ng ika-17 anibersaryo ng BMP, inilunsad naman sa Lungsod Quezon ang librong "KapitBisig, Pagkakaisa sa Laban ng Manggagawa ng Goldilocks" na hinggil naman sa kasaysayan ng pakikibaka ng mga manggagawa ng Goldilocks, mula sa pagtatayo nila ng unyon, labanan sa husgado, hanggang itirik ang welga, hanggang magkaroon ng settlement kaya natapos ang welga, at ang papuri ni dating CHR Commissioner Leila De Lima sa tagumpay ng BISIG-AGLO-BMP sa isinagawa nilang welga. Napakahalaga ng mga kasaysayang tulad nito dahil isinulat ang mga pakikibaka ng manggagawang ang pananaw nila'y bihirang talakayin sa mga pahayagan at dyaryong pag-aari ng kapitalista.

Mula sa matematika tungo sa pag-aaral at pagsusulat ng kasaysayan. Gayunman, di ko pa rin nakakalimutan ang matematika at ang hilig ko sa numero. Katunayan ay pampalipas ko ng oras ang pagsagot ng Sudoku, di lang sa dyaryo kundi mismong libro nito. Kasaysayan at matematika, kasaysayan ng matematika, matematika ng kasaysayan. Tila nakaukit na sa sistema ko ang dalawang ito dahil kaakibat na ito ng ating buhay sa lipunan.

Sadyang marami pang dapat saliksikin, basahin, sulatin, na mga makasaysayang pangyayari, na may mahahalagang aral upang maging giya ng kasalukuyan at ng mga susunod na henerasyon. Mahahalagang aral upang di na maulit ang mga kabiguan ng nakaraan. Minsan nga ay sinabi ni Karl Marx sa kanyang akdang "18th Brumaire" hinggil sa pag-uulit ng kasaysayan: "Ang una'y trahedya. Ang ikalawa'y katawa-tawa. (The first is a tragedy, the second is a farce.)" Tinukoy sa una ang ginawa ni Napoleon I, ang unang emperador ng Pransya, habang ang ikalawa naman ay hinggil sa ginawa ni Napoleon III. Ayon kay Marx, "Sinabi ni Hegel noon na lahat ng malalaking patunay at mga personahe sa kasaysayan ay nagaganap ng dalawang ulit. Ngunit nakalimutan niyang idugtong: Ang una'y trahedya. Ang ikalawa'y katawa-tawa."

Halina't pag-aralan natin ang kasaysayan upang maging gabay natin sa kasalukuyan at sa hinaharap. Mabuhay kayo!

Huwebes, Disyembre 16, 2010

Ang LIRA at ako

ANG LIRA AT AKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Agosto 25, 2001 ang una kong pulong sa LIRA o Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo sa Adarna House sa Scout Limbaga St., sa Lungsod, Quezon. Kinausap kami ni Rebecca Añonuevo na pangulo noon ng LIRA na kami ang mga nakapasa at nais nilang maging bahagi ng pag-aaral sa LIRA. Setyembre 1, 2001, sa UST Literary Center ay nagturo sa amin si Ginoong Virgilio Almario o makatang Rio Alma hinggil sa kasaysayan ng panulaan sa Pilipinas.  Setyembre 8, 2001 ang unang sesyon ng pagtuturo sa amin ng tula, at ang unang paksa ay ang tugma at sukat na ang aming guro ay ang makatang si Michael Coroza. Agad niya kaming pinagawa ng tula hinggil sa aming natutunan ng araw na iyon na aming ipapasa sa susunod na sesyon. Tuwing Sabado ng hapon lang ang aming sesyon.

Sa aming mga magkakaklase ay ang aking pyesa ang unang naisalang, dahil bukod sa mahaba, ay hinggil iyon sa naganap na pagbagsak ng World Trade Center at Pentagon sa New York at Washington noong Setyembre 11, 2001. Ang tula kong ipinasa ay binubuo ng labing-anim na saknong na may apat na taludtod bawat saknong, at labingdalawang pantig bawat taludtod. Ayon kay Ginoong Coroza, imbes na labing-anim na saknong ay kaya naman iyong gawin sa tatlong saknong lamang nang hindi nawawala ang buong diwa.

Dahil sa palihan ng LIRA, nakarating ako sa Kongreso ng UMPIL (Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas) na ginanap sa Goethe Institute (German Library) noong Agosto 2001. Dito ko nakilala ang maraming magagaling at kilalang makata ng bansa, tulad ng magkapatid na Roberto at Rebecca Añonuevo, Vim Nadera, Teo Antonio, Jerry Gracio, at marami pang iba. Kaklase ko sa palihang iyon ang ngayon ay pawang sikat na rin sa larangan ng panitikan, na sina Edgar Calabria Samar at Jose Jason Chancoco.

Isa sa hindi ko malilimutan ay ang pagkamatay ng isang kilalang makata. Isang linggo na lamang ay nakatakdang magturo sa amin ang batikang makatang si Mike Bigornia, na awtor ng mga aklat ng tulang Prosang Itim at Salida, nang ito'y mamatay. Nakadalo ako sa burol sa St. Peter, at paglilibing sa kanya sa isang sementeryong malapit sa Tandang Sora sa Lungsod Quezon. Hindi siya nakapagturo sa amin, ngunit nakadaupang-palad ko siya sa Kongreso ng UMPIL.

Mula sa palihan sa LIRA ay naging aktibo ako sa pagtula, at ang hinawakan kong 8-pahinang pahayagan ng maralita bilang managing editor nito - ang Taliba ng Maralita - ay nilalagyan ko ng sarili kong likhang tula. Ganito ang aking katuwaan, na kahit sa pahayagang Obrero ng mga manggagawa ay tinitiyak kong lagi akong may nalalathalang tula.

Ayon sa kasaysayan, taong 1985 nang nagkasundo ang siyam na batang makata — sina Rowena Gidal, Edwin Abayon, Dennis Sto. Domingo, Ronaldo Carcamo, Danilo Gonzales, Vim Nadera, Ariel Dim. Borlongan, Romulo Baquiran Jr., at Gerardo Banzon na patuloy na magtagpo kahit natapos at sumailalim na sila sa Rio Alma Poetry Clinic, isang serye ng mga Sabado ng palihan at madugong pagsipat sa mga tula. Kaya’t noong 15 Disyembre 1985, sa tanggapan ng ngayo’y Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario, (mas kilala bilang Rio Alma) sa Adarna House, Quezon City, isinilang ang Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA), isang organisasyon ng mga makatang masigasig na nagsusulat sa wikang Filipino.

Matapos ang anim na buwan, noong Marso 8, 2002, ay nakapagtapos kami sa LIRA. Kasabay iyon ng paglulunsad ng bagong aklat ng mga tula ni Rio Alma na may pamagat na Supot ni Hudas na kulay itim ang pabalat. Sa aming mahigit dalawampung magkakaklase ay siyam lang kaming nakapagtapos, habang apat naman ang agad na naging kasapi ng LIRA. Hindi ako kasama sa mga naging kasapi bagamat nakapagtapos. Gayunpaman, dinadaluhan ko ang iba't ibang aktibidad ng LIRA basta lamang nagkapanahon.

Itinuturing ko nang bahagi ng aking buhay ang LIRA, dahil napaunlad nito ang aking kakayahan sa pagtula, at lumawak ang aking pananaw sa buhay. Dito'y nadiskubre ko na mas nais kong tumula ng may tugma at sukat, bagamat may ilan din akong mga tulang nasa malayang taludturan.

Linggo, Oktubre 3, 2010

Sa Alatiit ng Tugma at Sukat

SA ALATIIT NG TUGMA AT SUKAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.

May pumuna sa akin minsan kung hindi ba ako gumagawa ng mga malayang taludturan (verso libre sa Kastila, free verse sa Ingles). Sabi ko naman, gumagawa rin ako ng malayang taludturan. Iyon nga lang, madalang. Dahil mas nais kong likhain ang mga tulang may tugma at sukat.

Mas ang mga tulang may tugma at sukat ang nais kong gawin. Pakiramdam ko'y bihira na kasi ang gumagawa nito sa kasalukuyan, at karamihan ay malayang taludturan na. Pero hindi dahil malayang taludturan na ang uso ngayon o mas nililikha ng mga henerasyon ngayon ay iyon na rin ang aking gagawin. Mas nais ko pa rin talaga ng may tugma at sukat. Marahil dahil nais kong ipagpatuloy ang nakagisnan kong paraan ng pagtula nina Francisco Balagtas at Huseng Batute.

Napakahalaga na malaman ng sinumang nagnanais tumula kung ano ang tugma at sukat, talinghaga at alindog ng tula, lalo na ang kasaysayan ng pagtula ng ating mga ninuno. Ayon nga sa isa kong guro sa pagtula, dapat muna nating matuto sa kasaysayan, mapag-aralan at makagawa tayo ng tula mula sa tradisyon ng panulaang katutubo. Kaya bagamat nais ko ring magmalayang taludturan, mas kumonsentra ako sa pagkatha ng mga tulang may tugma at sukat. Ngunit dapat nating alamin ano nga ba ang mga anyong ito. Nariyan ang katutubong tanaga, na tulang may isahan o magkasalitang tugma at pitong pantig bawat taludtod ang sukat. Ang dalit naman ay waluhan ang pantig bawat taludtod. Lalabindalawahing pantig naman ang Florante at Laura ni Balagtas.

May tugmaan sa patinig at katinig. Sa patinig, hindi magkatugma kung magkaiba ng tunog kahit na pareho ng titik sa dulo. Halimbawa, nagtatapos sa patinig na o ang dugo at berdugo, ngunit hindi sila magkatugma dahil ang dugo ay may impit at walang impit ang berdugo. Magkatugma ang bugso at dugo, at magkatugma naman ang berdugo at sakripisyo.

Ang akda at abakada ay hindi magkatugma dahil ang akda ay may impit at ang abakada ay wala. Magkatugma ang akda at katha, at magkatugma naman ang abakada at asawa.

Ang bili at mithi ay hindi magkatugma dahil ang bili ay walang impit at ang mithi ay mayroon. Magkatugma ang mithi at bali, habang magkatugma naman ang bili at guniguni.

Sa katinig naman ay may tugmaang malakas at mahina. Ang mga katinig na malakas ay yaong nagtatapos sa mga titik na B, K, D, G, P, S, at T habang ang mga katinig na mahina naman ay nagtatapos sa L, M, N, NG, R, W, at Y.

Maganda ring limiin sa mga ganitong tula ang sukat. May tinatawag na sesura o hati sa gitna, upang sa pagbabasa o pagsasalita ng makata ay may luwag sa kanyang paghinga. Maganda kung bibigkasin ang tula na animo'y umaawit upang hindi mabagot ang tagapakinig. Sa paggamit ng sesura, karaniwang ang labindalawang pantig bawat taludtod ay ginagawang anim-anim, at hindi hinahati ang isang salita, tulad ng dalawang tula sa itaas.

Pansinin ang tugmaan na Saknong 80 ng Florante at Laura ni Balagtas, pati na ang sesura o hati sa ikaanim:

"O pagsintang labis / ang kapangyarihan
Sampung mag-aama'y / iyong nasasaklaw
Pag ikaw ang nasok / sa puso ninuman
Hahamakin lahat / masunog ka lamang."


Pansinin naman ang tugmaan sa ikaanim na saknong ng tulang Pag-ibig ni Jose Corazon de Jesus, pati na ang sesura sa ikawalo:

Kapag ikaw'y umuurong / sa sakuna't sa panganib
Ay talagang maliwanag / at buo ang iyong isip:
Takot pa ang pag-ibig mo, /hindi ka pa umiibig:
Pag umibig, pati hukay / aariin mong langit!


Sa pagdaan ng panahon, naisipan kong magkaroon ng eksperimentasyon sa pagtula. Sa loob ng dalawang buwan ay kumatha ako ng 150 tulang siyampituhan. Ang siyampituhan ang isa sa mga inobasyon ko sa pagtula, mahaba sa tanaga at haiku at kalahati ng soneto. Ito'y may siyam na pantig bawat taludtod sa buong tulang pito ang taludtod (siyam-pito) na hinati sa dalawang bahagi. Ang unang apat na taludtod ang problema o tesis at ang huling tatlong taludtod ang solusyon o kongklusyon. May pag-uulit ng salita, bagamat nag-iiba ng gamit, sa una't huling taludtod. At noong Nobyembre 2008 ay inilathala ko ang librong pinamagatang "Mga Sugat sa Kalamnan: Katipunan ng 150 Tulang Siyampituhan." Ang aklat ay may sukat ng sangkapat ng isang bond paper, at mabibili sa halagang P50 lamang.

Naito ang halimbawa:

AKING LUNGGATI
May bahid ng diwa ng uri
Ang inihahasik na binhi
Sa tumanang linang ng lahi
Laban sa diwang naghahari.
Payak lang ang aking lunggati
Ang iparamdam itong hapdi
Sa diwa nitong naghahari.


May ginawa rin akong onsehan, na labing-isang pantig bawat taludtod at labing-isang taludtod na tula. Narito ang halimbawa:

MASAMA ANG LABIS
may kasabihang "labis ay masama"
kunin lang kung anong sapat at tama
    huwag tularan ang trapong gahaman
    na ninong ng mga katiwalian
sa gobyerno'y kayraming kuhila
sa dugo ng madla'y nagpapasasa
    mga trapo'y di man lang mahirinan
    sagpang ng sagpang, walang kabusugan

ang lalamunang puno'y nakapinid
masibang halos maputol ang litid
nakahihinga pa ba silang manhid


Mas maiging kumuha ng pag-aaral sa mga palihan sa pagtula ang mga nagnanais matuto, tulad ng ibinibigay ng grupong LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo), upang mas mapalalim pa ang pag-aaral hinggil sa tugma at sukat, at sa katutubong pagtula.

Masarap magbasa ng mga tulang may tugma't sukat, kung paanong nalalasahan ko rin naman ang tamis at pait sa mga malayang taludturan. Bagamat nakabartolina sa tugma at sukat ang karamihan ng aking mga tula, malaya naman at hindi nakapiit ang diwang malalasahan ng mambabasa sa pagbabasa ng akda.

Mas ninais ko pa ang alatiit o lagitik ng tugma at sukat, dahil kaysarap damhin at pakinggan ang indayog na tulad ng kalikasan o kalabit ng tipa ng gitara. Parang naririyan lamang sa tabi ang mga kuliglig sa kanayunan kahit nasa pusod ka ng kalunsuran. Kaysa bangin ng malayang taludturang kung hindi ko iingatan ay baka mahulog akong tuluyan at mabalian ng buto't tadyang. Kailangan ang ingat upang ang tula ay hindi magmistulang isang mahabang pangungusap na pinagtilad-tilad lamang.

Lunes, Setyembre 6, 2010

Ang KURUS sa Manggagawa at Iba Pang Tula

Ang KURUS sa Manggagawa at Iba Pang Tula
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kapansin-pansin ang kaibahan ng ispeling ng salitang "kurus" noon sa ginagamit na "krus" ngayon. Dati, ito ay dalawang pantig, ngunit ngayon, ito'y isang pantig na lamang. Marahil ay literal na isinalin ito ng mga bagong manunulat mula sa salitang Ingles na "cross" na isa rin lang pantig. O kaya naman ay nagmula na ito sa sugal na kara krus.

Nang nagsaliksik ako sa internet ng kopya ng klasikong tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus upang muling ilathala sa isang publikasyong pangmanggagawa, napansin kong nagkulang ng isang pantig ang ika-12 taludtod ng tula. Kaya agad kong sinaliksik ang mismong aklat, at napansin kong ang ispeling ng "krus" sa internet ay "kurus" sa orihinal. Mali ang pagkakakopya ng mga hindi nakakaunawa sa tugma't sukat sa panulaang Pilipino, basta kopya lang ng kopya, at hindi nagsusuri, na may patakarang bilang ang bawat taludtod. Kahit nang ginawa itong awit ay binago na rin ito't ginawang krus.

Ang tulang Manggagawa ay binubuo ng labing-anim na pantig bawat taludtod, at may sesura (hati ng pagbigkas) tuwing ikawalong taludtod.

MANGGAGAWA
ni Jose Corazon de Jesus

Bawat palo ng martilyo / sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, / alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong / sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa / nitong buong Santinakpan
Nang tipakin mo ang bato / ay natayo ang katedral,
nang pukpukin mo ang tanso / ay umugong ang batingaw
nang lutuin mo ang pilak / ang salapi ay lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo / kaya ngayo'y nagyayabang.
Kung may ilaw na kumisap / ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, / tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata / ay kamay mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo / ang kurus na nakalagay.
Kaya ikaw ay marapat / dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari / nitong buong Kabihasnan.
Bawat patak ng pawis mo'y / yumayari ka ng dangal
dinadala mo ang lahi / sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka ng buhay na / walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot / nitong mundo pag namatay.

- mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, pahina 98

Inulit din ng makatang Jose Corazon de Jesus sa isa pa niyang tula ang pagkakagamit sa salitang "kurus".

Sa isang mahaba at dating kalsada
ang kurus sa Mayo ay aking nakita.
O, Santa Elena!
Sa buhok, mayroong mga sampagita;
sa kamay may kurus siyang dala-dala
ubod po ng ganda.

- unang saknong ng tulang Gunita sa Nagdaang Kamusmusan mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, pahina 91

Kurus din ang ginamit ng kilalang manunulat, nobelista, makata at dating bilanggong si Gat Amado V. Hernandez, na naging Pambansang Alagad ng Sining noong 1973.

ANG PANAHON
ni Gat Amado V. Hernandez

Kurus na mabigat / sa ayaw magsakit
ligaya sa bawa't / bihasang gumamit;
pagka ang panaho'y / lagi nang katalik
ay susi sa madlang / gintong panaginip.

- ikawalong saknong ng 16 na saknong na tulang Ang Panahon ni Gat Amado V. Hernandez, mula sa aklat na Amado V. Hernandez: Tudla at Tudling, pahina 370

Iba naman ang ginamit na ispeling ni Gat Amado V. Hernandez sa 5 saknong niyang tulang Ang Kuros, mula rin sa aklat na Amado V. Hernandez: Tudla at Tudling, pahina 159. Gayunman, dalawang pantig pa rin ang salitang iyon.

Tunghayan naman natin ang tula ng dalawa pang kilalang makata nang bago pa lusubin ng Hapon ang bansa. Tulad ng tulang Gunita sa Nagdaang Kamusmusan at Ang Panahon, ito'y lalabindalawahing pantig din sa bawat taludtod at may sesura sa ikaanim na pantig bawat taludtod.

ANG LUMANG SIMBAHAN
ni Florentino T. Collantes

Sa isang maliit / at ulilang bayang
pinagtampuhan na / ng kaligayahan
ay may isang munti / at lumang simbahang
balot na ng lumot / ng kapanahunan.
Sa gawing kaliwa / may lupang tiwangwang
ginubat ng damo't / makahiyang-parang.
Sa dami ng kurus / doong nagbabantay
makikilala mong / yaon ay libingan.

- unang saknong ng 17 saknong na tulang Ang Lumang Simbahan, mula sa aklat na Ang Tulisan at Iba Pang Talinghaga ni Florentino T. Collantes, pahina 167

TATLONG KURUS SA GOLGOTA
ni Teo S. Baylen

Ikaw, ako't Siya / ang kurus sa Bundok,
Isa'y nanlilibak, / nanunumpang lubos;
Isa'y nagtitikang / matapat at taos,
At nagpapatawad / ang Ikatlong Kurus!

mula sa aklat na Tinig ng Darating ni Teo S. Baylen, pahina 53

Marami pang makata noong panahon bago manakop ang Hapon ang sa palagay ko'y ganito nila binabaybay ang salitang "kurus". Gayunman, marahil ay sapat na ang ipinakitang halimbawa ng apat na makata upang maunawaan nating "kurus" na dalawang pantig at hindi "krus" ang pagbaybay ng mga makata noon ng salitang iyon.

Kaya napakahalagang maunawaan ng sinuman, lalo na kung kokopyahin ang mga tula ng mga sinaunang makata para ipalaganap, na may patakaran sa panulaang Pilipino na tugma't sukat (may eksaktong bilang ang bawat pantig), bukod pa sa talinghaga't indayog. Bagamat sa ngayon ay may mga tulang malayang taludturan dahil sa pag-aaklas ng mga bagong makata sa tugma't sukat at paglaganap ng modernismo sa panulaan, dapat maunawaang iba ang pagkabaybay at bilang ng pantig ng mga salita noon at ngayon, at hindi natin ito basta-basta na lang binabago.

Biyernes, Mayo 7, 2010

Ang Rebolusyonaryong Pag-ibig ayon kina Che Guevara at Andres Bonifacio


ANG REBOLUSYONARYONG PAG-IBIG AYON KINA CHE GUEVARA AT ANDRES BONIFACIO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Rebolusyonaryong pag-ibig. Ito marahil ay isang tipo ng pag-ibig na akma sa mga nakikibaka para sa kalayaan ng bayan, ng uri, at ng kanilang mamamayan. Pag-ibig na hindi makasarili, kundi pag-ibig sa kapwa, sa uri't sa bayan nang walang hinihintay na kapalit. Ito ang nais ipahiwatig ng rebolusyonaryong si Ernesto "Che" Guevara sa kanyang sanaysay na "Sosyalismo at Tao sa Cuba" nang kanyang isinulat:

"Sa panganib na magmukhang katawa-tawa, pahintulutan n’yong sabihin kong ang tunay na rebolusyonaryo ay ginagabayan ng dakilang pag-ibig. Imposibleng isiping wala nito ang tunay na rebolusyonaryo. Marahil isa ito sa pinakamalaking dula ng isang pinuno na dapat niyang pagsamahin ang marubdob niyang damdamin sa kanyang kaisipan at gumawa ng mahihirap na desisyon ng walang atrasan. Ang ating mga nangungunang rebolusyonaryo’y dapat gawing huwaran itong pag-ibig sa taumbayan, sa napakabanal na layunin, at gawin itong buo at hindi nahahati. Hindi sila dapat bumaba, ng may kaunting pagmamahal, sa antas kung paano magmahal ang karaniwang tao."

Napakasarap namnamin ng sinabing ito ni Che Guevara. Napakalalim ngunit magaan sa pakiramdam. Tunay ngang imposibleng walang dakilang pag-ibig sa puso ng bawat rebolusyonaryo, pagkat ito ang gumagabay sa kanila kaya nakikibaka para baguhin ang sistema at kolektibong kumikilos upang maitayo ang isang lipunang may pagkakapantay-pantay, walang pagsasamantala, at ibinabahagi ang yaman ng lipunan sa lahat, isang lipunang pinaiiral ang pagpapakatao't pakikipagkapwa-tao. 

Napakadakila ng pag-ibig ng isang rebolusyonaryong inilaan ang panahon, lakas at talino para sa isang makataong prinsipyo't marangal na simulain at handang ialay ang buhay para sa kabutihan ng higit na nakararami.

Sa ating bansa, kinilala ang talas ng kaisipan ng rebolusyonaryong si Gat Andres Bonifacio nang kanyang sabihing: Aling pag-ibig pa ang hihigit kaysa pag-ibig sa tinubuang lupa. "Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala." Sinulat ito ni Bonifacio sa kanyang 28-saknong na tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan", kung saan ginawang popular na awitin ang ilang piling saknong nito noong panahon ng batas-militar sa bansa. Narito ang unang tatlong saknong ng tula:

"Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa tinub'ang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.

Ulit-ulitin mang basahin sa isip
At isa-isahing talastasing pilit
Ang salita't buhay na limbag at titik
Ng sangkatauhan, ito'y namamasid.

Banal na pag-ibig! Pag ikaw ang nukal
Sa tapat ng puso ng sino't alinman,
Imbi't taong gubat, maralita't mangmang,
Nagiging dakila at iginagalang."

Napakatindi ng mensahe ng dalawang rebolusyonaryo. Hindi simpleng galit sa sistema ang dahilan ng kanilang pagkilos at paglaban, kundi pag-ibig! Pag-ibig! Inialay nila sa sambayanan ang kanilang buhay, lakas, at talino dahil sa sinasabi ni Bonifacio na "banal na pag-ibig", dahil banal din ang kanilang hangaring mapalaya ang bayan at ang mamamayan mula sa pagsasamantala ng sistema, hindi lamang ng dayuhan. 

Ang dalumat ni Bonifacio sa kanyang pag-ibig sa tinubuang lupa ay nagpapakitang hindi ang Diyos ng mananakop ang kanyang pinaniniwalaan, dahil Diyos iyon ng mga mapagsamantala. Ipinagdidiinan ni Bonifacio na dapat ibaling na ng sambayanan ang kanilang pagkahumaling sa Diyos ng mananakop tungo sa pag-ibig sa bayang tinubuan. Wala nang pag-ibig pang hihigit kaysa pag-ibig sa bayan, kahit na ang pag-ibig sa Diyos ng mga mapagsamantalang mananakop ay hindi makahihigit. Pagano ba si Bonifacio nang kanya itong isinulat?

Ngunit hindi pa rin masasabing pagano si Bonifacio dahil may paniwala pa rin siya sa Maykapal. Patunay dito ang ika-8 saknong sa tula niyang "Tapunan ng Lingap":

"Sa Diyos manalig at huwag pahimok
Sa kaaway natin na may loob-hayop,
Walang ginagawa kundi ang manakot
At viva ng viva'y sila rin ang ubos."

Marahil, hindi ang Diyos ng mananakop ang kanyang tinutukoy dito, kundi yaong Maykapal na bago pa dumating ang mga Kastila ay pinaniniwalaang Bathalang matulungin at hindi Diyos ng mga mapagsamantala. 

Ngunit ano nga ba ang rebolusyonaryong pag-ibig? Mayroon nga ba ng tinatawag na ganito? O ito'y pag-ibig din na hindi kaiba sa karaniwang nadarama ng umiibig? Mula sa puso. Ipaglalaban hanggang kamatayan. Nagkakaiba-iba lang kung sino ang iniibig. Isa bang kasintahan? Pamilya? Bayan? O sangkatauhan?

Rebolusyonaryong pag-ibig ba pag gumamit ka ng dahas para makuha ang gusto mo? O kailangan ng pagpapakasakit, ng pagpaparaya? Na mismong buhay mo'y iyong ilalaan para sa iyong iniibig, para sa iyong inaadhika? O ang rebolusyonaryong pag-ibig ay yaong iyong nadarama para sa uring pinagsasamantalahan na dapat kumbinsihing kumilos at baguhin ang sistema?

Ang rebolusyonaryong pag-ibig ay higit pa sa pag-ibig ni Bonifacio kay Gregoria de Jesus, higit pa sa pag-ibig ni Che Guevara sa kanyang asawang si Aleida March, at sa kanilang anak. 

Makahulugan ang tinuran ng bayaning si Emilio Jacinto sa kanyang mahabang sanaysay na Liwanag at Dilim, na kung walang pag-ibig ay mananatiling lugmok at api ang bayan. Kailangan ng pag-ibig at pagpapakasakit upang lumaya ang bayan sa pagsasamantala at mabago ang sistema. Ani Jacinto: 

"Kung ang pag-ibig ay wala, ang mga Bayan ay dili magtatagal, at kapagkarakang mapapawi sa balat ng lupa ang lahat ng pagkakapisan at pagkakaisa, at ang kabuhayan ay matutulad sa isang dahon ng kahoy na niluoy ng init at tinangay ng hanging mabilis. Ang pag-ibig, wala na kundi ang pag-ibig, ang makaaakay sa tao sa mga darakilang gawa sukdang ikawala ng buhay sampung kaginhawahan."

"Sa pag-ibig nunukal ang kinakailangang pagdadamayan at pagkakaisang nagbibigay ng di-maulatang lakas, maging sa pag-aabuluyan at pagtutulungan ng isa’t isa, maging sa pagsasanggalang ng mga banal na matwid ng kalahatan."

Ating tingnan ang ilang saknong sa isa pang tula ng pag-ibig na marahil ay maaaring makapaglarawan kung ano nga ba ang tinatawag na rebolusyonaryong pag-ibig. Ito ang sampung saknong na tulang "Pag-ibig" ng kilalang makatang Jose Corazon de Jesus. Gayunman, ang buong tula ni Huseng Batute (alyas ni Jose Corazon de Jesus) ay tungkol sa pag-ibig sa pangkalahatan, at hindi tungkol sa rebolusyonaryong pag-ibig. Sinipi ko lamang ang tatlong saknong (ang ika-4, ika-6 at ika-7 saknong) dahil palagay ko'y angkop ang mga ito sa paglalarawan kung ano ang rebolusyonaryong pag-ibig, bagamat hindi ito ang pakahulugan doon:

"Ang pag-ibig kapag duwag ay payapa't walang agos,
walang talon, walang baha, walang luha, walang lunos.
Ang pag-ibig na matapang ay puso ang inaanod
pati dangal, yama't dunong nalulunod sa pag-irog.

Kapag ikaw'y umuurong sa sakuna't sa panganib
ay talagang maliwanag at buo ang iyong isip.
Takot pa ang pag-ibig mo, hindi ka pa umiibig,
pag umibig, pati hukay ay aariin mong langit.

Iyang mga taong duwag na ang puso'y mahihina,
umibig man ay ano pa, di pag-ibig, kundi awa.
Kailangan sa pag-ibig ay hirap at mga luha
at ang duwag ay malayong sa pag-ibig dumakila."

Magandang dalumatin ang mga piniling tatlong saknong na ito sa tula ni Batute. Ang pag-ibig ay di duwag. Kikilos ka upang ipaglaban ang pag-ibig na naroroon sa kaibuturan ng iyong puso. At gagamitin mo naman ang iyong isip upang magtagumpay kang makamtan ito. Takot ka pa at hindi umiibig kung umuurong ka sa mga kakaharapin mong panganib.

Ang ganitong pag-ibig - pag-ibig na hindi duwag - ang nagdala kina Bonifacio at Che Guevara sa pagkilos at pakikibaka para sa kalayaan ng sambayanan. Kinaharap nila ang anumang sakuna't panganib, at hindi sila umurong sa mga labanan, maliban marahil kung ang pag-urong ay taktika upang magpalakas at makabalik sa labanan. Ang pag-ibig na ito rin ang nagdala sa kanila sa hukay nang sila'y parehong paslangin. Ang pag-ibig na ito ang nagdala sa kanila sa imortalidad.

Kaiba ito sa pag-ibig na sinasabi ni Balagtas sa saknong 80 ng kanyang koridong Florante at Laura, bagamat makakatas din ang rebolusyonaryong pag-ibig sa saknong na ito.

"O pagsintang labis ang kapangyarihan
Sampung mag-aama'y iyong nasasaklaw
Pag ikaw ang nasok sa puso ninuman
Hahamakin lahat masunod ka lamang."

Hahamakin lahat masunod lamang ang rebolusyonaryong pag-ibig sa bayang tinubuan. Lalabanan ang lahat ng mga mapagsamantalang walang pag-ibig sa mga maliliit. Babakahin ang sinumang nang-aapi't hindi umiibig sa kanyang mga kapatid, kasama, at kababayan. Lilipulin ang mga kaaway dahil sa pag-ibig sa kanyang kapwa. Malalim at matalim ang rebolusyonaryong pag-ibig, na kahit buhay man ang mawala'y ikasisiya ng sinumang nakadarama ng luwalhati ng pagsinta.

Bigyang pansin naman natin ang istruktura ng tula. Sa punto naman ng sukat at tugma, ang tula ni Bonifacio ay binubuo ng 12 pantig bawat taludtod sa 28-saknong, at may sesura sa ikaanim. Nagpapatunay lamang ito ng kaalaman ni Bonifacio sa tuntunin ng katutubong pagtula. Pansinin ang ikatlong taludtod ng unang saknong. "Gaya ng pag-ibig sa tinub'ang lupa", ang tinubuan ay naging tinub'an. Ito'y dahil sa mahigpit na tuntunin sa sukat at tugma sa pagtula noong panahong iyon. Ang tula naman ni Batute ay binubuo ng 16 na pantig bawat taludtod sa 10-saknong, na may sesura tuwing ikaapat na pantig. Kapwa tig-aapat na taludtod ang bawat saknong. 

Kahit ang ilan pang tula ni Bonifacio ay sumusunod sa padron ng Florante at Laura ni Balagtas, ang pagtulang alehandrino, na binubuo ng lalabindalawahing pantig bawat taludtod, at bawat saknong ay binubuo ng apat na taludtod. Ang iba pang tula ni Bonifacio ay ang "Tapunan ng Lingap", "Ang Mga Cazadores", "Katapusang Hibik ng Filipinas", at ang kanyang salin ng "Ultimo Adios" ni Rizal sa sariling wika.

Magandang halimbawa ang pag-ibig na ipinakita ng ating dalawang bayani. Mga halimbawang dapat pagnilayan, pag-ibig na dapat damhin, dahil ang bawat pagkilos ng mga manghihimagsik ay hindi nakatuon lamang sa galit sa kaaway kundi higit pa ay sa pag-ibig sa kanyang mga kapatid, mga kauri, mga kapamilya at kapuso, pag-ibig sa mga maralitang hindi niya kakilala ngunit nauunawaan niyang dapat hindi hinahamak at pinagsasamantalahan, pag-ibig sa uring kanyang kinabibilangan upang ito'y hindi apihin at yurakan ng dangal at karapatan. Rebolusyonaryo dahil naghahangad ng pagbabago taglay ang adhikaing pagtatayo ng sistemang walang pagsasamantala ng tao sa tao. Pag-ibig na walang pagkamakasarili kundi iniisip ang kapakanan na pangkalahatan.

Ang pag-ibig nilang ito'y maaaring maging gabay sa kasalukuyan. Hindi lamang pulos galit sa sistema ang dapat makita sa mga aktibista, o yaong mga nakikibaka sa lansangan. Tulad din ng pag-ibig ng mga aktibista ngayon, handa silang magpakasakit at iwan ang marangyang buhay, kung marangya man, o yaong dating buhay, upang yakapin ang prinsipyo at kilusang pinaniniwalaan nilang tunay na naglilingkod at nagmamahal sa sambayanan at sa uring matagal nang pinagsasamantalahan ng mapang-aping sistema. 

Tila magkatiyap ang kapalaran nina Andres Bonifacio at Che Guevara. Pareho silang manunulat at nag-iwan ng ilang mga sulatin. Pareho nilang nais ng pagbabago kaya sila'y nakibaka para sa kalayaan, kahit ibuwis nila ang kanilang buhay. Pareho silang humawak ng armas at naglunsad ng rebolusyon upang palayain ang bayan. Pareho silang nahuli at binihag. 

Pareho silang pinaslang habang sila'y bihag ng kanilang kaaway. Ang isa'y pinaslang ng mga dapat ay kapanalig sa pagpapalaya ng bayan, habang ang isa'y pinaslang ng mga kaaway sa lupain ng dayuhan. Si Bonifacio'y pinaslang ng mga tauhan ni Heneral Emilio Aguinaldo sa pamumuno ni Major Lazaro Macapagal noong Mayo 10, 1897 sa Bundok Buntis sa Maragondon, Cavite. Si Che Guevara naman, na ipinanganak sa Argentina, ipinanalo ang rebolusyong Cubano kasama ni Fidel Castro noong 1959, ay pinaslang noong Oktubre 9, 1967 sa La Higuera, Bolivia. Binaril siya ng sundalong Boliviano na nagngangalang Mario Teran, kahit siya na'y bihag ng mga ito.

Halina't ating pagnilayan ang tatlong huling taludtod ng tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan" ni Gat Andres Bonifacio:

"Kayong mga pusong kusang niyurakan
Ng daya at bagsik ng ganid na asal,
Ngayon ay magbango't Baya'y itangkakal,
Agawin sa kuko ng mga sukaban.

Kayong mga dukhang walang tanging palad
Kundi ang mabuhay sa dalita't hirap,
Ampunin ang Bayan kung nasa ay lunas
Pagkat ang ginhawa niya ay sa lahat.

Ipaghandog-handog ang buong pag-ibig,
Hanggang sa mga dugo'y ubusing itigis,
Kung sa pagtatanggol, buhay ay mapatid
Ito'y kapalaran at tunay na langit."

Kailangan natin ng rebolusyonaryong pag-ibig sa panahong ito ng ligalig.

Mga pinagsanggunian:
1. Aklat na "Panitikan ng Rebolusyon(g 1896)", ni Virgilio S. Almario, University of the Philippines Press, 1993, mp. 141-144, at p. 171-173
2. Aklat na "Si Che: Talambuhay at Ilang Sulatin ni Ernesto 'Che' Guevara", ni Gregorio V. Bituin Jr., Aklatang Obrero Publishing Collective, Oktubre 2007, p. 26 
3. Aklat na "Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula", ni Virgilio S. Almario, De La Salle University Press, 1984, mp. 28-29
4. Aklat na "Florante at Laura" ni Francisco Balagtas